|
|
| Ina ng aktor binitbit ang boyfriend sa taping ng anakAuthor: Nitz Miralles Pasaway ang ina ng isang actor dahil binitbit sa taping ng anak ang bagong boyfriend. Nawindang daw ang bagets nang makita kung sino ang kasama ng ina at mabuti na lang, dahil magaling, hindi naapektuhan ang trabaho nito. Nagulat ang mga kasama sa soap ng batang actor dahil akala'y kumpleto ang pamilya nito at batay na rin sa kinukuwento nito 'pag naiinterbyu, masaya ang pamilya nila at magkasama ang nanay at tatay niya. Ayun, dahil sa kagagawan ng ina, nabuking na hiwalay ang mga magulang ng actor. * * * Kinilala ni DILG Sec. Ronnie Puno ang popularidad ng entertainment section ng mga diyaryo, kaya sa entertainment writers siya nagpatulong para iparating sa mga kababaihang biktima ng pang-aabuso na puwede silang lumapit at magsumbong sa Women's Desk na inilagay ng DILG sa bawat presinto sa buong bansa. Well-trained policewomen ang iniligay dito para tumulong sa mga lalapit na biktima. Dahil showbiz writers ang kausap, 'di napigilang tanungin si Sec. Ronnie ng isyu kay Gretchen Barretto at sa kapatid niyang si Dodie Puno na isinulat ni Vinia Vivar kahapon. Favorite actress niya si Boots Anson-Roa at sa mga kabataang artista, nabanggit niya sina Bea Alonzo, Marian Rivera at Sarah Geronimo. Most beautiful actresses sa kanya sina Boots, Amalia Fuentes, Ruffa Gutierrez, Bea, Marian at Sarah. Ipinaalam din ni Sec. Ronnie na tatakbo siyang vice-president sa 2010 elections at sa posiblidad na makalaban sina Gov. Vilma Santos at Sen. Kiko Panglinan, heto ang kanyang pahayag: "Kasama ko si Gov. Vi sa Batangas sa World Environment Day celebration at sa tingin ko, ang buong puso niya ay sa paglilingkod sa Batangas. "First term pa lang niya as governor at wala siyang kalaban 'pag nag-second term siya. Tingin ko, matutulungan niya si Ralph Recto na maibalik sa Senado, napaka-talino ni Ralph at sayang na wala siya sa Senado. "Kiko is a good senator and he three more years sa Senado. " Bago tapusin ang presscon, kinanta ni Sec. Ronnie ang ilang linya ng favorite song niyang May Bukas Pa, na title rin ng favorite show niya sa ABS-CBN dahil positive side ng pulis ang ipinapakita. * * * Mahal talaga ni Mark Herras ang mga kasama sa StarStruck dahil masaya itong nabibigyan ng trabaho ng GMA Network ang mga taga-SS pati 'yung nakalimutan for sometime. Masaya siya para kina Ryza Cenon at Mike Tan na kasama sa Rosalinda at pabor siya sa bida-kontrabida role ni LJ Reyes sa All My Life. May mga binanggit pang pangalan from different batches ng SS si Mark na dapat daw bigyan ng show at wish nitong bigyan ng second chance si Kiko Junio from SS3, na nalulong sa droga, dahil mahusay daw itong artista. Hindi pa alam ni Mark kung ano ang next primetime show niya't ayaw pang maniwalang kasama siya sa Darna dahil wala pang nagsasabi sa kanya. Kung makakasama sa cast, in-assure nito ang fans nina Dingdong Dantes at Marian na hindi niya guguluhin ang tambalan ng dalawa't magtatrabaho lang siya. Tinapos ni Mark ang Bakasyonista episode ng Dear Friend, na mapapanood simula June 14 with Isabel Oli as his partner. Kasama rin si Ryza as his sister at natawa kami nang sumbatan ng actor ang dalaga sa pagdi-deny sa kanya dati. Kawawa raw siya dahil idinenay nina Ryza, Katrina Halili at Rhian Ramos at nag-wish na hindi siya idi-deny ng next niyang girlfriend. Source: People's Tonight |