|
|
| Ai-ai Delas Alas on winning another award: 'Okay career ko, walang lovelife, ganu'n talaga'![]() Author: Julie Bonifacio Naaliw ang audience sa Comedy Concert Queen na si AiAi delas Alas sa pagtanggap niya ng bagong karangalan sa Guillermo Mendoza Memorial Scholarship Foundation, Inc. (GMMSFI) sa kanya bilang Comedy Box-Office Queen sa Carlos P. Romulo auditorium sa RCBC Building, Makati City last Sunday. Hindi pa kasi tinatawag ang pangalan ni AiAi ng mga presenters ay tumayo na siya sa kanyang kinauupuan dahil sa sobrang excitement. Kaya pinangatawanan na lang niya ang pagtayo hanggang banggitin ang name niya at lumakad papuntang stage para tanggapin ang kanyang plaque as Comedy Box-Office Queen. Reynang-reyna ang dating ni AiAi sa stage habang nagpapasalamat sa ibinigay na karangalan sa kanya ng GMMSFI sa kanyang kasuotan na gawa ni Michelle Lim ng Okasyon. "Ginamit ito sa isang fashion show. Tapos nakita ko siya. Sabi ko, 'yan ang isusuot ko sa Guillermo awards," kwento ni AiAi paglabas niya ng auditorium. Pang-ilang award na niya ang Comedy Box-Office Queen sa GMMSF, Inc? "Pangatlo," mabilis na bilang ni AiAi. "Box-Office Queen, tapos Comedy Box-Office Queen at saka Bert 'Tawa' Marcelo Achievement award." May mahihiling pa ba ang isang AiAi delas Alas? "Ah, wala na. Ang patuloy na blessing na sana tangkilikin pa rin ng mga Pilipino ang mga pelikula namin, pelikula ko. 'Tsaka sana parating 'yung mga anak ko hindi nagkakasakit at ang pamilya ko." Kumusta naman sila ng dini-date niya na Venezuelan model? "Wala, date-date ko lang 'yun. Pero hindi naman talaga kami. 'Tsaka ang buhay ko palaging balance. Okay career ko, walang lovelife. Ganu'n talaga." Nasaan na ngayon 'yung guy? "Nandito pa siya. Pero ang alam ko three months lang siya dito." Nagdi-date pa rin sila? "Hindi masyado. Busi-busihan siya. Busi-busihan rin ako sa pagtanggap ng award. Eto na lang ang katabi ko." Hindi ba siya nalulungkot kasi partner na lang talaga ang kulang sa kanya ngayon? "Siguro kasi 'pag 'yung sobrang kumpleto ka na baka makalimutan mo si God. Kaya bina-balanse ni Lord na wala ako'ng lovelife para parati ako'ng tumatawag sa kanya." Pero mas masarap pa rind aw 'yung may inspirasyon habang nagtatrabaho? "Oo, date-date siguro. Pero 'yung seryoso, wala pa. Kausapin ko na lang ang trophy ko sa bahay. Kumusta kayo d'yan?" Naitanong na din namin kay Ai-ai kung ano ang next project niya sa Star Cinema. "Alam ko 'yung kay Papa Erap (Joseph Estrada) sa July isho-shoot. Sa October ang showing. Wala pa'ng title pero Star Cinema din. At thank you nga pala rin sa Star Cinema at kay Ama (Boy Abunda), kasi nakalimutan ko sila sa speech ko. Wala akong dalang papel." Si Wenn Deramas pa rind aw ang magdi-direk ng movie nila ni Erap sa Star Cinema. Bagaman may chismis na lumipat na ang Box-Office director sa kabilang network. "Tsismis lang,. Wala pa naman atang confirm." Bakit hindi sa 2009 Metro Manila Film Festival isasali ang movie nila ni Erap? "Hindi ko alam. Ano 'yun ng Star Cinema, e. Sila ang may choice kung kailan ipapalabas ang film." Okay lang ba na wala siyang movie sa 2009 MMFF considering na highest grossing film ang last movie niya nu'ng December na "Ang Tanging Ina Ninyong Lahat?" "Okay lang 'yun. Kasi sila naman ang may desisyon na ganu'n. Ako, siyempre, historical 'yun kapag nakasama ko si Papa Erap sa isang pelikula." Bukod kay Erap sino ang gusto niyang makasama? "Si Ate Vi, tapos si Tito Dolphy, Vic Sotto, Aga Muhlach, Brad Pitt. 'Yun ang finale," natatawang sabi ni Ai-ai. Would she consider making a movie with Kris Aquino? "Si Friendship? Ah, sige. Pwede, why not? Pwede naman." If ever ano'ng klaseng movie ang sa tingin niya bagay sa kanila ni Kris? "Horror," sagot niya. "Ako 'yung nangho-horror. Siya 'yung natatakot," biro ni Ai-ai. Sino naman ang leading men nila? "Wala! Kami na lang dalawa. Kaya naman, eh. Pwede. Takutan lang kami ng takutan. Para mas blockbuster? James Yap (ang leading man)," tapos ni Ai-ai. Source: ABS-CBN Interactive |