Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Dating sexy star, milyonarya na!

Author: Gerry Ocampo

Si Regine Velasquez ang magiging leading lady ni Robin Padilla sa Totoy Bato na hango sa nobela sa komiks ni Direk Carlo J. Caparas.

Dahil nagkataon na araw ng taping ng Bubble Gang nang ganapin ang story conference ng Totoy Bato ay dumaan muna si Regine sa taping ng show para dalawin si Ogie Alcasid bago siya dumiretso sa story con.

Kinumusta namin si Ogie tungkol sa wedding plan nila ni Regine. Kailan ba talaga ito gagawin?

"Mahirap magsalita tungkol diyan, kasi ongoing pa ang proceedings sa annulment ng marriage ko kay Michelle (Van Einmerenn).

"Basta masaya kami ni Regine. 'Pag okey na ang lahat, do'n pa lang kami magpaplano. Pero gusto naming dito gawin ang kasalan sa bansa natin. "

Ginagawa ngayon ni Ogie ang theme song ng dalawang teleseryeng sisimulan ng GMA 7 next month, ang Totoy Bato at Babaing Hinugot Sa Aking Tandyang na balik-tambalan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera.

* * *

Speaking of wedding, nakausap namin si Klaudia Koronel, former sexy star na ipinakilala ng Seiko Films noon. Maganda at sexy pa rin si KK at higit sa lahat, isa na siyang milyonarya.

Matatandaang nasa kasikatan siya nang biglang magdesisyong iwanan ang showbiz para pagtuunan ng pansin ang pag-aaral

"Nag-aral ako kasi naging hamon sa akin ang mga panlalait ng pamilya ng lalaking minahal ko," say ni KK. "Ang sakit! Maririnig mo na sasabihin ng magulang ng BF ko na ano raw mapapala nu'ng guy sa akin, eh, bold star lang ako.

"Hindi pa roon natapos ang paghihirap ng loob ko, giniba pa ang bahay namin sa Project 8 kaya kung saan-saan na lang kami nakitulog.

"Sinabi ko sa sarili na hindi na ako magpapalait at ayoko nang mawalan ng tirahan, kaya nag-aral ako at pagkatapos ay nagpunta ng Amerika kung saan nakilala ko sa internet ang lalaking nagpatibok muli ng puso ko.

"Nagbalik ako ng 'Pinas para ayusin ang wedding namin. Gusto ko sa bansa natin maganap ang pinakamasaya at importanteng bagay sa aking buhay.

"Chinese siya na nakatira sa China at ngayon ay naka-base na sa Tate. Mabait siya at mahal niya ang family ko.

"He's a smart guy. Ipinaglalaban niya ako sa lahat. Masipag at responsible, tanggap niya ang mga nakaraan ko. Na love at first sight ako nang una ko siyang makita kaya alam ko na siya na nga ang hinahanap ko.

"Kahit na nagpa-sexy ako dati, para sa kanya, okey lang 'yon. Three years umabot ang relasyon namin, nabuo kahit long distance at sa Internet lang kami nakapag-uusap.

"'Di niya alam na artista ako noong nakita niya ang picture ko sa Internet. Alam niya na graduate ako ng Computer Science kasi nakatoga ako sa picture.

"Isa siyang IT consultant at investor ang boyfriend ko. Ang name niya is Andy Zhang, 6' 1" ang height. Guwapo siya siyempre sa paningin ko at 100% binata.
"Sa Tate na kami maninirahan pagkatapos ng wedding at bibili rin kami ng bahay dito sa The Fort na magsisilbing second home namin," masayang kuwento ni KK.

Source: People's Tonight