|
|
| Dingdong, palaging sabik kay Marian!![]() Author: Rey Pumaloy DERETSAHAN na ring inamin ni Dingdong Dantes na ayaw niyang mawala si Marian Rivera sa buhay niya ngayong 2009. Bukod sa kanyang magandang career, hindi raw papayag si Dingdong na mawala sa kanya si Marian. Tinanong namin si Dingdong kung nanliligaw na siya kay Marian. “Kung sa pahiwatig, hindi ako ang tipo na magpapahapyaw, eh. Kung may intensyon talaga ako, didiretsuhin ko talaga!” sagot ni Dingdong. Pag-amin pa rin ni Dingdong, gusto niyang mas patatagin pa ang pagsasama nila ni Marian, kaya raw gusto niya na parati itong kausap at kasama. Sundot na pag-amin pa ni Dingdong, interesado talaga siya na bumuo ng isang magandang relasyon kay Marian. “Of course, importante talaga 'yon na hindi lang purely professional kayo. Kailangang kilalanin mo siya kung sino siya. “Kasi maaaring ito na ang huli. Ayoko naman na ang last memory ko sa kanya ay bilang artista lang. Siyempre, gusto ko siyang makilala kung sino siya talaga.” Prangkahan na ring inamin ni Dingdong na may nararamdaman na siya kay Marian. “Of course, I care for her. Simula pa lang nu'ng umpisa.” Hindi rin itinanggi ni Dingdong na kapag hindi sila nagsasama ni Marian ay nasasabik siya rito. Tukso nga namin, palagi pala siyang sabik kay Marian. “Nangyari 'yan nu'ng Pasko. Isang linggo kaming hindi nagkita. Sanay kaming laging magkasama. 'Yung 1-week na nasa Boracay ako, nanibago talaga ako.” Kailan ba niya balak sabihin kay Marian ang nararamdaman niya rito? “Sa akin manggaling 'yon. Hindi ko lang alam kung kailan. Ito kasi ang isang bagay na hindi mo dapat pinaplano.” Ang mahalaga raw ngayon kay Dingdong ay `yung masaya silang dalawa ni Marian, lalo na kapag magkasama sila. Sinisiguro ni Dingdong na hindi niya itatago sa publiko kapag nagkaroon na sila ng relasyon ni Marian. Siyanga pala, kung pagbabasehan ang pilot episode ng Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, masasabi nga na mas matapang sila ni Marian pagdating sa pagpapaseksi. “Oo, eh! Kahit ako nagulat! Ha! Ha! Ha!” Alam ba niya na sa pilot episode ay may shower scene agad sila ni Marian? “Alam ko! Pero hindi ko alam na ibabad talaga. Ang alam ko, pakonti-konti lang. Nakakagulat pero, okey lang.” So, hindi siya magpapatalo kay Marian pagdating sa pagpapa-seksi? “Hindi naman! Alam niyo, si Homer (karakter niya) hindi naman dapat sexy, dapat nerdy!” Kaso, may tinatago pa lang kaseksihan si Homer? “Hindi naman! Ha! Ha! Ha! “Pero sa kalagitnaan, siguro mas magiging sexy pa. Kasi, hindi niya alam na medyo may hitsura siya. Unaware siya,” sabi na lang ni Dingdong. Source: Abante |