|
|
| Concert nina Gary at Martin, nakakakilabot!Author: Rey Pumaloy PINATUNAYAN nina Gary Valenciano at Martin Nievera na sila pa rin ang nangungunang concert performers sa Pilipinas, dahil sa malaking tagumpay ng concert nilang As 1, sa MOA concert grounds. Bongga ang production value nito, at maihahalintulad talaga sa isang malaking foreign concert. Ang ganda-ganda ng computerized digital screen na ginamit, na nagmistulang gumagalaw na wall paper na nagpapakita ng iba't ibang klase ng designs. Pero, ang pinakabongga talaga ay ang special effects na kung saan ay nakipag-duet sina Martin at Gary kina Pops Fernandez at Zsa Zsa Padilla. Sa totoo lang, parang totoong-totoo na magkakasama silang apat sa stage, lalo na nu'ng hinawakan ni Martin ang kamay ni Zsa Zsa, na aakalain mo talagang magkadikit ang mga kamay nila. At sa encore at finale song nina Martin at Gary, lumabas din sa naturang screen ang mukha ng mga kasama nilang singer-performers sa ASAP at naki-sing-along din sa kanila. Sabi nga, parang star-studded ang concert na 'yon dahil nakasama nila, kahit sa wide screen lang, sina Piolo Pascual, Sam Milby, Yeng Constantino, Billy Crawford, Mark Bautista, Erik Santos, Jed Madela at marami pang iba. Sa totoo lang, parang hindi tumatanda sina Martin at Gary kung ang pagkanta at pagpi-perform ang pagbabasehan. Hindi talaga nagbabago ang kanilang mga boses. Bagama't sa simula ay inakala namin na hindi nila matatapos ang concert na 'yon, dahil sa opening song nila ay medyo nahirapan si Martin na kantahin ang matataas na kanta, at si Gary naman ay parang mahina ang boses, pero habang tumatagal ang show at habang pahirap nang pahirap ang kanilang mga kanta, tila lalo silang humuhusay at lumalakas. Grabe ang Broadway medley ni Martin, dahil wala talaga siyang pahinga. Pataas nang pataas ang mga kanta, at kinaya talaga niya. Nakakapanindig balahibo ang medley ng mga theme songs na inawit nila sa ilang mga pelikula at teleserye. Pero, kahit parehong bongga ang performance nila, hindi mo mararamdaman na nagpatalbugan sila. Pareho silang mahusay sa bawat pag-awit nila. Siyempre, bongga rin sa pagpapatawa sina Gary at Martin. Lalo na sa number na 'Nobody' na inawit ng Wonder Girls, dahil pareho talaga silang sumayaw. Nakakapanghinayang lang na isang gabi lang ginawa ang concert nila. Sana ay nasundan pa ito ng ilang gabi. Anyway, nakita naming nanood ng concert nila sina Sharon Cuneta at Sen. Kiko Pangilinan, Dra. Vicki Belo at Crystalle, Zsa Zsa Padilla at Karylle, Ruffa Gutierrez at Donita Rose, Nikki Gil, Shaina Magdayao, Jericho Rosales, Vina Morales, Toni Gonzaga at direk Paul Soriano, Vernie Varga, Nonito Donaire Jr., Jinkee Pacquiao, at marami pang iba. Source: Abante |