Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Ex-singer/ actress 'pinagbabayaran' ang pangungupit

Ex-singer/ actress 'pinagbabayaran' ang pangungupit

Author: Cristy Fermin
Column: Showbiz Mismo

Saludo ang kanyang mga kaibigan sa bilis ng mga kamay ng isang actress-singer pakakainin niya ng alikabok ang mga pro­pes­yonal na mandurukot diyan, dahil ibang klaseng gumalaw ang mga kamay ng dalaga.

Hindi siya nag-aral sa alinmang eskuwelahan ng mga man­du­rukot, talagang pansarili niyang istilo lang ang kanyang ginagamit, pero bilib na bilib sa kanya ang marami niyang kaibigan kapag gumagawa siya ng exhibition.

“Hindi niya ginagamit sa labas ang expertise niya, kahit kailan, hindi siya nasangkot sa nakawan sa showbiz. Pero ang bilis-bilis at ang galing-galing niyang mang-umit.

“Tumayo ka sa harapan niya, kakausapin ka lang niya sandali, pag­tingin mo sa wallet mo sa bulsa, wala na yun, nailipat na ng actress-singer sa mga kamay niya.

“Nung minsang magkalokohan ang grupo, nagpunta sila sa isang mall, nagkakagulo ang mga tao dahil ilan silang mga perso­nalities na magkakasama. Habang abala sa pagpapirma ng auto­graph sa kanila ang mga fans, gumana naman ang mga kamay niya, ang dami-dami niyang nanenok na kagamitan.

“May malalaki at maliliit na items na ni hindi naramdaman ng sales lady na nasa bulsa na pala niya. Nagtataka ang mga nandun kung bakit tawanan nang tawanan ang grupo, e, wala namang kata­wa-tawa, wala silang kaalam-alam na ang ginagawa na palang ope­rasyon ng isang kasama nila ang dahilan ng kanilang pagta­tawanan.

“Paglabas nila ng mall, iniluwa ng bulsa ng singer-actress ang maraming stuff na nakuha niya sa loob, hangang-hanga sa kanya ang buong grupo, dahil ang dami-dami niyang nakuha na hindi man lang namalayan ng mga nagbabantay na sales ladies sa kanila,” kuwento sa amin ng source.

Hindi na gaanong aktibo ngayon ang singer-actress na ito, iginarahe na siya ng isang mayamang business­man, kaya ang sabi ng kanyang mga kaibigan ay siguradong “pinaglalaruan” din niya ang wallet at bulsa ng mayaman niyang karelasyon.

Pero kailan lang ay naisahan ng kanyang mga kapanalig ang singer-actress, isang mamahalin niyang kagamitan ang nawala, nun lang niya naisip na maliliit lang na kagamitan ang kaya niyang nenokin at hindi siya katulad ng grupong kumuha sa kanyang sasakyan.

* * *

Madiing pinabulaan ni Jinkee Pacquiao na sa kanya nanggaling ang text message na tinanggap ni Valerie Concepcion kamakailan, hindi raw niya gagawin ang ganung kabastusan, kung si Ara Mina nga raw ay hindi niya pinatulan noon kaya si Valerie pa kaya ang bibigyan niya ng atensiyon ngayon?

Matitindi ang akusasyon ng texter na nagpa­kilalang si Jinkee sa dalagang-ina, malandi raw si Valerie at pera lang ni Pacman ang puntirya nito, kaya ayon sa nagpakilalang si Jinkee ay hindi niya ito uurungan.

Pero maagap sa paglilinaw ng kanyang panga­lan ang misis ni Manny, sa pamamagitan ni Tito Reli de Leon na kaibigan ni Manny ay nilinaw agad ni Jinkee na wala siyang kinalaman sa mensaheng tinanggap ni Valerie, siguro raw ay gawa-gawa lang yun ng isang taong naiinggit sa kanilang pagsa­sama ni Pacman.

Ilang beses na raw kasi silang pinagtangkaang wa­sakin ng taong yun, text daw nang text ito kay Pacman at kay Jinkee, talagang pinagsasabong silang dalawa.

“Nakausap ko na si Jinkee, takang-taka siya kung bakit nalalagay na naman siya sa alanganing sitwasyon, samantalang wala naman siyang kaalam-alam tungkol dun?

“Aware ka rin naman na merong texter na sumisira sa kanila, puwedeng iisang tao lang ang gumagawa ng mga ganyan kaya gusto kong ipaalam kay Valerie na walang kinalaman si Jinkee sa tinanggap niyang text message,” pahayag pa ng kaibigan ng mag-asawa.

Sinabi rin ni Tito Reli de Leon na sa estado nila ngayon ni Manny ay wala nang dahilan pa para ata­kihin ng insecurity ang misis ng kampeong bok­singero, nananahimik na nga raw si Jinkee, pero meron pa ring mga ganitong klaseng kuwento at aku­sasyon na hinding-hindi niya naman ginagawa.

“Nakakaawa naman si Jinkee, lagi na lang siyang napupuruhan, e, wala namang kakibo-kibo yung tao,” pahabol na pagtatanggol pa ni Tito Reli sa misis ni Pacman.

Source: The Philippine Star