Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Bea Alonzo hopes she can be good friends with Roxanne Guinoo someday

Bea Alonzo hopes she can be good friends with Roxanne Guinoo someday

Author: Julie Bonifacio

Overwhelmed si Bea Alonzo na kabilang siya sa mga celebrity endorsers ng Belo Essentials gaya nina Regine Velasquez, ZsaZsa Padilla, Lucy Torres at Sarah Geronimo. Bukod tanging si Lucy lang ang hindi singer among the group dahil si Bea may album na rin na ipinagmamalaki niya. Marami ang nag-akala noon na hindi makakaya ni Bea ang maging singer. "Nag-radio tour kami sa Guam. Isa lang pala. Nagpunta kami sa isang radio sation doon. Number three 'yung I'm Missing You (single mula sa kanyang first album). I'm happy kasi triny ko lang naman 'yun, eh. Tapos natuwa ako kung gaano sila ka-passionate. Sobrang taas ng pagtingin ko sa industriya ng musika. Tapos parang triny ko. Na-appreciate naman nila. So, I'm really happy." Ano'ng feeling na hit ang kanyang first single? "Hindi pa ata nagna-number one ang song ko. Pero alam mo, kahit pumasok lang sa isang store tapos tinutugtog nila 'yun, ibang klaseng feeling. Kahit sa I Love Betty La Fea kapag tinutugtog nila 'yun, kapag ini-score nila 'yon, sobra kayang... para ako'ng bata na, 'Ooppps, song ko 'yun!'"

Speaking of Guam, nilinaw na ni Bea na wala siyang kinalaman sa chismis na nagkaroon ng kumprontasyon ang nabalitang boyfriend niya na si Jake Cuenca at ex-girlfriend ng young actor na si Roxanne Guinoo doon. Pinatunayan din ni Roxanne na labas si Bea sa issue at pawang magaganda naman ang mga sinabi niya sa kapwa Star Magic talent. "Yeah, I heard about that," ngiti ni Bea. "Alam mo after ng big issue sa amin before, before pa, nu'ng mga bata pa kami, wala namang ano, eh, wala namang masamang pinakita sa akin si Roxanane and as far as I'm concerned wala naman ako'ng napapakitang masama sa kanya. We even worked together sa Wowowee when I guested. Roxanne and I are okay. Kaya nga lang lagi pinagko-cross 'yung path namin. Tapos laging bad 'yung issue. So, sana naman next time good naman. Malay mo siya pa 'yung isa sa magiging close friends ko in the future like Angelica (Panganiban) now. Nakakatawa nga kasi laging pinagku-krus ang landas namin. Sana maganda naman because I know she has a good heart." Dagdag pa ni Bea wala rin issue sa kanya kung pagsamahin man sila sa isang project ni Roxanne. "No problem, I wouldn't mind doing a movie or a teleserye with her. There's no problem."

Kapansin-pansin naman ang suot ni Bea na diamond ring sa kanyang palasinsingan. Duda ng iba bigay 'yun sa kanya ni Jake at nagsisilbing engagement ring nilang dalawa. "Masaya sana kung meron (nagbigay ng singsing sa kanya si Jake)," biro ni Bea. Wala ba'ng binigay sa kanya si Jake? "Alam mo masaya siyang ano, he loves to give. He's generous. He's very thoughtful. May mnga binigay siya when he went to the States. Mga simple things like he gave me this book, 'yung limited editon ng Ugly Betty. I don't know where he found it. Pero ayun, at saka pabango. Naku, ayoko ng sabihin napaka-personal na 'yun." Pero walang singsing na binigay sa kanya si Jake? "Wala naman. Grabe! Mag-dyowa ba kami? Hahaha! Sabi ko nga lagi, umamin naman ako nu'ng kami ni Mico (Palanca). And during that time crucial pa ang loveteam namin ni John Lloyd (Cruz) noon. E, ngayon pa kaya na tanggap na ng mga tao? Tapos hindi naman sila love team ni Roxanne. What's my reason kung bakit ko ide-deny 'di ba? So, why will I deny it?"

