|
|
| AKTRES, TUMIGAS ANG MUKHA SA 'BOTOX'!Author: Jojo Gabinete UMALIS noong Huwebes ang Ploning director na si Dante Nico Garcia. Ang Ploning ang Philippine entry sa Best Foreign Language Film Category ng 2009 Oscar Awards. Pumunta si Dante sa Los Angeles para asikasuhin ang mga importanteng bagay tungkol sa Ploning. Umaasa siya na magiging official entry sa Best Foreign Language Film category ng Oscar Awards ang pelikula ni Judy Ann Santos. Malalaman sa January 2009 ang mga pelikula na nominado sa nabanggit na kategorya. Si Dante ang direktor ng Newsmakers, ang documentary tungkol sa mga pangulo ng Pilipinas na nabubuhay pa. Nang magpunta sa Malacañang Palace si Dante para kunan ang interbyu ni Mel Tiangco kay President Gloria Macapagal-Arroyo, nabanggit niya sa presidente na siya ang direktor ng Ploning. Nakaramdam ng pagmamalaki sa sarili si Dante nang sabihin ni President GMA na gusto nito na mapanood ang Ploning dahil sa magandang reviews na nababasa niya. Magkakaroon sana ng private screening ang Ploning sa Malacañang Palace, pero hindi pa ito natutuloy dahil sa busy schedule ni President Arroyo. Sinabi kay Dante ng personal secretary ng pangulo na interesado si President Arroyo sa Ploning kaya siguradong panonoorin niya ang pelikula ni Judy Ann Santos. My Only U ang second movie team-up nina Vhong Navarro at Toni Gonzaga. Si Cathy Garcia-Molina ang direktor ng pelikula. The new box-office director ang tawag kay Cathy dahil sa monster success sa box-office ng A Very Special Love. Siya kasi ang direktor ng hit movie nina Sarah Geronimo at John Lloyd Cruz. Nararamdaman nina Vhong at Toni ang pressure, challenge at expectations na mapantayan nila ang box-office success ng A Very Special Love, pero hindi sila nagpaapekto. Mas umiral ang kanilang kagustuhan na ma-entertain ang mga manonood ng My Only U. Ipinagtapat ni Vhong sa presscon ng My Only U na noon pa niya crush si Toni, pero hindi siya nagkaroon ng lakas ng loob na manligaw. Nag-umpisa ang crush niya kay Toni nang magkasama sila sa Wazzup Wazzup! Hindi niligawan ni Vhong si Toni dahil mahirap daw na maging karelasyon ang isang tao na kasama niya sa trabaho. Alam ni Toni na gusto siya ni Vhong. Hindi raw sila nagkaayawan ni Vhong na imposible na hindi magustuhan ng mga babae dahil sa kanyang sense of humor. Hindi man sila nagkaroon ng relasyon, nananatiling magkaibigan sina Vhong at Toni. Ina-appreciate nang husto ni Toni ang latest surprise ni Vhong, isang kama na puwede niyang dalhin at gamitin sa kanyang mga TV taping. May bad effect ang Botox procedure sa isang aktres, dahil nahihirapan siya na ikilos o pagalawin ang kanyang mukha. Ebidensya ang litrato ng aktres na nakunan habang nakikipagbeso-beso siya sa isang aktor. Hindi na maigalaw ng aktres ang nguso niya dahil sumobra na yata ang Botox na itinurok sa kanyang mukha. Kung masipag mag-research ang aktres, malalaman niya na available na sa ating bansa ang cosmetic acupuncture. Painless ang procedure kahit sampung karayom ang nakatusok sa mukha at tunay na doktor ang gumagawa nito. Makikita ang resulta pagkatapos ng 12 sessions dahil nawawala ang mga linya o wrinkles sa mukha. Si Dr. Edwin Falconi ng Better Pain Management ang isa mga kilala namin na nagpa-practice ng cosmetic acupuncture sa Pilipinas. Kung interesado ang aktres at ang mga beauty conscious, mag-inquire kayo sa telephone numbers 7240986 at 7240987. Tuloy-tuloy ang shooting ng One Night Only ng Octoarts Films pero hindi pa nagkakasama sa eksena ang mga bida ng pelikula, sina Diana Zubiri, Katrina Halili, Valerie Concepcion, Jennylyn Mercado at Alessandra de Rossi. Kukunan sa huling linggo ng October ang big scene ng One Night Only. Kasali sa big scene ang lahat ng cast nito, at ang pagkikita nina Alessandra at Jennylyn ang isa sa mga pinakaaabangan. Hindi na nagkasundo ang dalawa mula nang ma-link si Jennylyn kay Jeremy Marquez noong boyfriend pa ito ni Alessandra. Vocal si Alessandra sa pagsasalita tungkol sa tunay na nararamdaman niya laban kay Jennylyn. Ang One Night Only ang official entry ng Octoarts Films sa 2008 Metro Manila Film Festival. Si Joey Reyes ang direktor at story writer ng pelikula.
Source: Abante |