|
|
| GF na Born-Again Christian, malaking impluwensya sa aktorAuthor: Nitz Miralles Malaki ang impluwensya sa actor ng kanyang Born-Again Christian GF dahil naging mas madasalin ang actor. Ilang beses na ring isinama ang actor ng GF kung saan siya nagsisimba at nagwu-worship at nakakatulong sa actor ang mga nakikilala at nakakausap na mga taong 'di taga-showbiz dahil mas lumalawak ang kanyang alam at pananaw sa buhay. May konting conflict lang sa pamilya ng actor na devout Catholic ang pagiging Born-Again ng GF nito. Natatakot ang pamilya ng actor na baka dumating ang araw na hindi na nila ito makasamang magsimba kung sumunod sa religion ng GF. Nasa actor na kung paano ipaliliwanag sa pamilya na kahit ano pa ang maging religion niya, hindi mawawala ang faith sa religion na kinamulatan. * * * Dumalaw kami sa shooting ng Sagrada Pamilia, ang indie film tungkol sa pamilyang sinira nang pagiging OFW ng ina. Maganda ang istorya na sinulat ni Raquel Villavicencio sa direction ni Joel Lamangan at sinasalamin ang mga totoong nangyayari sa tahanang wala ang ina. Nasa cast sina Snooky Serna, Emilio Garcia, Felix Roco, Lovi Poe, Gloria Diaz at Robert Arevalo. Paiiyakin daw tayo ng pelikulang produced ng Legadas Entertainment 'pag pinanood sa third week ng November at first dramatic role ni Lovi. Sabi ng young actress, nag-alangan siyang tanggapin ang project dahil may two rape scenes at kailangan niyang kausapin ang manager at nang tanggapin ang project, ipinaliwanag sa ina kung gaano ka-importante ang rape scenes. Nakatulong na si Emilio ang rapist ni Lovi dahil alam niyang aalagaan siya nito. "Natakot pa rin ako nang kunan ang eksena dahil parang totoo. Ginalingan ko na lang para 'di paulit-ulit ang take. I'm happy with the result at pagsisisihan ko kung 'di ko tinanggap ang project na ito dahil lang sa rape scene. "Hindi ko alam kung lumabas ang pagka-aktres ko rito, pero sana, ma-appreciate ng moviegoers. I wanna be an actress at gagawin ko ang lahat para ma-achieve 'yon," sabi ni Lovi. Walang lovelife si Lovi at ipinagpilitang friends na lang sila ni Jolo Revilla. Wala man siya sa birthday party ni Sen. Bong Revilla, binati naman niya ito at 'di nawawala ang respeto at pagmamahal niya sa Revilla family. * * * Tinapos ni Direk Yam Laranas ang Patient X sa loob ng 18 days at sa October 28, mapapanood na ang horror movie na "creature feature" ang tawag niya. Sa movie mapapanood na hindi nahahati ang katawan ng mga aswang, 'di sila lumilipad at hindi bawang at crucifix ang panlaban sa kanila. Natutuwang ibinalita ni Direk Yam na kahit sa abroad, gusto nang mapanood ang Patient X na title pa lang,, isyu na. Nabanggit din ng direktor na kaya ng Pinoy filmmakers ang mga ginagawa ng filmmakers abroad, sa budget at kagamitan lang kinukulang. Samantala, kick off sa Saturday sa SM Valenzuela, 4 p. m. , ng mall tour ng cast ng Patient X para i-promote ang movie. Darating sina Richard Gutierrez, Cristine Reyes, TJ Trinidad, Miriam Quiambao at iba pang cast ng movie. * * * Sa Ikaw Sana, malalaman ni Eliza (Jennylyn Mercado) na may cancer siya, pero ililihim ang sakit kay Michael (Mark Herras). Masaya si Michael dahil feeling niya, perfect ang buhay nila ni Eliza, pero biglang magbabago ang asawa at biglang nagagalit nang walang dahilan. Kay Sofia (Pauleen Luna) magku-confide si Eliza, ayaw daw niyang masaktan ang kanyang pamilya. Pinayuhan siya ni Sofia na lumayo para 'di mahirapan si Michael. * * * Sa Stairway to Heaven, sa sobrang depression ni Eunice (Glaiza de Castro) sa hindi pagsipot ni Cholo (Dingdong Dantes) sa kanilang date, magkukulong siya sa kuwarto. Tatanungin ni Jenna (Rhian Ramos) si Cholo kung saan galing ang kuwintas nito, hindi niya alam, palihim na kinuha ng binata ang kuwintas ng dalaga. Malalaman ni Eunice na sa park nagtatrabaho si Charlie at palalayuin niya ito at si Jenna. Sa makukuhang documents ni Mr. John, makukumbinse si Cholo na hindi nga si Jodi si Jenna. Source: People's Tonight |