Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Babae, alak at sigarilyo, tinalikuran na ni Robin!

Babae, alak at sigarilyo, tinalikuran na ni Robin!

Author: Rey Pumaloy
Column: Oh, Laban Ka?!

ANG ganda-ganda ng katawan ni Robin Padilla ngayon. At sabi nga, sa halip na tumanda ang itsura ay tila lalo siyang bumata.

Sabi ni Robin, ang magandang pangangatawan ang resulta ng pag-iwas niya sa bisyo. Ipinagmalaki ni Robin na tinalikuran na niya ang lahat ng bisyo sa katawan, tulad ng pag-inom ng alak, at paghithit ng sigarilyo.

At kahit daw red wine ay hindi na rin tumitikim si Robin.

Sabi ni Robin, pina­ngangatawanan lang niya ang pagiging endorser ng mga healthy supplement. Say pa ni Robin, sa mga tulad niyang endorser ng mga ganung produkto ay bawal na bawal ang magkasakit.

Nakakahiya raw na malaman ng mga tao na isinugod siya sa ospital, o nagkasakit.

At para hindi na nga siya magkasakit, ang pagtalikod sa mga bisyo ang ginawa niya.

Gusto nga ni Robin na pangatawanan ang pagi­ging “liver lover boy” niya.

Siyempre, hindi lang ang pagtalikod sa bisyo ang dahilan kung bakit maganda ang katawan ni Robin ngayon. Kuwento ni Robin, halos araw-araw ay nagi-ensayo siya ng kanyang martial arts.

Sa totoo lang, sa ganda ng katawan at kaguwapuhan ni Robin ngayon, puwedeng-puwede na siyang ihilera sa mga seksing artista ngayon na tulad nina Dingdong Dantes, Paolo Contis, Diether Ocampo at Piolo Pascual.

Siyanga pala, hindi lang daw ang paghithit ng siga­rilyo at pag-inom ng alak ang tinalikuran ni Robin. Pati raw ang pagiging “lover boy” niya ay isinaisantabi muna niya.

Sabi ni Binoe, ayaw na raw muna niyang magkaroon ng ibang babae sa ngayon.

“Mahirap kasi 'yung obligasyon. Hindi naman 'yung gastos kundi 'yung responsibilidad mo na pantay-pantay, eh.

“Sinubukan ko 'yan. Mahirap. Mahirap talaga. Lunurin ko na lang ang sarili ko sa trabaho. At saka, tumatanda na tayo,” pangiti-ngiting sambit ni Robin.

Kung may babae man daw siya ngayon, `yun ay si Regine Velasquez lang. Si Regine nga ang leading lady ni Robin sa Totoy Bato na mapapanood na ngayong gabi sa GMA 7.
***

Ngayong Lunes, pupunuin ang umaga ninyo ng matitinding revelations!

Dahil muling bubuksan ang giant SIS Slumbook for public viewing.

Mga anak na babae ng sikat na celebrity dads naman this time ang pipirma at maglalahad ng kanilang mga sikreto sa mga pahina ng nakakaintriga nating slumbook. Ang tanong, magustuhan naman kaya ng mga daddy nila ang mga isinulat ng baby girls nila? Yan ang magiging topic ng isang oras ng masayang chikahan at bukingan!

And speaking of revelations, isang malaking reve­lation din ang magaganap sa pinakabagong dance search na inaabangan sa telebisyon ngayon! Yan ay dahil oras na para malaman natin ang ikalawang challenge na susubok sa galing ng ating 13 remai­ning single ladies finalists sa Bombastic na Hatawan! Single Ladies Pasiklaban!

Siguradong maaaliw na naman kayo sa isang masayang umaga ng chikahan, intrigahan at walang kapantay na indakan! Ang maga-amang Mark Gil at Maxene Sina Eigenmann, William at Dana Martinez, at Ramon Christopher at Janine Gutierrez ang guest nina Janice, Gelli de Belen, at Carmina Villaroel.

Source: Abante