Apr 20
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Bernard Palanca feels "relieved" after split with Meryll Soriano

Author: Erwin Santiago

Wala pang limang buwan ang itinagal ng pagsasama bilang mag-asawa nina Bernard Palanca at Meryll Soriano. Matatandaang nagpakasal ang dalawa sa Huwes noong September 8, 2006 at late last month ay nagdesisyon silang maghiwalay sa kabila ng pagdadalantao ngayon ni Meryll sa anak nila ni Bernard.

Iba't ibang espekulasyon ang lumabas tungkol sa tunay na dahilan ng paghihiwalay nina Bernard at Meryll. Nariyan ang karaniwan nang third party at mayroon ding nagsasabi na dahil sa drugs.

Pagkatapos pumutok ang balita ng kanilang paghihiwalay, walang narinig na pahayag mula sa magkabilang panig. Ang tanging lumabas na detalye kaugnay rito ay ang pag-alis ni Meryll sa bahay ng mga Palanca, kung saan sila tumira ni Bernard pagkatapos ng kanilang kasal.

Pagkalipas ng ilang linggong pananahimik, binasag na ni Bernard ang kanyang katahimikan. Sa taped interview sa kanya ng Startalk kahapon, February 24, isa-isang sinagot ni Bernard ang mga katanungan at pati na ang mga haka-haka tungkol sa kanilang paghihiwalay ni Meryll.

"Relieved. Getting happy, pero may sadness pa rin," ang sagot ni Bernard sa tanong ng Startalk co-host na si Lolit Solis kung ano ang nararamdaman niya ngayong hiwalay na sila ni Meryll.

"Siyempre, nakakalungkot talaga but kailangan na. Hindi pwedeng pilitin ang isang bagay na wala ring mangyayari sa huli. So no choice. ‘Tsaka yung feeling naman namin is mutual. It is for the best," paliwanag pa niya.

Bago pinakasalan ni Bernard si Meryll ay naging girlfriend muna ng aktor si Rica Peralejo. Tumagal ng ilang taon ang kanilang relasyon. Nangangahulugan ba ito na mas mahal ni Bernard si Rica kay Meryll dahil mas mahaba ang naging relasyon nila ng dating girlfriend?

"In terms of gaano ko sila kamahal, I love them both naman na talagang with everything that I have," sagot ni Bernard.

Kahit na nasa maselang kalagayan ngayon si Meryll dahil sa kanyang ipinagbubuntis, nagdesisyon pa rin sila ni Bernard na maghiwalay. Sa kabila nito, iginiit ni Bernard na hinding-hindi niya pababayaan ang magiging anak nila ni Meryll.

"I will be there for my baby," paniniguro niya. "It's not even an issue sa akin na not to be there for him or her. Hindi puwede. I wasn't raised that way. I will take care of that baby from the day he or she comes out until the day mawala ako."

Samantala, sinagot ni Bernard ang usap-usapan na kung hindi drugs ay third party ang dahilan ng pag-i-split nila ni Meryll.

"I have nothing to hide," diin ni Bernard. "I got so used to, yun nga, yun nga ang tingin nila sa akin na parang... If it's not na nga the girl, drugs. Kung hindi drugs, ibang babae. Sanay na ako. It doesn't bother me ‘cause I know naman where I stand e."

Itinanggi rin ni Bernard na may kinalaman ang young actress na si Roxanne Guinoo sa paghihiwalay ni Meryll.

"Naaawa nga ako... To clear it up, Roxanne has nothing to do with it. Roxanne and I, magkaibigan kami," sabi niya.

Kung hindi drugs at third party, ano ang tunay ng dahilan?

"Dumating sa point na araw-araw nag-aaway kami. Wala, kung ano-ano. Useless things, pero nag-aaway pa rin kami. So parang, bakit ganito? One day, it came to a point na talagang wala na," kuwento ni Bernard.

Kung may dahilan man para magkasundo sila ni Bernard, sinabi ni Bernard na ito ay dahil sa kanilang magiging anak.

"If ever, siguro for the baby lang... I want to be able to have that relationship with her because of our baby and for our baby," sabi niya.

"Not romantically, no," sagot niya nang tanungin kung wala nang pag-asa na magkasundo sila ni Meryll. "Ang hirap e. I just went through a really hard two weeks, these past few weeks, trying to get over everything."

Wala nang ba siyang natitirang pagmamahal kay Meryll?

"Hindi naman mawawala ‘yon. She will always be the mother of my child. My love for her siguro will be there, pero hindi na sa level tulad noon," paliwanag niya.

Ano naman ang reaksiyon ng mga magulang ni Bernard sa paghihiwalay nila ni Meryll?

"Of course, they're very sad dahil kahit papaano naging close silang lahat kay Meryll. They're sad. But at this point, they're very supportive. Every day, grabe ang effort nila to make me feel better," ani Bernard.

Binigyang-linaw rin ni Bernard ang lumabas na balita na sinabi niya diumanong "I'm glad that it's over" after nilang maghiwalay ni Bernard.

"No. What I'm glad about is that, yun lang, hindi na ako umuuwi na may kaaway ako sa bahay," sabi niya.

Kinumpirma naman ni Bernard na may "bipolar depression" nga si Meryll. Pero hindi naman daw ito kasing-lala gaya ng mga lumalabas na balita. Ang bipolar depression ay ang sabay na pagkaranas ng pagkalumbay at kasiglahan ng isang tao.

"Well, she was diagnosed with it. Pero hindi naman siya kasing grabe with the way people are saying it. Parang lumalabas nagiging sira-ulo siya, pero it's not. It's unfair for her mostly. Well, the medication, ang sabi ng OB [obstetrician] niya, was she had to stop. So I think she stopped the medication for the sake of the baby," paliwanag ni Bernard.

May regrets ba si Bernard sa nangyari sa kanila ni Meryll?

"Yung regrets, wala na. Sayang lang the time ‘tsaka yung effort na we both put into it. Yung mga ipinaglaban namin pareho to have it tapos, yung nga, sa huli ganito lang pala ang mangyayari," malungkot niyang sabi.

Inamin din ni Bernard na ngayon ay pinag-iisipan na niya ang pagpa-file ng annulment ng kasal nila ni Meryll.

"I am talking about it with my lawyers and some family members. Kasi, as much as possible, gusto ko ayusin na muna agad. Ayokong tumagal pa ng ilang years," sabi ni Bernard.

Bilang panghuli, nagbigay ng kanyang mensahe si Bernard para kay Meryll.

"Well, just take of yourself and take care of the baby. When you do give birth, in fact, it's impossible na wala ako do'n. I'm definitely be there. I will give my support, sigurado naman ‘yon," aniya.

Source: Philippine Entertainment Portal