Apr 17
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Former model-actress Bessie Padilla now cancer-free

Author: Rose Dionson


Sino nga ba ang makakalimot kay Bessie Badilla? Bago niya pinasok ang showbiz bilang isang comedienne ay siya lang naman ang kinikilalang Philippine's top model during the '70s and '80s. Naging paborito siya ng maraming sikat na designers dahil sa angkin niyang ganda at husay magdala ng damit.

Una siyang nagpamalas ng galing sa pagpapatawa nang mapabilang siya sa cast ng number one sitcom noong '80s sa IBC-13 na Eh, Kasi Babae kung saan kasama niya sina Gloria Diaz, Janice Jurado, Tiya Pusit, Buboy Garovillo, Charlie Davao, Debbie Miller, at ang yumaong Johnny Wilson. Ang nasabing sitcom ang nagbigay-daan kay Bessie para ma-nominate bilang Most Promising Television Star and Best Actress in A Comedy.

Kamakailan, pinatunayan ni Bessie na hindi lang ang pagiging isang magaling na ramp model at komedyante ang dapat hangaan sa kanya kundi maging ang pambihirang katapangan at tatag ng loob pagdating sa pakikibaka sa buhay. Hindi nga birong pagsubok ang halos magkasunod na dumating sa buhay ng kanilang pamilya pero kinaya niya ito at matagumpay na nalampasan.

Last May 2006, pumanaw ang asawang businessman ni Bessie na si Bambi del Castillo—dating asawa ng aktres na si Hilda Koronel—dahil sa brain aneurysm. Naulila nito si Bessie at ang tatlo nilang anak na sina Isabel (anak ni Bambi kay Hilda pero parang tunay na anak na kung ituring ni Bessie dahil sa kanya halos ito lumaki), Blanca at Ynez.

Matapos ang apat na buwan, laking panlulumo ni Bessie nang matuklasan niya na mayroon siyang thyroid cancer. Sa halip na panghinaan ng loob, matapang na hinarap ni Bessie ang panibagong dagok na dumating sa kanyang buhay. Sumailalim siya sa operasyon na inabot ng pitong oras noong January 4 at sa awa ng Diyos ay naging matagumpay naman ito, pero  kailangan pa rin niyang sumailalim sa regular check-up para matiyak na hindi na kakalat ang cancer sa ibang bahagi ng kanyang katawan.

Ngayon nga ay cancer-free na si Bessie at laking pasalamat niya dahil dininig ng Panginoon ang kanyang mga dasal.

Aminado naman si Bessie na nami-miss pa rin niya ang asawa lalo na kapag dumarating ang gabi. Nakagawian na nga raw niya na kinakausap ang yumaong asawa bago matulog na para bang nasa tabi niya lang ito.

"I miss him. I miss Bambi," nasabi niya sa kaibigang TV host-columnist na si Butch Francisco na lumabas sa 'Star Bytes' column nito sa Philippine Star last March 6. "I talk to him before I go to sleep just to be able to cope with his loss."

Ang tatlong anak ni Bessie ay nag-aaral sa Amerika. Si Isabel ay kaka-graduate lang sa Holy Cross, isang sikat na eskuwelahan sa Massachussets. Samantalang ang sumunod dito na si Bianca ay kumukuha ng history sa nasabi pa ring school at pinagmalaki ni Bessie na isa itong Dean's Lister. Ang bunso namang si Ynez ay nasa sixth grade at the Greenwich Catholic School.

Nakabase si Bessie at ang kanyang mga anak sa Connecticut, USA pero kapag umuuwi ng Pilipinas ay nag-i-stay siya sa bahay ng kanyang pamilya sa Better Living, Parañaque.

Source: Philippine Entertainment Portal