Sep 07
HomeLoginBrowseNewsTV ScheduleStatisticsPreferenceHelpMessage Board

Gerald ipinagtanggol ni Kim vs Snooky

Walang keber si Kim Chiu sa kanyang mga sinasabi basta't maipagtanggol lamang niya si Gerald Anderson. Sa presscon ng Love Spell: Cindy-rella episode (na ipapalabas na sa Oct. 14), sinagot ni Kim ang umano'y pang-ookray ni Snooky Serna kay Gerald And...

 

Gerald ipinagtanggol ni Kim vs Snooky

Column: Eksenadora
Author: Chan-Chan Torres

Walang keber si Kim Chiu sa kanyang mga sinasabi basta't maipagtanggol lamang niya si Gerald Anderson.

Sa presscon ng Love Spell: Cindy-rella episode (na ipapalabas na sa Oct. 14), sinagot ni Kim ang umano'y pang-ookray ni Snooky Serna kay Gerald Anderson.

Tinanong si Kim kung ano ang reaksyon niya tungkol sa sinabi ni Snooky na pinaka-plastik daw si Gerald bukod pa sa ito ay isang ham actor?

Siyempre, nawindang si Kim, noh! Nagulat daw siya dahil ang amo naman ng mukha ni Snooky tapos may maririnig siya na sinabi umano ng aktres na ganito at ganyan.

"Paano naman po nila masasabing hindi marunong umarte si Gerald eh, binibigyan po siya ng maraming projects? Saka paano nila masasabing plastic si Gerald eh, hindi naman nila kilala 'yung tao?" depensa pa ni Kim sa ka-loveteam.

Dagdag pa ni Kim, baka raw nai-insecure lang ang ibang tao kay Gerald dahil maraming trabahong ginagawa ang binata. Kaya hayun, kung anu-ano raw ang intrigang ibinabato sa ka-loveteam niya.

Biglang sabay-sabay na nagtanong, so, na-insecure nga kaya si Snooky kay Gerald?

"Ayy, hindi ko po alam!" agad napatili na lang si Kim at tumawa na hindi na alam kung ano ang sasabihin.

May nagtanong kay Kim kung kilala ba niya si Snooky dahil baka hindi niya knows kung sino ang kanyang pinatutungkulan ng mga salita.

Aniya, kilala niya ang kontrobersyal na aktres. Maputi at maamo raw ang mukha nito kaya nagulat daw si Kim at nakakapag-salita ng ganoon si Snooky. 'Yun na!

Nu'ng bandang huli ay nag-sorry naman si Kim, hindi raw niya intensyon na makasakit ng kapwa. Ang gusto lang niyang tumbukin ay hindi totoong plastic si Gerald.

Grabe, ang gwapo-gwapo ni Gerald sa pagtatanggol ni Kim, huh!

Anyway, Linggo ng hapon before The Buzz mapapanood ang Love Spell na idinirehe ng magaling na si Ruel S. Bayani.

Hindi po Linggo ng umaga. We stand corrected.

* * *
Nasa Amerika pala ang minamahal ni Kristine Hermosa na si Diether Ocampo nu'ng maganap ang aksidenteng kinasangkutan ng driver na si Francisco Manarang.

Ayon pa sa mainit na balita, minamaneho ni Manarang ang Hyundai Sta. Fe ng aktres galing Maragondon, Cavite kung saan nagte-taping ang dalaga para sa soap nito.

Balitang nag-overtake raw ang sasakyan ng aktres at biglang sinalubong ang isang motorsiklo sumalpok agad ito at tumilapon ang sakay nitong si Jay-R Davis (16 yrs. old) na sa kasamaang palad ay suma-kabilang buhay agad. Kritikal naman daw ang nobya ng biktima.

Nasa presscon kami nu'ng pinag-uusapan ang tungkol sa aksidente at balitang super iyak daw si Kristine.

Aba, malaking responsiblidad 'yun at siya ang kailangang managot dahil siya nag may-ari ng sasakyan, di ba?

Ayon pa sa news, sasagutin naman daw ni Tintin ang lahat ng gastos ng biktima.

Wala pa umanong masabi si Diet tungkol sa isyu dahil siya ay nasa Los Angeles pa ngayon.

* * *
May bagong kinaaaliwan pala ngayon ang manonood ng Wowowee, huh?

Totoo pala ang sinabi ni Willie Revillame na pagkatapos ng nangayari sa Wilyonaryo ay magbabago na ang lahat lalo sa game portions ng show. Ito na nga 'yun. Nu'ng Oct. 8 ay nagsimula na ang Merry Christmas, Merigalo at fifty celebrities ang nagpatalbugan para sa simpleng Yes or No na sagot.

Madali lang kasi ang mechanics ng larong ito, from different questions mula sa topics gaya ng geography, sports, math, history, arts, music at marami pang madaling subject matter na puwedeng sagutin lang ng oo at hindi.

Si Rodjun Cruz ang nagwagi ng P250,000 that day.

Sey ni Willie, sisiguraduhin nila ng staff ng Wowowee na mag-i-enjoy ang mga players ng bawat game lalo pa't magpapasko na. 'Wag isnabin ang mga premyo, pabulosa talaga ang prices.

Sali na tayo, huh? Go!

Source: Taliba