Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Diamond-studded necklace, V-day gift ni Ogie kay Regine

Author: Nitz Miralles

Hindi naabot ni Robin Padilla ang pinuntiryang 200 lbs. para sa role niyang boksingero sa Totoy Bato dahil nagmamadali na ang GMA-7 at 'di na pinagbigyan ang two more months na request niya.

Pero, lumaki pa rin ang katawan niya sa 184 lbs. at talagang malaki ang hirap niya sa pagpapalaki ng katawan at makikita ito sa mga litratong kuha ni Jun de Leon na naka-display sa labas ng GMA Network.

Balik-tambalan nila ni Regine Velasquez ang Totoy Bato, na sinulat ni Direk Carlo J. Caparas at sa February 23 na ang pilot.

Anong mga bagong ma-i-expect ng viewers sa tambalan nila?

"Lagi namang may bago sa aming dalawa. Mahal ko siya, alam n'ya 'yon at nararamdaman niya 'yon, at tuwing makikita ko siya, lalong lumalakas at alam 'yon ni Ogie (Alcasid).

"Kahit 'di kami nagkarelasyon, mahal ko pa rin si Regine. Ganu'n talaga, may pagmamahalang 'di kailangang magkatuluyan. Happy ako sa kanila ni Ogie at hanggang langit ang respeto ko sa relasyon nila. Wala siyang dapat pagselosan sa akin," sabi ni Robin.

Nanghihinayang siya dahil dapat kasama sa cast si Marky Cielo at ito sana ang gaganap na binatang Totoy, na napunta kay Carlo Aquino.

Bilib ang actor kay Marky na naging open sa pag-aming taga-bundok at Igorot siya.

Siya raw noong bago sa showbiz, itinanggi noong una na galing siya sa bundok. Ginawa raw ni Marky ang 'di niya nagawa at humanga siya rito.

Inamin din ni Robin na inalok niya sa kapatid na si Rustom Padilla, este, Bebe Gandanghari, ang pagiging co-director ng Totoy Bato, pero tumanggi raw ito dahil marami pang gustong gawin sa buhay.

Hindi naman sumama ang loob ni Robin kay Bebe, bagkus, masaya raw siya kung saan masaya ang kapatid.

Si Royette lang daw ang "nabagabag" sa pagpapalit ng kaanyuan at katauhan ni Bebe, pero pinagpayuhan na ito ni Robin na hayaan na ang kapatid kung saan liligaya.

Wala naman si Manny Pacquaio sa presscon, nasa Los Angeles, California ito't may importanteng inaasikaso. Hindi tuloy siya nakapagkuwento sa experience niya sa first drama series sa telebisyon.

* * *

Isa sa Valentine's Day gift ni Ogie Alcasid ang diamond-studded at heart-shaped necklace na suot ni Regine sa presscon ng Totoy Bato.

Bukod doon, pinag-shopping pa siya, pinag-spa, nanood sila ng concert ni Peter Cetera at nu'ng gabi, nag-dinner sa bahay niya, na ang nagluto ay si Judy Ann Santos at si Ryan Agoncillo naman ang kumuha ng litrato. Ka-cheapan daw ang ganting regalo niya kay Ogie na 'di na sinabi kung ano.

Ipinagmalaki ni Regine ang lumiit niyang mga braso at dahil 'yon sa three months niyang pagbo-boxing.

Tumigil lang siya dahil sa taping ng Totoy Bato at itutuloy niya 'pag may free time siya. Malabo yata itong mangyari sa ngayon dahil 20 weeks tatakbo ang series, may birthday special pa siya at may U. S. tour ang Divas 4 Divas.

* * *

Hindi tuloy ang paglipat ni JC de Vera sa ABS-CBN dahil binigyan siya ng bagong show ng GMA-7.

Isa siya sa main cast ng Obra, na magbabalik sa ere simula March 12. Kahapon ang story conference nito at ipinaalam nang hindi na wakasan ang istorya, kundi magiging series na.

Ang balita namin, aabot ng eight weeks ang bawat istorya ng drama anthology.

Marami ang natuwa na mananatili sa Channel 7 si JC. Siguradong isa si Rhian Ramos sa mga rason kung bakit ayaw nitong umalis sa Siyete.

Ang daming may type sa actress at 'pag hindi na siya nabakuran ng actor, patay!

* * *

Sa February 20 na ang repeat ng Gary V: Live at 25 concert ni Gary Valenciano sa Araneta Coliseum at mukhang mas star-studded ito dahil pati Kapuso stars ay manonood.

Bumili na raw ng tiket sina Janno Gibbs, Ogie at Regine at pati sina Iya Villania at ang mag-asawang Julius Babao at TinTin Bersola-Babao.

Masayang ibinalita ni Angeli Valenciano na almost sold out na ang tiket sa Friday, pero may mabibili pa, kaya bili na bago kayo maubusan.

Post-Valentine's Day ang concert kaya dinagdagan ni Gary ng love songs ang kanyang repertoire.

Kasama sa pagpapakondisyon ni Gary for his concert ang pagba-bike mula sa bahay nila sa Antipolo hanggang ABS-CBN.

Nagugulat ang mga nakakakita sa kanya na nagba-bike.

* * *

MAMAYA sa Luna Mystika, tatapatin ni Celestina (Heart Evangelista) si Andoy (Luis Alandy) na si Dexter (Mark Anthony Fernandez) ang mahal niya.

Susugurin ni Alice (Sheryl Cruz) sina Dominick (Romnick Sarmenta) at Diana (Rita Avila) at makikita na ang ate niya.

Nagkasundo sina Luna (Heart) at Donita (Iwa Moto) na lumayo at tumakas sa kanilang pamilya.

Madidiskubre ni Donita na gaya ni Diana, may kapangyarihan din siya.

Source: People's Tonight