|
|
| Edu: Hindi ako ipokritoAuthor: Vinia Vivar MARAMI ang humihiling na sana'y maayos na ang gusot na namamagitan ngayon kina Sen. Bong Revilla at OMB (Optical Media Board) Chairman Edu Manzano, lalo pa nga't nanawagan na rin ang una sa huli na sana'y magtulungan na lang sila para sa ikabubuti ng industriya. Ayon kay Sen. Bong sa panayam ng Startalk, willing siyang kalimutan na ang lahat. "Kung anuman 'yung nangyari, kinalimutan ko na 'yun. Masakit man 'yung mga binitiwan niyang salita, pinatawad ko na siya. For the spirit of Christmas, kalimutan na natin 'yun. Pagtulungan natin kung ano ang makabubuti sa industriya natin, kung saan pareho tayo galing. Na utang natin sa industriya kung ano ang kinalalagyan natin ngayon. "Buhay ko itinaya ko rito. Buhay mo, itinaya mo rin dito. Huwag nating sayangin kung anuman ang sinimulan natin. Let's work together para sa ikabubuti ng industriyang ito. Hindi natin kailangang mag-away. Matapang ka, kilala kita. Matapang din ako. Hindi tayo magkalaban, magkakampi tayo. Ang kalaban natin, pirata. 'Yun ang durugin natin," pahayag ni Bong. Pero sa interview ni Edu sa Entertainment Live last Saturday din, diretsahan nitong sinabi na hindi pa niya kayang patawarin si Sen. Bong. "Hindi ako magiging ipokrito, hindi ko kaya. At this point in time, not only have you hurt me, you've hurt my family. How can I forgive you? I have children and they have classmates. Hindi porke't sorry, okay na," pahayag ni Edu. Matatandaang nagsimula ang rift ng dalawa nang magsagawa ng raid si Sen. Bong sa Makati Cinema Square last Dec. 4. Sa naturang raid, nakapagsalita ito ng mga pahayag na ikina-offend ni Edu at isa na rito'y ang pagsasabing hindi siya satisfied sa trabaho ng OMB hinggil sa pagsugpo sa piracy. * * * NAKAUSAP namin si Mommy Mayette, mother ni Valerie Concepcion, at naikuwento niyang hindi na muna sila bibili ng bahay ngayon dahil hindi inaaasahang magiging issue pa ito. May mga naghihinala kasing ang bahay na balak bilhin ni Valerie ay si Manny Pacquiao ang magbabayad dahil na rin sa tsismis na nagkakamabutihan ang dalawa. Bukod dito, nakatanggap pa ng text message si Val mula sa isang nagpakilalang "Jinkee Pacquiao," asawa ni Pacman, at nakapaloob sa mensahe ang tungkol sa pagbili ng young actress ng bahay. "Balita ko, nagpapahanap ka raw ng bahay. So, pera ba ang kailangan mo? Subukan mo mga binabalak mo, lalabanan kita," bahagi ng natanggap na mensahe ni Valerie. Bagama't itinanggi na ni Jinkee, sa pamamagitan ng spokesperson na si Reli de Leon, ang nasabing text message, nais pa ring linawin ni Valerie sa maybahay ni Pacman na wala silang relasyon. Sa E Live, hiningan si Val ng mensahe para kay Jinkee at ito ang kanyang pahayag: "Ms. Jinkee, makaaasa ka na hinding-hindi ako papatol sa may asawa, sa isang happily married man, kaya huwag po kayong mag-alala. " Samantala, ngayong gabi ay nakatakdang makipag-usap si Valerie at manager na si Becky Aguila kay Pacman para i-settle ang lahat ng isyu, kabilang na ang kissing scene na gustong ipaalis ng manager sa pelikula. Mas maganda sana kung haharap na rin si Jinkee sa naturang meeting para naman maklaro ang lahat sa pagitan nila at magkaayus-ayos na. Source: People's Tonight |