Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Cory at Kris, pinagdarasal ni Vic Sotto!

Cory at Kris, pinagdarasal ni Vic Sotto!

Author: Rey Pumaloy
Column: Oh, Laban Ka?!

KASALUKUYANG nasa Bangkok, Thailand ngayon si Pia Guanio.

Nakasama ni Pia sa bakasyon na 'yon ang mga kaibi­gang sina Claudine Trillo at Tim Yap.

Pero, bago umalis si Pia ay nagbiro pa ito sa amin sa set ng Showbiz Central na 'iiwan' na niya si Vic Sotto. Pero siyempre, agad niyang nilinaw na 'iiwan' niya si Bossing, dahil magbabakasyon nga siya sa Bangkok sa loob ng anim na araw.

Anyway, sinagot na rin ni Pia ang mga tsismis na kesyo nagkaroon sila ng matinding alitan ni Vic, dahil sa leading lady nito sa pelikulang Love On Line na si Paula Taylor.

Sabi ni Pia, palagi naman daw silang natsitsismis na may problema, kapag may pelikula si Vic. Iginiit nga ni Pia na masayang-masaya pa rin sila ni Vic sa relasyon nila ngayon, at never silang nagkaroon ng matinding problema.

Pahayag pa ni Pia, mas­yado siyang masaya sa set up nila ni Vic ngayon, kahit pareho silang busy. Patuloy nga raw na tumatatag ang kanilang relasyon.

Sa presscon ng Love On Line, harapang sinabi ni Vic sa akin na ikinuwento nga raw ni Pia sa kanya ang mga naging kuwentuhan namin bago ito umalis.

Panay nga ang tukso sa akin ni Vic, na kesyo inintriga ko raw si Pia.

Tungkol sa tsismis sa kanila ni Paula, iginiit ni Vic na trabaho lang ang pinagsamahan nila, at hindi raw totoo ang mga tsismis.

“Kung titingnan mo, wala naman talagang nangyayaring ganun. Ako kasi, I'm serious with my work. Pag nagsyusyuting kami, talagang shooting ang ginagawa namin.

“Nagtatrabaho kami nang husto para mapaganda ang produkto. 'Yun ang pinagkakaabalahan ko,” paliwanag ni Bossing.

Hindi nga naniniwala si Vic na dapat ay ma-link siya sa leading lady niya para bumenta ang pelikula. Mas importante raw na maganda ang ihahain nilang project sa publiko.
***

Anyway, inusisa na rin namin si Vic kung may posibilidad ba na magsama naman sila ni Willie Revillame sa pelikula. Prangkahan ngang sinabi ni Vic imposibleng mangyari 'yon.

“Walang posibilidad 'yon! Magkatapat ang show namin. Parang nanloloko naman kami ng tao,” sabi pa ni Vic.

Sumang-ayon nga si Vic sa amin na mas dapat sigurong sila muna ni Joey de Leon ang gumawa ng movie.

“At saka, Willie is not into movies. Kung may gagawin siya, good for him,” nakangiting sabi pa ni Vic.
***

Nabanggit din sa tsikahan na 'yon si Kris Aquino. Sabi ni Vic, kaibigan ang turing niya kay Kris, kaya nararamdaman niya ang lungkot na pinagdaraanan nito ngayon, dahil sa pakikipaglaban ng mother nitong si dating Pangulong Cory Aquino, sa sakit na colon cancer.

Sabi ni Vic, bagama't hindi sila masyadong nagkakausap ni Kris, hindi na raw mawawala ang kanilang friendship.

“I'm sure, marami na siyang narinig na very encouraging words. Ang buong sambayang Pilipino ay kasama niya at ng kanyang buong pamilya sa pagdarasal para maging maayos si President Cory.

“Personally, I pray for her (Kris), for President Cory and the rest of the family,” seryosong sabi na lang ni Vic.

Source: Abante