Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Fanny Serrano won't compete with Ricky Reyes

Fanny Serrano won't compete with Ricky Reyes

Author: Trina Lagura
Column: Entertainment

Madiing sinabi ni Fanny Serrano na hindi siya nakikipagkompitensiya kay Ricky Reyes sa trabaho at sa pakulo sa paggawa ng hairdo at make-up sa industriya ng kagandahan.

"Madalas kaming mag-usap sa telepono ni MR, ni Mother Ricky. Alam mo naman, matagal na rin kaming magkaibigan and we don't consider each other competitor," pahayag ni Serrano, kilala rin sa tawag na TF o Tita Fanny sa kanyang malalapit na kaibigan sa show business.

Ang isyu ay nag-ugat nang mag-organisa si Serrano ng hair competition kamakailan kaugnay sa pagtatatag ng 1st Touch of Excellence Awards ng Philippine International Cosmetologists Association na kanyang pinamumunuan.

Nauna nang magkaroon ng hair show si Reyes gayundin ang iba pang hairdresser kabilang si Evelyn Alvaran-Cruz at ang namayapang si Jun Encarnacion bagamat kahit wala na ito ay ipinagpapatuloy ng kanyang asosasyon, ang Hacap, ang paligsahan.

Ano ngayon ang pagkakaiba ng timpalak ni Serrano sa mga nauna nang hair competition?

"Una, talagang kailangang suportahan ang mga hairdresser sa buong Pilipinas lalo na 'yong mga nasa liblib na lugar sa pamamagitan ng pag-discover sa kanila. And by means of hair competition, nakikilala sila at maaalagaan.

"'Yong hindi pa nakikita sa ibang hair show, gagawin namin. Like, sa Cosmetologie '09, may mga seminar at symposium kami para ma-enhance ang knowledgeability ng mga hair stylists at make-up artists.

"Ang mga category namin ay diversified. May red carpet look kami na talagang gustung-gustong gawin ng mga competitor dahil pabonggahan talaga. And I think the difference lies in the implementation," paliwanag ni Serrano.

Bakit ngayon lang siya nakaisip nang ganito samantalang marami nang nagpasimuno ng ganitong gawain?

"Wala na akong mahihiling pa sa career ko. Halos lahat ay naibigay na sa akin ng Panginoong Diyos. Pero marami ang nagkumbinsi sa akin na mag-head ng isa pang hairdressers association. Ayoko na nga pero mapilit sila kaya dahil nais ko pang makatulong at maibalik ang suwerte na ibinigay sa akin ng Panginoong Diyos, nais kong sumuporta sa mga deserving artists," sagot ni Serrano.

Bukas, ika-26 ng Pebrero, sa SMX Convention Center sa Mall of Asia idaraos ang gawad parangal sa mga nagwagi sa hair contest. Magiging panauhin sina Lorna Tolentino, Gary Valenciano, Charlene Gonzales, Cherie Gil, Judy Ann Santos, Pops Fernandez, Ogie Alcasid, Renee Salud at marami pang iba.

Source: ABS-CBN News