|
|
| Direk Joyce Bernal is still open to working with ABS-CBN![]() Author: Bernie Franco Kakaibang Binibining Joyce Bernal na naka-formal dress ang dumating sa Plato Para Kay Ploning fundraising event noong December 3, upang magpakita ng suporta sa kanyang kaibigan na si Judy Ann Santos. Inamin ng TV and film director na naging malaking inspirasyon sa kanya ang narating ng pelikulang Ploning. "Naisip ko parang gusto ko ring gumawa ng isang pelikula kagaya ng Ploning, nakaka-inspire," ani Direk Joyce. Dagdag pa niya, isang milestone para sa local movie industry natin ang inihatid ng Ploning. "Hindi lang pangarap ni Judy Ann ang matutupad dito eh, pangarap nating lahat," paliwanag niya kung sakaling suwertehin na makapasok ang Ploning sa Oscars sa susunod na taon. "Looking at the bigger picture, hindi ito natatapos dito. Lalo na ngayon andaming indie films ang tingin ko magaganda. Andaming napapanood na indie film na deserving na manalo katulad ng Ploning." Alam niya umanong salat man sa pondo ang mga independent films, kitang-kita naman na gawa ang mga ito sa magagandang material at de-kalidad at hindi nakagugulat kung kilalanin man ng ibang bansa. Inamin din ni Direk Joyce na mayroon siyang nakapilang film project na gagawin. Siya rin ang magdidirek ng susunod na teleseryeng pagbibidahan nina Dingdong Dantes at Marian Rivera. Si Direk Joyce din ang nagdirek ng dalawang nakaraang teleserye ng dalawa. Nang tanungin naman siya kung open pa siyang magtrabaho sa Kapamilya network, isang matunog na "oo" ang isinagot niya. Inamin nga niya na may proyektong inoffer sa kanya ng ABS-CBN kaya lang ay nakatango na siya sa proyekto sa kabilang istasyon. Nahuli lang ang ABS-CBN sa pago-offer sa kanya ng project na gagawin at nanghinayang tuloy siya rito. "May offer sa akin kaya lang nahuli lang ng bonggang-bongga," panghihinayang ni Direk. Aniya, kasama sa offer ay isang TV series at isang pelikula. Ang huling proyekto ni Direk Joyce sa ABS-CBN ay ang For The First Time ng Star Cinema na pinagbidahan nina KC Concepcion and Richard Gutierrez. Ukol sa pagbabati nilang dalawa ni Judai, ipinaliwanag ng direktor na naging mas madali ang kanilang pag-aayos dahil naramdaman nilang handa na silang pareho na wakasan na ang anumang alitang naganap sa pagitan nila. "Siguro kaya naging mas madali [ang pagbabati] kasi it was really a decision [from both parties], nandun sa inyong dalawa na gusto n'yo," ani Direk Joyce. Pag-amin ni Direk Joyce, hindi talaga siya komportable na naka-formal subalit ginawa pa rin niya ito para sa event ni Judai, lalo pa't kakabati lang ng dalawa. Sambit pa niya, handa siyang mag-exert pa ng effort upang maibalik ang closeness nilang magkaibigan. Source: ABS-CBN Interactive |