|
|
| Heart, inagawan ni Yasmien ng project? Direk Joey, masama ang loob sa ABS-CBN!![]() Author: Rey Pumaloy Una ngang nabalita na si Heart Evangelista ang gaganap sa TV version ng pelikulang Saan Darating ang Umaga na pinagbidahan noon ni Maricel Soriano sa pelikula. Pero, hindi na nga matutuloy `yon kay Heart, dahil si Yasmien Kurdi na ang napili para sa role na `yon. Kaya, hindi na ako magtataka kung intrigahin sina Yasmien at Heart. Sigurado, may magsusulat na kesyo sinulot ni Yasmien ang role ni Heart. O tipong inagawan ng project ni Yasmien si Heart. Anyway, si direk Maryo J. delos Reyes na siyang magdidirek ng Sine Novela na ito sa GMA 7 ang siyang nagkumpirma nito sa amin. Sabi pa ni direk Maryo, bago matapos ang September ay magti-taping na sila nito. Speaking of Saan Darating ang Umaga, hindi na rin matutuloy si Lorna Tolentino na gumanap sa papel na ginampanan noon ni Nida Blanca. Tumanggi na nga si Lorna dahil lilipat na siya sa ABS-CBN. Sabi ni Tita Lolit, ang manager ni Lorna, ayaw raw muna ni Lorna ng mga heavy drama na role. Hindi pa nga raw ito nakaka-recover sa pagkamatay ni Rudy Fernandez. Ikinuwento rin ni Tita Lolit na madalas pa ring bumibisita sa puntod ni Daboy si Lorna. Sa puntod nga raw ni Daboy nag-celebrate noong September 8 sina Lorna at ang dalawa niyang anak. Plano sana ng pamilya na umuwi ng gabing-gabi, pero nu'ng makita raw nila na kumakawag-kawag ang buntot ng aso nilang si Clifford, na para raw may kinatutuwaan, natakot sila. Ikinuwento rin ni Tita Lolit na kahit bagyo ay hindi tumitigil si Lorna sa pagpunta sa puntod ni Daboy. Minsan daw ay sumama siya kay Lorna sa puntod, at natakot daw siya sa lakas ng kidlat at ulan, pero ayaw pa ring umalis ni Lorna. “Sabi ko nga, paano kung kami ang tamaan ng kidlat, eh 'di kami naman ang natsugi! Kaya sabi ko kay LT, hindi na ako sasama sa kanya, 'no!” kuwento ni Tita Lolit. Anyway, inalok din daw si Amy Austria na gampanan ang papel na tinanggihan ni Lorna sa Saan Darating ang Umaga. Pero, tumanggi rin si Amy, dahil gusto na raw ni Amy na magka-baby. Mas gusto raw nitong asikasuhin ang pagkakaroon ng baby, kesa ang sumabak sa trabaho. Sabi nga ni Tita Lolit, sana ay matupad ang plano ni Amy na maging ina, dahil malaki na raw ang nagagastos nito. Nagsimula na ang syuting ng One Night Only, na prodyus ng Canary Films, at ididirek ni Joey Reyes. Sa pakikipagtsikahan namin kay direk Joey, inamin niya na masama ang loob niya sa ABS-CBN dahil sa ginawa raw na pagba-back out ng mga artista nito na sina Angelica Panganiban, Valerie Concepcion, at Diether Ocampo. Anyway, bukod kay Katrina Halili, kasama na rin sa pelikula sina Diana Zubiri at Alessandra de Rossi. At para kay direk Joey, sinusunod lang niya ang utos sa kanya ng prodyuser na si Mr. Orly Ilacad. Pag-amin ni direk Joey, nasaktan siya sa ginawa ng ABS na pagtanggal sa mga artista nila sa pelikula niya. Ni hindi na raw inisip ng Dos na isa rin siyang Kapamilya, na kung saan ay may mga naging kontribusyon din naman daw siya sa kanila. Hanggang ngayon, ang sabi-sabing pagbibigay ng presscon ng Octo Arts kay Katrina ang dahilan kung bakit tumalikod ang mga artista ng Dos sa project na `yon. “Diyos ko, dahil lang sa presscon na 'yon, nagkaroon ng isyu. Eh, presscon lang `yon para i-welcome si Katrina bilang contract artist ni Boss Orly. Na-misinterpret lang. Nakakaloka!” sabi ni direk Joey. Anyway, may mga sinabi sa akin si direk Joey na iba pang rason kung bakit tinanggal sa proyekto ang Kapamilya talents. Pero, ayaw na lang niya itong ipasulat, para hindi na raw lumaki pa ang gulo. At kahit masama ang loob niya sa Dos, itutuloy pa rin daw niya ang mga projects na natanguan niya sa Kapamilya. “Mapagpatawad ako. Pero, ang hindi nila alam, hindi ako madaling makalimot. Mapagtanim ako!” sabi pa ni direk Joey. Source: Abante |