Bea Alonzo and Sam Milby happy with just being friends Author: Bernie Franco Sa success ng pelikulang And I Love You So, naitanong ni Kris Aquino kina Sam Milby at Bea Alonzo sa The Buzz kahapon kung hindi ba nila naisipang totohanin ang kanilang magandang chemistry on screen to off screen since pareho naman silang single. Inamin ni Sam na ang kanilang pelikula ang tunay na naglapit sa kanila bilang magkaibigan at kinatigan naman ito ni Bea. Paliwanag ni Sam walang lalaki ang hindi mabibighani sa magagandang katangian ni Bea subalit wala pa umano sila sa estado ng pagiging romantic at sinabing hindi naman umano siya naiintimidate kay Bea. " Hindi naman takot. We are just what we are," maikling tugon ni Sam. Ayon naman kay Bea, komportable sila ngayon sa pagiging malapit na magkaibigan. "We know each other too well. Masyado siguro naming kilala ang isa' t-isa as friends," dagdag ni Bea. Kinumpirma din ni Sam ang balita na dati ay niregaluhan niya si Angel Locsin ng isang Blackberry phone subalit tinanggihan naman ito ng kanyang Only You co-star. " Hindi niya tinanggap 'yung gift ko dahil yung cell phone niya binigay ni Luis (Manzano). I still have the phone that I was supposed to give her na nasa bahay pero meron na siyang Blackberry," ani Sam. "I understand naman. It was the right thing for her to do naman that she didn't accept it kasi syempre nakakahiya naman kay Luis." Coincidentally, sa napapabalitang paghihiwalay umano ngayon nina Angel at Luis, may mga tsismis na nagsasabing naging dahilan si Sam para mag-split ang dalawa. Itinanggi naman ito ni Sam at sinabing wala siyang kinalaman dito. Kinumpirma naman ni Sam na ang ka-date niya sa Star Magic Ball ay ang ex-girlfriend na si Anne Curtis. Inamin din niya na totoong may posibilidad na makagawa sila ng pelikula by next year. Ngayon ay tuon ang atensyon ng binata sa upcoming movie niya with Ai Ai delas Alas, Joseph Estrada at Toni Gonzaga, ang Ang Tanging Pamilya. Isine-set up naman ni Kris ngayon si Bea sa mga kasamang basketball player ng kanyang asawang si James Yap na taga RP basketball team. Natatawa lang si Bea pero ayaw niya umanong isipin ng mga tao na desperado na siya. Ipinaliwanag naman ni Kris na gumagawa lamang siya ng paraan bilang kaibigan ni Bea dahil baka may mga lalaking nai-intimidate na yayain siyang mag-date. Kinumpirma naman ni Bea na may reunion movie sila ni John Lloyd Cruz early next year na ididirehe rin ni Direk Cathy Garcia-Molina na director din ng kanilang last movie, ang One More Chance. Source: ABS-CBN Interactive |