|
|
| Alaala nina Billy at Oskee, 'di mawawala sa showbiz![]() Author: Jojo Gabinete Kahit hindi All Saint's/Souls Day, nag-aalay kami ng panalangin sa mga mahal sa buhay at kaibigan na pumanaw na. Dito sa Abante, hindi nakakalimutan ang mga alaala nina Ka Billy Balbastro at Ka Oskee Salazar. December 1999 nang sumakabilang-buhay si Ka Oskee. Hindi na niya naabutan ang pagpasok ng Millennium na pinakahihintay niya. Nakalibing si Ka Oskee sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. February 2, 2008 nang namayapa si Ka Billy sa isang ospital sa Parañaque City. Dinala at inilibing ang labi niya sa Oton, Iloilo, ang bayang kanyang sinilangan. June 7, 2008 nang pumanaw si Rudy Fernandez sa bahay nila ni Lorna Tolentino sa White Plains, QC. Ibinurol at inilibing ang labi ni Kuya Rudy sa Heritage Park sa Taguig City. Ipinagluksa ng local entertainment industry ang pagpanaw ng talent manager na si Douglas Quijano noong June 13, 2009. Ipina-cremate ang labi ni Douglas at hinati ng mga kamag-anak at alaga niya ang kanyang abo. Kahapon ang All Saint's Day at ngayon ang All Souls Day at ginugunita ng sambayanan sa mga araw na ito ang kanilang?mga mahal sa buhay at kaibigan na namayapa. Mula noong 2001, hindi nakakalimutan ni Kaye Torres na dalawin sa Loyola Memorial Park sa Marikina City ang puntod ng kanyang sikat na ina, si Nida Blanca. Walong taon na ang nakalilipas mula nang matagpuan ang malamig na bangkay ni Nida sa Atlanta Towers Greenhills, pero hindi pa nalulutas ang kaso ng pagpatay sa kanya. Namatay na rin noong July 2007 si Rod Strunk, ang asawa ni Nida na prime suspect sa pagpaslang sa sikat na aktres. Nalaglag si Rod mula sa second floor ng Tracy Inn, Tracy California. Dinala ni Rod sa?kamatayan niya?ang misteryo ng murder case ng kanyang asawa. “He hurt no one” ang epitaph?sa tombstone ni Jay Ilagan na sumakabilang-buhay sa edad na 37 noong February 4, 1992. Walang suot na helmet si Jay nang mabagok ang kanyang ulo habang sakay siya ng motorsiklo. Nakalibing din ang labi ni Jay sa Loyola Memorial Park sa Marikina City. Mali ang impormasyon na nakalagay sa isang internet website tungkol kay Jay dahil January 20, 1955?at hindi January 20, 1953 ang araw ng kanyang kapanganakan. Seventeen years old si Julie Vega nang bawian ng buhay dahil sa pneumonia. Kung nabubuhay ngayon si Julie, 41 years old na siya. Hindi namin malilimutan ang mahabang pila ng fans sa burol ni Julie sa Mount Carmel Church, QC.?Dahil sa kanyang maganda at maamong mukha, parang natutulog lamang si Julie sa loob ng kabaong na kinahihimlayan niya. February 10, 1984 nang maaksidente ang sexy star na si Claudia Zobel sa Magallanes area sa EDSA. Binawian ng buhay si Claudia sa Makati Medical Center at ibinurol ang kanyang labi sa Loyola Funeral Homes sa Guadalupe, Makati City bago siya inilibing sa kanilang bayan sa Mambaling, Cebu City. Si Claudia ang arch rival?ni Stella Strada, ang top sex symbol noong 1983. Dumalaw pa noon si Stella sa burol ni Claudia. Ten months later, si Stella naman ang nakaburol sa same funeral room na pinagburulan sa bangkay ni Claudia. Nagpakamatay si Stella sa pamamagitan ng pagbibigti sa sarili noong December 1984 sa San Juan apartment na inuupahan niya. Ang Seiko Films ang nagbigay kay Stella ng malaking break sa pelikula. Hindi namin malilimutan ang pagsasara ng mga sinehan na pinagtatanghalan ng mga pelikula ni Stella dahil hindi ma-accommodate ang maraming manonood. Halos magkaroon ng stampede dahil sa pag-uunahan nila na makapasok sa loob ng sinehan. Hindi na natin nakikita ngayon?ang mga ganitong eksena. Classic na ang kuwento tungkol sa guesting noon ni Madame Auring sa talk show ni Inday Badiday. Nang hingan ni Inday si Madam Auring ng prediction tungkol kay Stella, buong ningning na sinabi ng manghuhula na lalong sisikat si Stella at malalampasan nito ang kasikatan ni Alma Moreno. Kinabukasan, headline ng mga diyaryo ang pagpapakamatay ni Stella. Source: Abante |