Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Cristine, hinamon ang mga detractors!

Cristine, hinamon ang mga detractors!

Author: Ruel Mendoza

NILINAWni Cristine Reyes ang hindi mamatay-matay na isyu na kesyo wala raw siyang tinulungan sa mga kapitbahay niya noong bumalik siya sa tahanan nilang binaha sa Provident Village sa Marikina City, na sakay ng isang army truck.

Ang naging balita nga ay dinedma raw ni Cristine ang mga humihingi ng tulong sa kanya at dire-diretso lang daw ang malaking army na siya lang ang sakay.

“Hindi naman totoo 'yon! Unang-una wala akong sinakyan na army truck. Wala akong ginawang ganu'n nu'ng bumalik ako sa house namin sa Provident Village. Nu'ng bumalik ako, ang gamit ko ay sasakyan ni Ate (Ara Mina). Kasama ko pa that time 'yung isang kapatid ko,” bungad na paliwanag ni Cristine.

“Nakakagulat naman kasi may mga pictures daw ako na nakasakay sa army truck. Bakit hindi nila ilabas na ako iyon? May video pa raw. Nasaan iyon? Hinahanap ko nga pero wala namang nag-post. Buti pa 'yung nasa bubungan ako noong kasagsagan ng Bagyong Ondoy, eh may photos ako, 'di ba?

“Kaya sana huwag naman na silang ganyan sa akin. Wala akong ginagawang masama sa mga kapitbahay namin. At saka, noong bumalik ako sa Provident Village, okey na ang lahat. Wala nang tubig pero putik-putik ang paligid. Kahit naman ako, naglakad ako sa putikan,” kuwento ni Cristine.

Nagpapasalamat nga lang si Cristine dahil parang naging blessing pa sa kanya ang pagkakatanggap niya ng Patient X nang mag-back out si Heart Evangelista.

Bukod sa nakilala niya nang husto si Richard Gu­tierrez na nagligtas sa kanya noong na-stranded sila sa bubong noong bagyo, nabigyan pa siya ulit ng isa pang project, at ito ay ang Ang Darling Kong Aswang, na kung saan katambal niya si Vic Sotto para sa 2009 Metro Manila Film Festival.

“Feeling ko nga suwerte ang movie na ito para sa akin. Sunud-sunod ang mga nangyari sa akin na maganda. Kumbaga, meant siguro sa akin ang Patient X.

“Kaya malaki ang pasasalamat ko sa mga bumubuo nito, lalo na kay Richard na naging mabuting kaibigan sa akin,” sabi na lang ni Cristine.

Source: Abante