Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Bianca King: Epektibong sosyal na kontrabida

Bianca King: Epektibong sosyal na kontrabida

Author: Aster Amoyo
Column: Rated A

Hindi nagkamali si boss Vic del Rosario na binuo niya ang two-night concert na Greatest Hits of the '80s last May 16 and 17 sa Music Museum nina Randy Santiago, Raymond Lauchengco, Gino Padilla at Louie Heredia. SRO ang show sa kabila ng signal no. 1, at nag-enjoy lahat ng mga nanood. Saturday evening kami nanood at ilan sa mga nakita namin ay ang mag-sweetheart na Regine Velasquez at Ogie Alcasid, na biniro nina Randy at Raymond si Ogie na inalagaan daw nila si Chona (Regine) noong araw, iyon daw pala ay sa kanya mapupunta. Naroon din sina Toni Rose Gayda, Bayani Agbayani, composer Vehnee Saturno, Rachel Lobangco, direk Maryo J. delos Reyes na siyempre pa ay idini-dedicate sa kanya ni Raymond ang theme song ng Bagets movie nila noon na siya ang nagdirek.

Grabe ang tilian at palakpakan sa segment na in-impersonate, with costume pa, ni Raymond si Robi Rosa ng Menudo, Gino Padilla si Michael Jackson, Louie si Boy George at si Randy si Prince. Inawit din nila ang mga hit songs  na sumabay sa pagkanta nila ang audience. At pagkatapos noon, tayuan na at nagsayawan ang audience, kaya labis-labis ang pasasalamat nila sa success ng concert.

Ayon sa Viva Concert & Events, magkakaroon muna ng provincial tour ang apat bago sila tutuloy sa concert series abroad tulad ng Golden Divas nina Pilita Corrales, Carmen Soriano at Carmen  Pateña, na sila rin ang nag-produce.

* * *

Nakausap namin si Rita Avila na tuwang-tuwa sa napakagandang rating ng bago niyang Sine Novela sa GMA 7, ang Magdusa Ka with Katrina Halili, na gumaganap siyang ina nito, kaya labis-labis daw ang kanyang pasasalamat. Inamin niyang may pressure  kanya nang tanggapin ang role dahil una itong ginampanan ng mahusay na actress, ang yumaong Nida Blanca.

Nalaman nga rin daw niya na gusto sana itong gampanan ni Dina Bonnevie, kaya lamang, mayroon itong primetime soap, ang Babangon Ako't Du­durugin Kita.  Pinaghahandaan at pinagbubuti na raw lamang niya ang kanyang trabaho para hindi siya mapahiya kay direk Maryo J. delos Reyes.

Nilinaw din ni Rita iyong intriga na hindi raw niya tinanggap ang project na offer ng Channel 2 dahil mas mataas ang talent fee na ibinigay sa kanya ng GMA 7.  Ang totoo raw, naunang nag-offer ang GMA 7 at natanggap na niya ang Magdusa Ka nang dumating naman ang offer ng Channel 2.

* * *

Hindi namin napigilang mapaiyak nang marinig namin ang boses ni Rudy Fernandez, nang kausapin ng Startalk last Saturday ang wife niyang si Lorna Tolentino para magpasalamat sa lahat ng dumalo sa Healing Mass na in-organized ng movie industry para sa kanya last May 10 sa Christ The King Church sa E. Rodriguez Blvd. , Quezon City. Sinabi niyang gusto rin niyang magpasalamat. Although hindi masyadong malakas ang boses ni Rudy, malinaw naman ang pagsasalita nito at nagpasalamat nga siya sa mga dasal mula sa mga kaibigan at kasama sa industriya para siya gumaling. Bumati na rin siya ng "Happy Birthday" at nagbiro pa sa manager niyang si Lolit Solis na magsi-celebrate ng kanyang birthday tomorrow, May 20.

Happy Birthday din, Manay Lolit!

* * *

Pinag-uusapan na ang pagiging kontrabida ni Bianca King sa Dyesebel at kayang-kaya  raw nito ang pagiging kontrabida kay Marian Rivera, tulad din ng pagkokontrabida ni Katrina Halili noon kay Marian sa MariMar.

Sila na ni Iwa Moto ang pinagku-compare ngayon, since si Iwa naman ang kontrabida ni Katrina sa Magdusa Ka. Pero kung si Iwa raw ay sexy kontrabida, mas maganda raw naman si Bianca na sosyal na kontrabida.

Happy naman si Bianca na napapansin na ang pagganap niya sa role ni Betty at sa birong baka magalit ang mga fans ni Dyesebel sa kanya, huwag daw naman sana at umaarte lamang siya at trabaho lamang iyon.

Huwag daw mag-alaala ang mga fans ni Marian dahil bago raw naman sila mag-take, nag-uusap sila kung paano nila ia-acting ang eksenang nag-aaway sila para hindi sila magkasakitan.

Source: The Philippine Star