Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Atienza, tiwalang 'di tatakbo si Pacquiao

Author: People's Tonight

MATUNOG na matunog ang tsikang muling tatakbo ang Pambansang Kamao na si Manny Pacquiao bilang kongresista ng Sarangani province sa 2010 elections, lalo na nu'ng katatapos ng laban niya sa Briton na si Ricky Hatton.

Mula Mayo hanggang ngayon, wala pa kaming naririnig na pagbawi sa naturang ispekulasyon, maliban sa pahayag na binitawan ni DENR Secretary Lito Atienza sa luncheon na inorganisa ni 'Nay Lolit Solis with the entertainment press sa opisina nito kahapon.

Ani Sec. Atienza, kamakailan lamang ay nagkausap sila ni Pacman at pinayuhan niya ito na kalimutan na muna ang ambisyong pasukin ang mundo ng pulitika.

Katuwiran ni Sec. Atienza, malaking karangalan ang inihahatid ni Manny sa bansa dahil sa pagiging boksingero, kaya mas makabubuti kung doon muna siya magku-concentrate sa ngayon.

"As far as I know, itinabi na muna niya 'yan (pulitika)," paniniyak pa ni Sec. Atienza.

Dagdag niya, may naibibigay si Manny sa bansa na hindi naibibigay ng ibang pulitiko, isa na rito ang paghanga ng buong mundo sa mga Pilipino at karangalang hatid ng bawat laban at pagkapanalo.

Parang anak na raw niya si Manny, kaya ayaw niyang mapunta ito sa maling direksyon.

Aminado si Sec. Atienza na maraming nagtsutsutsu sa People's Champ na pumalaot nga sa pulitika.

Kaya, ito ang gusto niyang agapan.

"Baka magtuluy-tuloy, eh, mahirap na," aniya pa.

"Manny is doing a great job for his country as Manny Pacquiao," sambit pa niya.

Para kay Sec. Atienza, isang henyo si Pacman.

"He is a genius, he knows what he has to do. He absorbs fast" kaya raw kampeon ito't madaling nakukuha ang instructions ng coach na si Freddie Roach o ang istratehiya ng sinumang kalaban.

Eh, paano kung tumakbo pa rin si Pacman, tanong ng isang showbiz writer.

Sagot ng itinuturing na tatay-tatayan ng world boxing champ, "I'd be disappointed if he doesn't follow. .. but I'm confident that he will. "

* * *

BUONG pagmamalaking iniharap sa press kahapon ng Bagets Foundation ang anim na scholars na nagtapos kamakailan sa Polytechnic University of the Philippines.

Ang Bagets Foundation officers na kasamang humarap ng graduates sa showbiz writers ay pinangunahan ni QC Vice Mayor Herbert Bautista, kasama sina Eula Valdez (president), Yayo Aguilar (secretary), Ramon Christopher Gutierrez at William Martinez.

Halinhinang nagpasalamat sa grupo ang graduates na sina Elaine Jolindon, Larra Jolindon, Eddagie Matamis, Darren Sabaybay at Reynan Yting, pati na ang dean ng PUP College of Communication na si Robert Soriano.

Naging emosyonal naman si Leorey Azcarraga, ang scholar na nagtapos bilang magna cum laude sa kursong Masscom sa PUP, sa kanyang speech.

Ayon sa dalaga, malaking tulong ang Bagets Foundation sa mga tulad niyang nais makapagtapos pero kapus sa buhay.

Panganay si Leorey sa dalawang magkapatid.

Hinimok din niya ang iba pang scholars na pagbutihin ang kanilang pag-aaral at 'wag sayangin ang pagmamagandang-loob ng grupo nina Vice Mayor Herbert.

Sa interview sa huli, sinabi nitong Masscom at Journalism students ang napili nilang itaguyod dahil nasa linya ito ng kanilang trabaho.

"Mas madali namin silang matutulungan sa paghahanap ng trabaho," sey pa ni Vice Mayor Herbert.

Tatlong taon na pala tumutulong ang naturang foundation, na nabuo nang minsang mag-reunion ang Bagets stars, kabilang ang yumaong si Francis Magalona, sina Eula, Herbert, Monching, Raymond Lauchengco, Cheska Iñigo atbp.

At gaya ng sabi ni William, inaalay nila ang gawaing ito sa mga pumanaw nilang kasamahan gaya nina Kiko, Jon Hernandez, Direk Khryss Adalia at Tatus Aldana.

Sa ngayon, wala pa silang ibang pinagkukunan ng pondo maliban sa mga miyembro nito.

Kaya, sa mga type mag-donate o kaya nama'y mag-apply bilang scholar, mag-e-mail lang sa bagetsfoundation@yahoo. com

Source: People's Tonight