|
|
| 'Cinderella' ni Lea, apektado ng global economic crisis! Vicki Belo, nagtatago sa press!![]() Author: Jojo Gabinete MABIBIGO ang mga nagtatangka na mainterbyu si Dra. Vicki Belo tungkol sa isyu na kinasasangkutan ng kanyang boyfriend na si Dr. Hayden Kho. Walang plano si Dra. Belo na magsalita dahil gusto niya na pahalagahan ang kanyang privacy. Nagpalit na rin si Dra. Belo ng cellphone number kaya hindi na siya ma-contact ng media na gustong marinig ang kanyang panig. Kasama sa plano ni Dra. Belo na pumunta sa ibang bansa at kung hindi nagkaroon ng pagbabago, kagabi ang kanyang flight papunta sa Amerika. Ang worsening global economic crisis ang dahilan kaya hindi makukumpleto ang pagtatanghal ng Cinderella, ang musical play na tinatampukan ni Lea Salonga. Nagdesisyon ang producer ng Cinderella na tapusin ito sa February 2009 at hindi sa April 2009, tulad ng original plan dahil sa economic depression. Kung hindi makakakita ng Manila venue para sa Cinderella, posibleng gawin ang last staging nito sa Singapore o Macau. Hindi pa pumapasok ang 2009 pero puno na ang schedule ni Richard Gutierrez dahil magiging busy siya sa taping ng kanyang bagong primetime show sa GMA 7, ang TV remake at Pinoy version ng Zorro. Uumpisahan na rin ang shooting ng second-movie team up nila ni KC Concepcion na ipalalabas sa Valentine's Day. Ang GMA Films ang producer ng pelikula. Siya rin ang host ng Full Force Nature, ang TV show na magpapamulat sa mga mata ng viewers tungkol sa devastating impact ng mga natural disaster. Ang Full Force Nature ang itinuturing ngayon na most relevant at timely program sa telebisyon. Nagbibigay ng babala sa lahat ang Full Force Nature sa mga mangyayari kung hindi natin mamahalin at pangangalagaan ang kalikasan. Perfect choice si Richard bilang host ng Full Force Nature dahil bukod sa pagiging environmentalist. Member siya ng Green Peace Movement. Nasa ibang bansa ang young actress kaya hindi nito maipagtatanggol ang sarili tungkol sa balita na siya ang bagong girlfriend ng isang mayamang businessman. Reportedly, ang young actress ang third party kaya hiniwalayan ng businessman ang karelasyon nito. Masalimuot ang kuwento dahil maraming personalidad ang sangkot. Tiyak na puputok din ang isyu at papangalanan ang mga kasali sa family scandal dahil sa showbiz, walang lihim na hindi kaagad nabubunyag. May permiso mula sa DILG ang pagpunta ni Teri Onor sa Amerika noong December 4, 2008. Bilang Vice-Mayor ng Abucay, Bataan, hindi basta puwedeng umalis ng bansa si Teri nang walang pahintulot ang DILG. Si Teri ang special guest sa dance concert nina Dingdong Dantes at Marian Rivera sa Shrine Auditorium sa LA. Nagkaroon din siya ng show sa Glendale, California at mula doon, nagpunta siya sa San Francisco para dalawin ang kanyang mga kamag-anak. Bumalik sa Pilipinas si Teri noong December 17 pero dumiretso siya sa General Santos City dahil pinagbigyan niya ang imbitasyon na maging host ng show para sa 30th birthday celebration ni Manny Pacquiao. At kahit maraming raket, hindi mukhang pagod si Teri nang makita namin siya sa Christmas party ng isang publication.
Source: Abante |