Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Ate Vi to win VP - Jojo Acuin shares 2009 predictions

Author: Reyma Deveza
Column: Entertainment

Inilabas ng sikat na manghuhula at psychic na si Jojo V. Acuin ang kanyang mga prediksyon para sa Year of the Ox at ayon sa tinuturing na Nostradamus ng Asia, Diyos lang ang pagtiwalaan at siya bilang tao ay gabay lamang.

Gayunman, narito ang ilan niyang hula para sa 2008 na nagkatotoo. Ayon sa kolum ni Sandy Es Mariano sa isang tabloid, sinabi sa kanya ni Jojo na may isang kabataang artista na mamamatay na ikagugulat ng publiko. Bagamat hindi kongkretong pinangalanan ni Acuin, namatay si Marky Cielo.

Hinulaan din ni Jojo na ang mga natalong artista sa eleksyon ay bibigyan ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ng puwesto sa kanyang gobyerno kaya si Tito Sotto ay nabigyan ng posisyon bilang tagapangulo ng National Dangerous Drug Board samantalang si Mark Lapid ay naging isa sa pinuno ng Department of Tourism.

Sinabi rin ni Acuin may mga kabataang artista na magbubuntis at hindi isinekreto ni Angelika de la Cruz na siya ay nagdadalangtao. Pati si Inah Feliza Revilla ay nagtapat sa kanyang ama na si Bong Revilla at inang si Lani Mercado na siya ay buntis kaya ipinakasal agad siya kay Vince del Rosario.

Ayon kay Jojo, siya ang nanghula na may beteranong aktor na papanaw at sumakabilang-buhay nga si Rudy Fernandez.

Si Jojo rin ang humula na aaminin na nina Regine Velasquez at Ogie Alcasid ang kanilang relasyon sa publiko.

Si Acuin din ang nanghula na mamamayagpag si Brillante Mendoza sa mga international film festivals.

Para sa 2009, narito ang mga pandaigdig na prediksyon ni Acuin:

* Bantang pagpatay sa US president-elect na si Barack Obama at maaari ani'yang hindi matapos ang termino nito. Patuloy na pagbagsak ng ekonomiya ng Estados Unidos lalo na sa pagbagsak ng real property business.

* Paglalagay sa political at economic turmoil sa Pakistan kaya't mananatili ang pananalasa ng Al Qaeda.

* Pagkakasulat sa Bible ang patuloy na pag-iral ng global warming pero darating ang panahon na kokontrolin ng teknolohiya ang suliraning ito.

* Pagkukulang ng produksyon ng manok, baka at baboy at ang pagiging health guard ng industrial production ng livestock dahil nagsisilbing lason ang mga ito.

* Pagtutuon ng pandaigdigang pansin sa halaman at namumungang pagkain para hindi kapusin ang mundo.

* Pansamantala lang ang potensyal ng jatropha at ng langis ng niyog at biodiesel.

* Pagluluksa ng Japan.

* Pamamahinga ni Queen Elizabeth upang ipagkaloob sa kanyang anak na si Prince Charles ang pagiging hari na maaaring mangyari sa pagitan ng 2009 at 2011.

* Pagkasanay ng mga Filipino sa taas-babang sitwasyon ng ekonomiya.

* Pagtaas pang lalo ng mga presyo ng mga bilihin.

* Pagpasok ng mga foreign investment pero patuloy ang graft and corruption.

* Pagsintensiya sa dating prime minister ng Thailand anumang tago ang gawin nito ng Great Britain.

* Pagtaas ng ekonomiya ng Vietnam kung saan ay milya-milya na ang agwat nito sa Pilipinas.

* Pagkakaroon ng katuparan ng Charter Change.

* Pagtatapos ng termino ni GMA sa 2010.

* Pagkatig ng Malacañang sa federalismo na iminungkahi ni Senator Aquilino Pimentel, Jr.

* Paglaya ni Senator Antonio Trillanes IV.

