Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

ABS at GMA, tumindi ang giyera dahil kay Pacquiao!

ABS at GMA, tumindi ang giyera dahil kay Pacquiao!

Author: Jojo Gabinete
Column: The Source

ISINULAT namin dito sa Abante noong July 27, 2008 ang pagpapahiwatig ni Manny Pacquiao na bumalik sa ABS-CBN, isang balita na mariing pinabulaanan ng mga tao na malapit sa kanya.

Noong Miyerkules ng gabi, nakatanggap kami ng press statement mula sa Corporate Communications ng ABS-CBN. Ang press statement ang kumpirmasyon ng ba­lita na ang ABS-CBN na uli ang media partner ni Manny sa laban nito kay Ricky Hatton sa May 2, 2009 at sa kanyang mga susunod na laban.

Hindi kami nagulat sa press statement na aming natanggap dahil noon pa namin narinig ang balita tungkol sa lihim na pakikipag-usap ni Manny sa ABS-CBN executives.

Pero isang bagay ang sigurado, lalong iinit ang network war sa pagitan ng ABS at GMA dahil sa desisyon ni Manny na mu­ling makipagsanib puwersa sa Kapamilya network.

Si Dyan Castillejo ang aming unang naisip nang matanggap namin ang official statement ng ABS-CBN na nagagalak sa pagbabalik ng kanilang “Kapamilya.”

Umani noon si Dyan ng mga batikos dahil sa pambabakod niya kay Manny, kahit ang GMA at Solar Sports ang media partner sa exclusive coverage sa mga laban ni Pacquiao.

Na-i-imagine namin si Dyan na masaya at nagsasa­lita ng “Akin ang huling halakhak”, dahil anumang oras, puwede niyang interbyuhin si Manny na walang magbabawal sa kanya magagalit o maninita dahil “binabakuran” niya ang sikat na Filipino boxer.

May karapatan na siya dahil ang ABS-CBN na uli ang media partner ng mga laban ni Manny. Bilog ta­laga ang mundo.
***

Hindi pa alam ng lahat na nakakabatang kapatid ni Angelika dela Cruz si Mica, ang child star na ipinakikilala sa T2, ang grand horror movie ng Star Ci­nema na pinagbibidahan ni Maricel Soriano.

Pang-showbiz si Mica dahil bukod sa magaling umarte, mahusay siyang sumagot sa mga tanong ng entertainment press.

Natutuwa si Mica dahil nagkaroon siya ng pagkakataon na makasama si Maricel sa isang pelikula. Ginalingan daw niya ang pag-arte para matuwa ang kanyang mga magulang at makatulong siya sa producer ng pelikula.

Source: Abante