Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Batang aktres minura ang kagalit na talent manager ng ina

Batang aktres minura ang kagalit na talent manager ng ina

Author: Aster Amoyo
Column: Rated A

May ilang taon ding naghintay ang news anchor na si Vicky Morales at ang kanyang mister sa  pagkakaroon ng sariling anak pero nang mabuntis finally si Vicky, hindi lamang isa kundi kambal na anak ang ipinagkaloob ng Diyos sa kanilang mag-asawa.

Si Vicky ang kauna-unahang celebrity na nagsilang sa taong ito. Sumunod si Sheree na nakapagsilang na last Sunday ng baby nila ni Gian Magdangal. 

Susunod naman sa kanya sina Danica Sotto-Pingris, Gladys Reyes-Roxas, Jennylyn Mercado, Aubrey Miles at iba pa. 

Kung hindi kami nagkakamali, buntis din (yata) si Ynez Veneracion sa magiging baby nila ni Mon Confiado at hindi pa namin kumpirmado kung totoong nakunan ang sexy star na si Ella V.

Hindi pa nangangalahati ang taon kaya siguradong madadagdagan ang listahan ng mga female celebrities na magbubuntis sa taong ito.

* * *

Kung kelan naging nanay at the age of 17 ay saka naman sinuwerte si Valerie Concepcion na patuloy na humahataw ang career ngayon.

Regular na napapanood sa Dos si Valerie at ma­lapit na rin siyang mapanood sa isang gag show na Banana Split kung saan din niya makakasama sina Kristine Hermosa, Anne Curtis at iba pa na pamamahalaan ni Edgar "Bobot" Mortiz. Naging leading lady rin siya ni Vhong Navarro sa pelikulang Supahpapalicious under Star Cinema na kamakailan lang ipinalabas. Pinaghahandaan na rin ng Eagle Eye Productions na pag-aari ng kanyang manager na si Becky Aguila ang kanyang magiging solo launching vehicle at all out naman ang suporta ng Slenda kung saan siya ang pinakabagong celebrity endorser.

Maraming dapat ipagpasalamat si Valerie unang-una na sa Diyos, sa kanyang pamilya at sa kanyang anak na siya niyang inspirasyon sa  trabaho at maging sa ABS-CBN at sa kanyang mga fans na patuloy na sumusuporta sa kanya.

* * *

Nagsi-celebrate ng kanyang 10th anniversary sa showbiz ang dancer-turned matinee idol na si Dingdong Dantes at suwerte ang kanyang ika-sampung taon sa industriya dahil isa siya ngayon sa mga hot properties ng GMA 7 matapos siyang ipareha kay Marian Rivera sa MariMar at ngayon sa bago nilang TV series, ang Dyesebel kung saan isang bagong character na naman (Fredo) ang kanyang pasisikatin nang husto tulad ni Sergio sa MariMar.

Aminado si Dingdong na malaki ang ipinagbago ng takbo ng kanyang career nang gawin niya ang MariMar ganundin naman ang kanyang kapareha at title roler na si Marian.

Saan man magpunta si Dingdong ay Sergio ang tawag sa kanya ng mga tao at hindi magtatagal ay mapapalitan na ito ng Fredo na siya niyang bagong papel sa Dyesebel.

Bago ang MariMar at Dyesebel, si Dingdong ay nakagawa na rin ng ilang TV series sa GMA tulad ng Sana'y Ikaw na Nga with Tanya Garcia, Twin Hearts, Encan­tadia at Atlantika.

Dahil sa MariMar, dumarami na rin ang mga product endorsements ni Dingdong at kasama na rito ang Bench Body at Medicol.

Samantala, inamin sa amin ni Dingdong na may mga times na naapektuhan umano ang girlfriend niyang si Karylle dahil sa pagiging super close nila ng kanyang kapareha na si Marian.

Hindi rin ikinakaila ni Dingdong na gusto niya si Marian bilang katrabaho dahil wala umano itong arte sa katawan at very professional.  Siguro kung wala siyang gf ngayon, posible umano siyang mainlab kay Marian.

* * *

Gandang-ganda kami sa 15-year-old na si Empress Schuck na kahit kinse pa lamang ay may taas nang 5'4" at patuloy na tumataas pa. Sa biglang tingin ay nakakamukha niya si Gretchen Barretto ng kabataan nito.

Kung mabibigyan lamang si Empress ng magandang break ng ABS-CBN, posible itong sumikat nang husto.

Nag-suggest kami sa manager nitong si Becky Aguila na palitan na ang screen name ni Empress lalo na ang apelyido nito dahil napakahirap i-pronounce.

Si Empress ay mapapanood sa bagong sisimulang programa ng ABS-CBN, ang Parekoy na ididirek ni Randy Santiago.

* * *

Minura-mura ng isang aktres ang controversial talent manager ng kanyang ina sa isang birthday party.  May tampo ang young  actress sa kanyang ina at galit na galit naman siya sa manager ng kanyang ina at karelasyon nito.

Hindi inaasahan ng young actress na magkikita sila ng talent manager ng kanyang ina sa party ng isang kaibigan. 

Alam ng young actress na wala siyang karapatan na gawin iyon lalo't bisita lang din siya pero hindi umano niya napigilan ang kanyang sarili nang makita niya ang mukha ng talent manager. 

Mabuti nga raw at minura lamang niya at hindi niya ibinato sa mukha nito ang kanyang hawak na bottled water.

Kung noon ay in good terms ang young actress sa manager ng kanyang ina, ngayon daw ay isinusumpa niya ito.

* * *

<a_amoyo@pimsi. net>

Source: The Philippine Star