|
|
| AKTOR, GUMUHO ANG PAGHANGA SA SIKAT NA AKTRES!![]() Author: Jojo Gabinete Ipinangako ng isang aktor na hindi na siya tatanggap ng project kung kasama ang sikat na aktres dahil nakakapagod ito. Nakakapagod dahil madalas na may reklamo ang aktres tungkol sa mga nangyayari sa buhay niya. Nagbago ang pagtingin at gumuho ang paghanga ng aktor sa kanyang leading lady dahil hindi pala ito honest at sincere. Malayung-malayo raw ang ugali ng aktres sa sweet at wholesome image na ipinakikita nito sa mga tao. *** We stand corrected. Si Kurt Russell at hindi si Patrick Swayze ang long-time companion ni Goldie Hawn at stepfather ni Kate Hudson. Pancreatic cancer ang sakit ni Patrick at sa kabila ng kanyang karamdaman, gusto niya na manatili sa "The Beast", ang kanyang latest TV project na binabalak na maging regular TV series. Sinabi ng doktor ni Patrick na buo ang paniniwala nito na gagaling siya sa kabila ng katotohanan na limang porsyento ng mga pancreatic cancer patient ang tumatagal ng limang taon ang buhay pagkatapos ng diagnosis ng kanilang sakit. *** Malapit nang pangalanan ang vocalist at front-man ng isang sikat na banda na may malaking career move na gagawin. Plano ng tinutukoy na vocalist na sundan ang ibang miyembro ng mga sikat banda na nag-uusap na rin tungkol sa kanilang balak na sumubok nang bago. Sikat at maraming hit songs ang mga banda kaya nagtataka ang kanilang mga tagahanga sa malaking pagbabago na mangyayari sa mga nabanggit na grupo. *** Endorser na rin si Cristine Reyes ng Belo Medical Group at dahil ito sa tulong ni Willie Revillame. Si Willie ang nagrekomenda kay Cristine para maging endorser ng popular clinic ni Dra. Vicki Belo. Ang pabor na ibinigay ni Willie ang paraan ng pagpapakita niya ng pagmamalasakit sa young actress na iniuugnay sa kanya. *** Nataon sa school vacation ang shooting sa London ng Caregiver ng Star Cinema kaya hindi ito makakaapekto sa pag-aaral ni Makisig Morales. Kabilang si Makisig sa mga artista ng Caregiver na pupunta sa London dahil dito kukunan ang mga eksena nila ni Sharon Cuneta, ang lead actress ng pelikula. Makakatulong pa si Makisig sa promo ng Vhong Navarro starrer dahil sa March 22 pa ang schedule ng pagpunta niya sa London. Si Makisig ang busiest child actor dahil bukod sa mga pelikula na ginagawa niya, magkakaroon siya ng bagong TV series na pagsasamahan nila ni Mang Dolphy, ang Utoy. *** *** Masipag sa pangangampanya ang fans ni Bea Alonzo para ito ang maging bida ng Pinoy version ng Betty La Fea. Halos mapuno ang inbox ng aming e-mail dahil sa appeal letter para sa ABS-CBN ng mga tagahanga ni Bea na tinawag nila na Betty La Bea. Sa poll survey ng PEP, ang pangalan ni Bea ang nanguna (24. 5%) sa mga ibinoto ng fans para sa aktres na bagay na gumanap bilang Betty. Pumangalawa si Anne Curtis (20.43%), pangatlo si Angel Locsin (15.22 %) at pang-apat si Valerie Concepcion (6.23%). Pinakamataas ang boto (33.7%) ng wala sa kanila ang nararapat na maging Betty La Fea. Source: Abante |