May 18
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Aljur at Baron, nagkainitan sa syuting

Author: Nitz Miralles

Hindi pa namin parehong nakakausap sina Aljur Abrenica at Baron Geisler pagkatapos ng konting gulong nangyari sa fight scene nila sa I'll Be Waiting For You (dating Nandito Ako), pero malinaw at detalyado ang pagkakakuwento sa amin at ibang press na nag-press visit sa set ng movie sa Bohol sa nangyari.

Nagkamali ng step si Baron sa fight scene at nagkaroon ng extra move si Aljur at nasipa si Baron sa tagiliran ng 'di sinasadya na ipinag-react nito.

Nag-sorry si Aljur na noong una'y ayaw tanggapin ni Baron dahil 'di raw ito sincere sa kanyang pagso-sorry at sinabihan ang staff na turuan sa fight scene si Aljur, gayung sa kanya nagsimula ang pagkakamali sa blocking.

Mabuti't namagitan si Direk Maryo, pinag-usap ang dalawa and hopefully, ayos na sina Baron at Aljur pagbalik nila ng Manila sa July 22. Kinailangang ayusin ang gusot nila dahil marami pa silang eksenang magkasama't half-brother ang role nila sa movie.

Anyway, maganda ang shooting sa Bohol at puring-puri ni Direk Maryo sina Aljur at Kris. Sabi ni Direk: "Nakikita ko sa kanila ang potential ng isang very strong love team. Para silang Maricel Soriano at William Martinez, may rapport, 'di gaya ng ibang love team na makiyeme at madaming problema.

"Sila, alam nilang they're a love team whether true or not, they deliver at timplado na nila. Kahit saan sila magpunta sa Bohol, kilala sila at tinatawag sa name nila sa Dapat Ka Bang Mahalin. "

Wala pa palang playdate ang movie at sabi ni Direk Maryo, he refused to know the playdate dahil ayaw niyang ma-pressure. Kasama rin sa movie sina Valeen Montenegro, Julio Diaz, Ana Capri, Anton Bernardo, Gerald Madrid at marami pang iba.

* * *

Hindi na lang sa taping ng Rosalinda magiging busy si Carla Abellana dahil as of today, dalawang pelikula ang nakatakda niyang gawin sa Regal Entertainment at isa rito'y launching movie niya.

Unang gagawin ni Carla ang launching movie niyang Ang Nanay Kong Aswang to be directed by Joel Lamangan. Hindi pa alam kung sino ang gaganap na nanay na aswang at kung sino ang iba pang kasama sa cast gaya nang makakapareha ni Carla.

Kasama rin si Carla ni Marian Rivera sa Nieves na sa August na ang shooting. Si Carla ang makakapareha ni Jake Cuenca dahil si Pekto pa rin ang partner ni Marian na gumaganap na asawa ng aktres. Pumirma ng eight-picture contract sa Regal si Carla at tiyak na marami pa siyang susunod na pelikula.

Samantala, sa Rosalinda, dadalawin ni Dolores (Jennifer Sevilla) sa Soledad (Glydel Mercado) sa correctional at sasabihin sa kapatid na hindi niya ipaalam ang katotohanan kina Rosalinda at Javier (Gary Estrada). Magagalit si Soledad at sasampalin si Dolores.

Malalaman ni Rosalinda na pinatay ng isang Soledad Romero ang ama ni Fernando Jose the day before his birthday kaya hindi ito nagsi-celebrate ng birthday. Sa birthday ni Fr. Alvir, ipapakilala ni Rosalinda si Fernando Jose kay Javier. Magugulat si Fr. Alvir pagkakita kay Fernando Jose.

* * *

Small world talaga ang showbiz dahil kasama sa cast ng I Will Be Waiting For You ang Star Magic talent na si Valeen Montenegro na niligawan ni Aldred Gatchalian na nail-link kay Kris Bernal. Sabi ni Valeen, narinig na niya ang tungkol sa tsismis, pero hindi pa niya natatanong ang young actress dahil nahihiya siya.

Hindi naman daw natuloy sa panliligaw ang closeness nila ni Aldred dahil naging busy sila pareho. Pumasok din sa eksena si Victor Basa na nanligaw kay Valeen, pero 'di rin niya sinagot at ngayon may non-showbiz boyfriend siya.

Role ng isang wedding coordinator sa kasal nina Kris at Baron sa movie ang labas ni Valeen, second lead siya rito at hindi kotrabida, kaya masaya siya. Kaibigan na niya sina Kris at Aljur kaya okey sa kanyang maka-trabaho ang GMA-7 talents.

* * *

Tuesday sa All My Life, tinulungan ni Romina (Kris Bernal) si Jules (Aljur Abrenica) sa mga taong nambugbog ditto at inuwi ng binata ang dalaga sa bahay nito. Nagulat si Sally (Manilyn Reynes) nang makita ang binata at sinabihan si Romina na 'wag aapihin si Jules.

Sinamahan ni Jules si Romina na umuwi sa resort nila at tuwang-tuwa si Amelia (Gelli de Belen) na Makita siya na ipinagselos ng dalaga at tumakbo sa dagat.

Hinabol siya ni Jules na natakot nab aka siya'y malunod, nag-away uli ang dalawa't nauwi sa pananampal ni Romina kay Jules. Nagbanta ang binata na hahalikan ang dalaga 'pag inulit ang ginawa na inulit nga, kaya hinalikan siya ni Jules.

Source: People's Tonight