|
|
| Dolphy, Lea at Charice, nanguna sa AFI concert![]() Author: Alfie Lorenzo ANG King of Comedy na si Dolphy, kasama ang mga world class performers na sina Ryan Cayabyab, Lea Salonga, Gary Valenciano, at Charice Pempengco ang nanguna sa star-studded na anniversary concert ng ABS-CBN Foundation Inc. (AFI) kamakailan. Si Lea ang nagbukas ng programa, at isang madamdaming solo number ang ibinigay niya, na sinundan naman ng pagkanta nina Rhap Salazar, Makisig Morales, at ng paborito kong si Erik Santos. Bonggang medley naman ang inihirit ng mga theater icons na sina Audie Gemora, Isay Alvarez, at Robert Seña, matapos awitin ni Jett Pangan ang kantang Magnificent. Siyempre, hindi nagpahuli ang duet ng soprano na sina Rachelle Gerodias at Rachelle Ann Go, dahil naging mainit talaga ang pagtanggap sa kanila ng mga manonod sa Meralco theatre. At siyempre, kinanta ni Charice ang US hit na “Note to God”. Ipinagdiwang ng programa ang ika-20 taon ng AFI, sa pamumuno ni managing director Regina “Gina” Paz Lopez, at binigyang pugay ang mga mga donors, volunteers, at beneficiaries na naging bahagi at patuloy na nakikituwang sa mga proyekto nito tulad ng Bantay Bata 163, Bayan Foundation, E-Media, Bantay Kalikasan, Sagip Kapamilya, BayaniJuan, at Kapit Bisig para sa Ilog Pasig. Ipinaliwanag naman ng mag-asawang Juday at Ryan Agoncillo, pati na nina Papa Piolo, Zaijian “Santino” Jaranilla, Anne Curtis, John Lloyd Cruz, Bernadette Sembrano, Ai Ai delas Alas, at iba pa, sa pamamagitan ng VTR, kung paano nabago ng mga naturang sangay ang buhay ng maraming indibidwal. Pinapurihan din ni Charo Santos-Concio ang lahat ng nagawa ng bawat donors at supporters ng AFI. Tinawag niya rin si Gina na mabuting ehemplo ng isang babaeng abot-kamay na dumadamay sa nangangailangan. Samantala, pinasalamatan naman ni Gina ang mga natulungan ng AFI na pinapasok sila sa kani-kanilang mga buhay at nakiisa sa proyekto para na rin sa kanilang sariling kapakanan. Saludo rin siya sa ABS-CBN Broadcasting Corp. sa patuloy at walang sawang pagsuporta sa adhikain ng AFI. Sina Edu Manzano, Atom Araullo, at Karen Davila ang nagsilbing hosts sa naturang concert. Ang ika-20 anniversary celebration ng AFI ay mapapanood sa primetime telecast ngayong Agosto sa Dos. Source: Abante |