Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Barong-barong ni Blakdyak P7M ang halaga

Author: Vinia Vivar
Column: Hot 'n Spicy

Tuloy na tuloy na ang unang Star Awards For Music 2009, na gaganapin sa Oktubre 29, sa Skydome ng SM North EDSA, Quezon City katunayan ay naglabas na ang club ng mga nominado para sa 22 kategorya.

Sa Album of the Year ay mahigpit na maglalaban sina Sarah Geronimo (OPM), Gary Valeciano (Rebirth), Christian Bautista (Captured), Itchyworms (Self Titled), Rivermaya (Buhay), Bayang Barrios (Biyaya) at Rico Blanco (Your Universe).

Sa Song of the Year naman ay nominado pa rin si Sarah for Ikaw, Jolina Magdangal for Hanggang Kailan, Martin Nievera for Ikaw ang Aking Pangarap, Willie Revillame for Ikaw Na Nga, MYMP for Now, Bugoy Drillon for Paano Na Kaya and Rico Blanco for Your Universe.

Nominado naman sina Billy Joe Crawford, Gary Valenciano, Jed Madela, Martin Nievera, Ogie Alcasid, Richard Poon at Rico Blanco para sa Male Recording Artist of the Year habang sa Female Recording Artist of the Year ay maglalaban naman sina Sarah, Aiza Seguerra, Bayang Barrios, Lea Salonga, Lani Misalucha, Rachelle Ann Go at Regine Velasquez.

Nakatakda ring bigyan ang Apo Hiking Society ng Lifetime Achievement Award.

Katuwang ng PMPC sa proyekto ang iba pang grupo ng mga mamamahayag, tulad ng National Press Club (NPC) at ang AFIMA (Alyansa ng mga Filipinong Mamamahayag). Ang dalawang samahang ito ang nagsilbing mga prodyuser ng gagawing palabas

Sisimulan sa ganap na ika-6 ng gabi ang awards presentation ng 1st Star Awards for Music 2009. Magsisilbing tagapagpakilala (hosts) sina Billy Crawford, Toni Gonzaga at Janno Gibbs.

Isang Blue Carpet affair ang inihahanda ng palatuntunan, na ang mga imbitadong celebrities ay dadalo - "in shades of blue" (bughaw, bilang kulay ng kapayapaan).

Kabilang sa mga magpe-perform sina: Jed Madela, Richard Poon, Jay-R, Bayang Barrios, Allan K, Faith Cuneta, Gerald Santos, Eva Castillo, Jan Nieto, Chris Cayzer, Gloc 9, Laarni Lozada, Gretchen Espina, Geoff Taylor, Francheska Farr, Mocha Girls, Sex Bomb Dancers at iba pang mga popular na personalidad ng local music industry.

Mauunang ganapin ang Star Awards for Music Primer, na tatampukan ng mga kilalang grupong mang-aawit, tulad ng Dance Squad Singers, Zara Aldana kasama ang Page Xclusiv, Mae Florez, Daryl Lagos, Myrus, Dagtang Lason, Himig Ariel, Michelle, Cardio Boys, Jay Ann Bautista at Nico Antonio (ng grupong BoysVoiz)

Isang special production number ang ihahandog ni Dingdong Avanzado, singer-composer ng awiting Panahon Na (Awit Ng Pagkakaisa), gayundin ang isang sorpresang bilang na pam-finale.

Samantala'y matutunghayan na sa YouTube (www. YouTube. com) ang mga nominadong music videos sa 1st Star Awards for Music 2009.

* * *

Sa launching ng album ni Blakdyak titled Blakdyak's Tribes ay isa-isang sinagot ng singer ang mga hindi magagandang tsismis at akusasyon sa kanya.

Una na rito ay ang tsismis na naghihirap na siya, nakatira sa barong-barong at wala na siyang trabaho.

"Ako naghihirap? Mukha ba akong naghihirap? Hindi totoo 'yun. Hindi ako puwede maghirap dahil lima ang anak ko. Kailangan ko magtrabaho para sa pamilya ko, para sa future ng mga anak ko.

"Hindi ko nga alam kung saan nila nakukuha 'yung mga tsismis na ganun. Meron pa akong nabasa na kesyo pinauwi ko na raw 'yung pamilya ko sa biyanan ko, dahil 'di ko na kayang suportahan, natatawa na lang ako, kasi 'di naman totoo.

"Ni minsan hindi kami nagkahiwa-hiwalay ng pamilya ko at lagi kaming magkakasama. Nagkakahiwalay lang kami 'pag may gig ako abroad, 'yun masasabi kong 'di ko talaga kasama ang pamilya ko, pero trabaho 'yun.

"Kaya nga mas pinili kong mag show abroad kasi kahit papano malaki ang kita at makakaipon talaga ako. Pati nga 'yung isyu na nakatira na ako sa barong- barong 'di ko alam kung saan galing, dahil ang totoo kalilipat pa lang namin sa bago naming bahay worth P7 million, 'yun ba 'yung sinasabi nilang barong-barong?

"Siguro, tingnan na lang nila 'yung bagong bahay namin saka nila sabihin na nakatira ang pamilya ko sa barong-barong," mahabang paglilinaw ni Blakdyak.

Basta sa ngayon daw ay masayang-masaya siya na may bago na naman siyang album na siya mismo ang producer. Balak din daw niyang mag-produce ng pelikula.

Sa Blakdyak's Tribes album ay kasama ng singer ang kanyang grupo na binubuo nina Danilo Santos, Paul Lauricio, Aying Sayson, Milo Ranes, Jeson Davila, at Noel Baniqued.

Source: People's Tonight