Mar 21
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Hindi nasusukat ng pera ang tunay na pagmamahal

Author: Pacita A. Ramos
Column: Taray

Sabi ko na nga ba nu'ng presscon para kay Gabby Concepcion para sa Maalaala Mo Kaya sa mga kasamahan kong movie press na magkakaayos din sina Gabby at Joebert Sucaldito. Eh, 'di hayan na ang mga taong hinihintay. Isang taong pakikinggan ng kaibigang Joebert. Taong magla-lagay ng tuldok sa 'ika nga ni Gabby, puwede namang pag-usapan nang paupo at hindi na kailangan pang patayo.

Hindi nga naman talaga naghahangad si Gabby ng panibagong problema lalo't nagbabalik-showbiz siya.

Una-una nga lang. At ang una ay ang birthday ng panganay niyang si KC.

Ngayon pa lang niya ipadadama sa panganay ang kanyang pagmamahal.

Ngayong kaya na niyang ibigay ang inaakalang magugustuhan ng anak. Isang mamahaling sasakyan na punumpuno ng pananabik at pangungulila sa may 20 taong nilang pagkakawalay.

Ewan nga ba kung bakit ang basehan ng pagmamahal na laging naitatanong kay Gabby ay milyones ba ang sasakyang iyon?

Sa loob ng 2 buwan pa lang niyang pananatili dito, milyones na ba ang hinihintay ni KC?

I don't think so.

Sa mismong Sharon show, narinig ko ang mga kuwentong KC kung gaano kababaw ang kanyang kaligayahan. Kung gaano siya kaligaya ngayong nandito na ang pinakamamahal na Papa.

Tulad din ng sinabi ni Gabby bago umalis si KC patungong Paris: "Kahit mayakap ko lang ang anak ko, sapat na, " ani Gabby.

"Ang maunawaan niya kung bakit na-delay ang unang usapan namin. Lunch nga kasi ito, pero, naging late dinner. Naghihintay pa rin siya. Inuunawa pa rin niya ako. "

* * *

Naalaala din tuloy ng Taray kung gaano ang pagsisikap ni Jericho Rosales na regaluhan si Heart (Evangelista) ng kuwintas na punung-puno ng brilyante.

Dahil nakasanayan na raw ng dalaga na tumanggap ng milyones ang halagang regalo mula sa mga magulang at kamag-anak.

Naging maligaya ba si Heart? Makatarungan ba ito para sa binatang dating nangangaliskis lang ng isda sa Marikina Market?

Naituwid ba ni Heart ang mensahe na hindi sa halaga ng regalo naipadarama ang tunay na pagmamahal?

Gaano ba kahaba ang pisi ni Echo para mapantayan ang luho ni Heart?

Ang mga brilyante ay bukod pa sa bahay na ipatatayo ni Jericho na dapat sana'y magiging pugad nila ng dalaga in two or 3 years time. Dahil, pakakasal na nga daw sila 'di ba?

Pero, ano'ng nangyari?

Huwag na nating banggitin ang pangalan ng isang premyadong action star na naubos din ang savings dahil gustong pantayan ang mga mamahaling regalo ng mayamang dyowa.

Kapag nireregaluhan siya, nagpapakamaginoo rin siya.

Riregaluhan din ang dyowa, kahit hindi kaya ng bulsa. 'Yun, naubos siya.

Ipinamalita na ng babae na wala na siyang pera. Na mag-isa iyang binabayaran ang properties na siya naman ang may gustong angkinin.

Wala na rin sila ngayon. Nasa kangkungan na ang relasyong iyon.

Purdoy na ang lalaki at ang babae ay patuloy na lumalangoy sa minanang kayamanan.

Ingat, mga kaibigan.

Hindi talaga nasusukat ng pera ang tunay na pagmamahal.

Nasa puso iyan, wala sa bulsa.

Source: Taliba