| | Cristine Reyes: 'Iba ang palaban sa maldita!' Author: Bernie Franco Sa wakas ay ipapalabas na ang kaabang-abang na teleserye na manonood sa primetime bida ng ABS-CBN. Ito ang kontrobersyal na teleserye ng aktres na si Cristine Reyes, ang Eva Fonda na magsisimula ngayong Lunes Disyembre 1. Sinasabing kontrobersyal ang nasabing programa dahil sa teaser pa lamang ay napaka-daring na ng ipinapakita. Ito naman umano ang gusto ng kilalang indie film director na si John Red na isa sa mga direktor ng soap series (si Direk Fransco Mortiz ang isa) na sinabing ang gusto niyang ipakita sa telebisyon ang hindi pa naipapakita. Subalit sinigurado naman nilang hindi naman brutal ang mga mapapanuod dito. Ito rin ang pinakamalaking break ni Cristine na puring puri ng kanyang mga direktor at mga kasamahan dahil nahinang umano ang kanyang pag-arte. Sa ginanap na press conference kamakailan ng teleserye, sinabi ng ibang press na kung ikukumpara siya sa kanyang ate na si Ara Mina, pihadong mas mabilis ang improvement ni Cristine. Samantala, sinabi naman ni Cristine na hindi siya dapat ikumpara sa kanyang kapatid: "Si ate ang daming nang award samantalang ako, wala pa akong napapatunayan. Pabalik na siya papunta pa lang ako." Nang tanungin ang aktres kung ano ang pagkakatulad niya sa kanyang karakter na ginagampanan, sumagot siya na pareho daw silang palaban. Isang press ang nagsabing ibig bang sabihin nito ay maldita siya. Mabilis namang sumagot si Cristine at kinlaro ang kanyang pahayag. "Iba ang maldita sa palaban," sabi ng aktres. "Dahil makikita n'yo dito sa karakter ng Eva Fonda palaban siya at hindi siya ipapakita niya talaga na kaya niyang tumayo at kaya lumaban sa pagsubok sa buhay. Parang in real life, kaya kong lumaban sa sa lahat ng pagsubok na binibigay sa akin." Matatandaan din kasing maraming beses na nasangkot si Cristine sa mga kontrobersya, lalo na sa kanyang buhay pag-ibig, patungkol sa pagkaka-link niya iba't ibang artistang lalaki, ang pang-aagaw diumano niya kay Dennis Trillo mula kay Carlene Aguilar at ang pagtatangka diumano niya na mag-suicide. Nilinaw din ng aktres na hindi naman talaga sobrang daring ang ginawa niya rito. Aniya: "Ang teaser lang naman ang kontrobersyal siyempre para maakit ang mga tao pero it's more of drama and reality sa society natin. Parang mirror siya sa nangyayari sa real life." Samantala, tuwang tuwa naman ang aktres dahil unti-unti nang napapansin ang kanyang husay sa pag-arte. Sabi pa ni Cristine, good decision ang kanyang ginawang paglipat sa ABS-CBN mula sa kabilang istasyon. "Dito sa ABS-CBN, nabigyan ako ng pagkakataon na ipakita sa lahat 'yung talent ko na hindi ako nabigyan ng pagkakataon dun sa kabila. Pinagkatiwaalaan ako ng ABS-CBN para sa lahat ng project na binigay nila sa akin. Hindi ko bibiguin kaya binigay ko 'yung best ko. Ginalingan ko talaga.' Kasama rin sa Eva Fonda sina Jason Abalos, Baron Geisler, Alma Moreno, Mark Gil, Hazel Ann Mendoza and Joross Gamboa among others Source: ABS-CBN Interactive |
|