Ayon pa kay Bea, lumabas man daw sila ni Jake noon ay hindi siya nag-expect ng kahit ano mula dito. "If I'm happy, I will say it with all my heart and my mind. Pero the mere fact na sinabi ko'ng hindi, ibig sabihin hindi. We just went out. 'Yun lang. Parang I thought maga-ano siya sa other level, hindi ko alam. I wasn't expecting anything. Pero it didn't happen. That's life. Meron talagang mga bagay na hindi mo talaga alam na mangyayari at pino-force na mangyari." Hindi na ba mauulit ang paglabas nila ngayon ni Jake? "Aside form wala ako'ng oras na gawin 'yun, hindi binibigyan ng pagkakataon at hindi hinahayaan ng pagkakataon." Aminado din si Bea na di na sila ganun kadalas mag-usap ni Jake. "Ah, he texted me on my birthday pero kasi nga nag-change ako ng phone dahil nag-low bat ang phone ko kaya hindi ko na alam kung sino ang mga nag-text sa akin. Numbers na lang nila ang lumabas sa phone ko na umapir sa screen kaya hindi ko alam 'yung nga names. We still say hi and hello sa 'ASAP' but ah, siyempre idedepensa mo na ang sarili mo sa mga posibleng maging isyu. Kasi nga di ba may lumabas ng ganoon, e, wala naman ako'ng ginagawa. Mas lalo ngayon careful ako. Pinapangalagaan ko ang sarili ko."

Para kay Bea di naman niya kailangan ng closure mula sa naging closeness nila ni Jake dati tulad ng nababalita. "Hindi kasi wala naman kaming pag-uusapan, e. Kasi hindi naman ako kasama sa issue. So ang weird naman kung 'yun ang pag-uusapan namin. Mas weird naman kung ako 'yung magtatanong. Para namang, 'di ba feeling ko, baka sabihin naman niya sinasawsaw mo 'yung sarili mo doon sa issue 'di ba? So, wala."

Sa kabilang banda, kung hindi nagkaroon ng aberya, natuloy sana ang first shooting day ni Bea para sa bago niyang pelikula sa Star Cinema na pinamagatang And I Love You So kung saan kasama niya sina Derek Ramsey at Sam Milby. Mabilis na sinabi ni Bea na ayaw niyang masangkot din sa personal na buhay ng dalawa niyang leading men. "Sana naman, ano ba 'yan lagi na lang ako'ng third party? Hahaha! Ayoko na ng ganu'n. Pang-third party lang ba ang beauty ko? Sana hindi 'di ba? Nakatrabaho ko na si Derek at Sam sa Maging Sino Ka Man, Tapos si Sam may movie kami noon na Close To You at nakasama ko naman si Derek sa One More Chance. At saka kasi I'm really friends kina Anne (Curtis) at Angelica. So, somehow, 'yung kapag nag-kwekwentuhan kami we talk about them. Siyempre may mga ganu'n kami. May mga boylets na chikahan 'di ba?" nakatawang pag-eexplain ni Bea.

Wala namang nakikita si Bea na magiging problema sa dalawa niyang leading men dahil kahit papano nga'y kakilala na niya ang mga ito. "So, somehow, eh, si Sam kapit bahay ko 'yun. Si Sam talaga mas una ko'ng naging close kaysa kay Anne. Talagang close na kami ni Sam so, wala kaming problema na dalawa. I mean, happy nga kasi ka-chikahan ko siya. Dati pa nga nag-kwekwento ako ng personal life ko especially sa love life ko kasi lalaki siya." Okay ba naman hingan ng advice si Sam? "Ay sobra, sobrang galling niya. Para siyang si Dr. Love. Fan si Mama ko ni Dr. Love," biro pa ni Bea. "Si Derek naman walang problema. He's professional. Nag-work na kami kaya okey na okey na kami."

As of this writing, hindi pa rin alam ni Bea kung ano ang ibibili niya for herself sa ibinigay na "gift" sa kanya ng Star Magic out of her earnings. Although may balita na isang banggang-bonggang jewelry set daw ang gusto niyang bilhin. "Pinag-iisipan ko pa. Kasi nga hindi ako gumagastos sa costume ko sa Betty. So, 'ako inaano ko 'yung pera ko. Tumatanda na ako and it's a good investment. Si Mama ina-ano niya ako ng jewelry kasi hindi ako marunong tumingin, eh. Pwede ako'ng maloko. Hindi ko alam kung ano 'yung real at hindi real. Eh, since si Mama 'yung magaling sa ganyan. Pero hindi naman Ruffa Gutierrez-Anabelle Rama ang dating. Wala pa ako sa ganu'ng level," natatawang sabi ni Bea. Na-share din ni Bea na na-fulfill niya na ang ilang pangarap niya para sa kanyang pamilya. "Pero meron naman na kay Mama. Naka-quota na ako. May business na siya. May bahay na siya saka may kotse na siya. Quota na 'yun. Ako may condo naman ako. 'Yun ang pinangako ko sa sarili ko bago ako mag-invest sa sarili ko at gawin lahat 'yung para sa akin, ku-quota muna ako sa kanila. Na-quota ko na ngayon. Bumibili na ako ng bag, bumibili na ako ng kung ano ang gusto ko kasi naka-quota na ako," tapos ni Bea.

Source: ABS-CBN Interactive