Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

2 EB Babes, puntirya ni Dingdong

Author: Nitz Miralles

May teaser na ng My Dad is Better than Your Dad, ang bagong game show ng GMA-7 na ang host ay si Paolo Contis.

Magiging busy ang actor dahil nagti-taping na rin sila ng Ang Babaing Hinugot sa Aking Tadyang, kung saan kontrabida uli ang role niya.

Feeling lucky si Paolo dahil hindi lang ang career ang maganda ang takbo, kundi pati ang lovelife sa pagdating sa buhay niya ni EB Babes Lian Paz.

Nasaksihan ng mga taga-Bubble Gang ang sweetness ng dalawa nang bumisita ang dalaga sa taping ng boyfriend last Monday.

Sabi ng isang nakakita, si Paolo ang mas in love kesa kay Lian at talagang proud ito sa girlfriend.

Kaya raw umamin na sila para ipagtanggol ang girlfriend sa mga hindi pabor dito para maging nobya niya.

Dedma si Paolo sa tsikang ang ex niyang si Isabel Oli pa rin ang gusto ng parents niya kesa kay Lian.

Kung siya raw ay naka-move on na, bakit hindi ang parents niya?

Naikuwento naman ni Lian na sa mga naging boyfriends niya, si Paolo lang ang tanggap ng kanyang mga magulang at hindi sinimangutan nang ipakilala niya.

* * *

Nali-link din sa EB Babes si Dingdong Dantes at hindi lang isa, kundi dalawa.

Kuwento ni Lolit Solis, na humahawak ng publisidad ng actor, si EB Babes Angel ang unang nilapit-lapitan ng actor at sumunod si EB Babes Zia (sana tama ang spelling namin).

Actually, iba ang ginamit na word ni Lolit. Pinalitan lang namin at baka ma-offend ang EB Babes.

Ang interes daw ni Dingdong kina EB Babes Angel at Zia ang rason kung bakit may conflict ang dalawa.

Nagkaselosan daw kahit wala pang formal na nililigawan sa kanila ang actor.

Interesado ang fans nina Dingdong at Marian Rivera na makilala sina EB Babes Angel at Zia, hindi nila aawayin, titingnan lang nila.

"Single" ang sinabing status ng actor nang tanungin sa presscon ng Goldilocks, he's free na manligaw sa iba, pero siyempre, priority niya ang loveteam nila ni Marian lalo't malapit nang umere ang Ang Babaing Hinugot sa Aking Tadyang.

* * *

Bumisita kami sa taping ng Bulong ng Puso episode ng Dear Friend na magsisimulang mapanood sa Sunday, January 18.

Pilot episode ito ng Season 2 ng Sunday series ng GMA-7 na tatagal ng eight weeks at tampok ang tambalan nina Mart Escudero at Jennica Garcia at Rich Asuncion at Dion Ignacio.

After Boys Next Door, ito ang biggest project ni Rich at ipinauna na sa fans nina Dion at Yasmien Kurdi na hindi niya inaagaw ang actor kay Yasmien at nagtatrabaho lang sila.

Kumusta ang tambalan nila ni Dion?

"Okey naman, pero sabi niya kinakapa pa niya kung paano ako as a partner. Inoobserbahan pa niya ako at kahit off-cam, pinag-aaralan niya ang character niya para madala 'pag take na namin dahil nahihirapan daw siya sa akin," tsika ni Rich.

Role ni Amor ang gagampanan ni Rich, na pag-aagawan nina Mateo (Mart) at Patrick (Dion) at gugulo pa ang love story nila sa pagpasok ni Toni (Jennica).

Si Jun Lana ang director nito.

Si Rich pala ang sinasabing secret girlfriend ni Aljur Abrenica at sagabal para mas umabante pa ang loveteam ng actor at ni Kris Bernal.

Itinanggi ito ng dalaga kahit marami ang nagpapatunay na naging sila talaga ng actor, pero break na sila ngayon, kaya may chance nang totohanin nina Kris at Aljur ang kanilang tambalan.

* * *

Nalungkot ang viewers ng La Lola noong Tuesday dahil tuluyan nang pinatay ang character ni Marky Cielo na sina Billy/Enrico.

Patay na ang young actor nang kunan ang death scene, kaya mga kamay na lang nito ng ipinakita at iniyakan na lang nina Jackie Lou Blanco (Griselda) at Lovi Poe (Julia) ang kanyang katawan.

Maganda ang itinatakbo ng istorya ng La Lola habang nalalapit ang pagtatapos nito, pero gustung-gusto na ng viewers na mabuking na hindi si Lalo (Wendell Ramos) at mukha lang nito ang napapanood ngayon.

Malaki na ang tiyan ni Angelika dela Cruz, kaya puro half body na ang kinukunan sa kanya at para hindi mahirapan ang writers, pinalabas ding buntis ang character niyang si Sabrina.

* * *

Sa Luna Mystika, nag-decide si Dexter (Mark Anthony Fernandez) na dalhin sa Batangas si Luna (Heart) para ilayo sa mga umaaway dito.

Nalaman ni Luna kay Anata (Michelle Madrigal) na paglubog ng buwan, isa sa kanila ni Celestina ang magiging anino habambuhay.

Sasakit ang tiyan ni Luna, hudyat na humihina na ang kapangyarihan ng prutas na Limer at matatakot siya. Makikita naman ni Henry (Prince Stefan) si Libado (Aljur Abrenica) sa bahay nina Malou (Kris Bernal) at mainit ang dugo ng magkaribal sa isa't isa.

Source: People's Tonight