|
|
| Eric Quizon, nag-react sa Dolphy-Zsa Zsa weddingAuthor: Nitz Miralles Natawa si Eric Quizon nang hingan ng reaction sa nabitin na namang annulment ni Zsa Zsa Padilla, rason para hindi na naman matuloy ang kasal nito at ng amang si Dolphy. Dapat daw ang daddy niya ang tanungin, but later on, nagsalita rin si Eric. "Ke kasal sila o hindi, ang importante masaya sila. They don't need to get married. Matagal na silang nagsasama at masaya sila sa kanilang relasyon. They don't have to get married. I don't think they need it," sabi nito. Busy si Eric sa pag-aasikaso sa show ng mga Quizon sa Hong Kong sa April 19. Celebration ng 80th birthday ni Dolphy ang show at kasama siya at sina Zsa Zsa, Epi, Vandolph at Boy 2. Dadalhin sa Amerika ang show, inuna lang sa Hong Kong dahil special ang lugar sa ama. Ang kikitain ng show ay mapupunta sa Dolphy Aid Para Sa Pinoy Foundation na nagpapaaral sa STI ng 15 students na mga anak ng OFW sa Hong Kong. Ang limang unang scholars ay i-a-announce sa show sa Hong Kong. Noong April 7, ginawa ang exams at ang makakapasa at makakapagbigay ng full requirements ang mapipili. Based in Hong Kong si Eric at umuuwi lang rito 'pag may taping ng All About Eve na hindi niya natanggihan dahil maganda ang role niya bilang ama ni Mark Anthony Fernandez. * * * Kasama ang season 2 ng Survivor Philippines sa teaser ng mga bagong shows ng GMA-7, pero walang nakalagay na date at "soon" lang ang nakasulat. Mas maingat ngayon ang GMA News & Public Affairs para walang lumabas na spoiler, kaya hindi makumpirma kung nag-pictorial noong April 4, ang pumasok sa fourth level ng audition na umabot sa 100. May teaser na rin ng rom-com series nina Marvin Agustin at Jolina Magdangal na Adik Sa 'Yo na sa May na raw sisimulan. Ang I Luv New York ang last series ng dalawa at napapanood sila ngayon sa Dear Friend bilang hosts. Kung sa May nga eere ang series at kung aabot pa sa nasabing buwan ang hino-host ni Marvin na Outrageous and Courageous, siya ang may pinakamaraming shows sa GMA-7 talents. Napapanood din kasi siya sa S. O. P. at SRO Cinemaserye. Third regular show naman ni Jolina ang Adik Sa 'Yo dahil may Dear Friend at S. O. P. siya. * * * Mauuna ngang umere ang comedy show nina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo na George & Cecil kesa narserye ng actress dahil kundi last Saturday ng April ay sa first Saturday ng May ang airing nito after Banana Split, samantalang ang narserye ay sa June pa raw. Sa presscon ng George & Cecil na naka-schedule sa April 20, mas maraming malalaman ang press sa comedy show ng ABS-CBN na conceptualized and directed by Joey Reyes. Mala-John en Marsha raw ang tema nito na bagay sa dalawa at napatunayan na nila ito sa mga pelikulang Kasal, Kasali, Kasalo at Sakal, Sakali, Saklolo. * * * Kakuwentuhan namin si Direk Gil Tejada sa taping ng All About Eve at strength and weaknesses ng soap ang pinag-uusapan. Batay sa kanilang pag-aaral, malakas na aspeto ng soap 'pag inaapi si Sunshine Dizon at pumipik-up ang ratings ng soap. Kahit kontrabida at salbahe ang karakter nitong si Erika, sa kanya pa rin ang simpatiya ng viewers. Masuwerte raw si Sunshine dahil tanggap na bida-kontrabida mula pa sa Anna Karenina, Encantadia, Bakekang, Impostora at La Vendetta. Hanggang ngayon, kundi Pirena ay Bakekang ang tawag sa actress sa set ng AAE. Weakness ng soap 'pag walang masyadong highlights na aabangan at pressure sa kanila ito, pero nagagawan ng paraan. Pinalalaki nila ang mga eksenang alam na kakagatin ng viewers. Alam ni direk na marami na ang nag-aabang sa paghaharap nina Eula Valdez at Jean Garcia at mangyayari ito this week at sa mga susunod na episodes. Dagdag na conflict pa ang banggaan nina Richard Gomez at Eric Quizon. * * * Monday sa Ang Babaeng Hinugot Sa Aking Tadyang, makukunan si Heleen (Angelu de Leon) at si Proserfina (Marian Rivera) ang kanyang sisisihin. Pinatay daw ng dalaga ang anak niya at mangangakong maghihiganti. Ang hindi alam ni Heleen, ipinagtapat ni Greg (Boom Labrusca) kay Homer (Dingdong Dantes) na siya at hindi si Homer ang ama nang batang ipinagbuntis. Source: People's Tonight |