* Pagpupukpok ng laban nina Loren Legarda at Noli de Castro.

* Pagsasampa ng kaso kontra GMA sa pagbaba niya sa posisyon.

* Pagtatagal ng problema ng kapayapaan sa Mindanao.

* Pagbubukas ng Cuba sa pakikipagkalakan sa ibang bansa at pakikipagkasundo nito sa US.

* Pagtulong ng European Union sa paghihirap ng ibang bansa. Hindi totoo na ang EU ang tinutukoy ng Bibliya na siyang magiging kasangkapan ng anti-Christ sa pagtatangka nitong lupugin ang mundo.

* Pagkakatuklas ng langis, ginto at diyamante sa Africa.

Sa showbiz naman, narito ang mga hula ni Acuin:

* Angel Locsin - makakabawi sa 2009.

* KC Concepcion - matagumpay sa kanyang pag-aartista.

* Claudine Barretto - hindi makikipaghiwalay kay Raymart Santiago.

* Judy Ann Santos - hindi siya lilipat ng istasyon ng telebisyon at matutuloy na ang kanilang kasal ni Ryan Agoncillo. Pag-uusapan lang ang kanyang pelikulang "Ploning" pero hanggang doon lang 'yon.

* Gretchen Barretto - patuloy na magiging shaky ang relasyon niya kay Tony Boy Cojuangco hanggang ipinagpapatuloy niya ang kanyang show biz career. Hinding-hindi siya matatanggap ng ina ni Tony Boy na si Imelda Cojuangco bagamat ang apo nitong si Dominique lang ang mahal ng socialite.

* Vilma Santos - tiyak na maluluklok bilang bise-presidente ng Pilipinas at walang binatbat si Bong Revilla sa kanya sakali at maglaban ang dalawa sa posisyon.

* Herbert Bautista - magiging alkalde ng Lunsod ng Quezon.

* Ariel Inton - susunod na mayor ng Quezon City pagkatapos ni Herbert.

* Metropolitan Theater - magtatagumpay si Mayor Alfredo Lim na muli itong buhayin.

* Isang veteran actor at actress ang magpapaalam sa atin.

* May isang young star na ang pagkamatay ay tulad nang nagyari kay Rico Yan.

* Maraming artista ang masasangkot sa iskandalo ng bawal na gamot at ang iba'y malalaking pangalan sa larangan.

* Matatagalan pa bago makabangon ang pelikulang Pilipino kaya maghahari pa ang telebisyon.

* Marian Rivera - hindi magtatagal ang pagniningning ng kanyang pangalan dahil sa loob ng dalawang taon ay may hahalili na sa kanya.

* Dingdong Dantes - sa 2009 lang magningning ang kanyang pangalan at pagkatapos nito ay maglalaho na siya.

* Dolphy - mananatili pa ring aktibo sa pelikula.

* Zsa Zsa Padilla - tuluyan nang maa-annul ang kanyang kasal kay Dr. Modesto Tatlonghari.

* Vic Sotto - magtatagal ang relasyon kay Pia Guanio.

* Francis Magalona - gagaling sa kanyang sakit na leukemia.

* Willie Revillame - habang siya ay nagkakaedad ay sari-saring karamdaman ang kanyang mararanasan.

* Kris Aquino - magtatagal ang relasyon kay James Yap dahil natuto nang sumunod sa kanya ang mister.

* Boy Abunda - mananatiling nagniningning sa kanyang larangan.

* Amay Bisaya - mananalo kung tatakbo sa isang lokal na posisyon.

* Katrina Halili - mananatiling reyna ng sexy movies.

* Jericho Rosales - hindi mawawala sa sirkulasyon.

* Richard Gutierrez - tagumpay ang tambalan nila ni KC Concepcion.

* Bamboo - Number one pa rin.

* Nora Aunor - hindi maghihirap sa US.

* Daniel Razon - gagawin ang lahat sa UNTV.

Source: ABS-CBN News