|
|
| 'Iza Calzado Anthology,' palit sa 'MKM'Author: Nitz Miralles Ginanap kahapon ang story conference ng programang papalit sa Magpakailanman. Una nang nasulat na Sindak ang title ng drama anthology, pero dahil may Patayin sa Sindak si Barbara ang ABS-CBN, baka ibahin ng GMA-7 ang title nito. Kahapon din, may nagtsika sa amin na tutal si Iza Calzado naman ang host ng show, baka gawing The Iza Calzado Anthology na ang title nito. Reporter daw ang role ng actress at ang alam pa lang naming makakasama niya ay si Francine Prieto. The same staff ng MKM ni Mel Tiangco ang hahawak ng show. Hindi pa alam kung kailan ang pilot ng The Iza Calzado Anthology, pero mag-aabot ito sa ere ng Joaquin Burdado, kung saan leading lady ang actress ni Robin Padilla. Ang kaigihan lang, weekly ang unang show, at daily ang serye nila ng action star. * * * Gustuhin man ni Cristine Reyes na lumipat sa ABS-CBN after her contract with GMA Artists Center expires in February, hindi pa rin pupuwede't ang GMA Network ang may first option to renew her contract. Kung ayaw niyang magkaproblema, kailangang palipasin niya ang isang taon para magtrabaho sa Channel 2. Balitang sumulat na ang lawyer ng GMA-7 sa ABS-CBN para ipaalalang may kontrata pa sa kanila si Cristine and "not to interfere" with the young actress' career. Kung totoo ito, hindi muna matutuloy ang nababalitang show na pagsasamahan nila nina Iya Villania at Anne Curtis. Hindi tinanggap ni Cristine ang Joaquin Burdado, pero bibigyan siya ng ibang soap at ang nasusulat niyang project ay ang TV remake ng Eva Fonda, 16, unang ginawa ni Alma Moreno sa pelikula noong 1976. * * * Hindi na lang sa telebisyon mapapanood si Jake Cuenca, dahil pumirma na siya ng movie contract sa Star Cinema noong Wednesday. Three-picture raw ang pinirmahan ng actor at nang tanungin kung sino ang gustong makapareha'y binanggit ang mga pangalan nina Kristine Hermosa at Bea Alonzo. Hindi raw nabanggit ni Jake ang ex-girlfriend na si Roxanne Guinoo, pero dahil nasa iisang kumpanya, posibleng magkatrabaho pa rin sila kahit hindi na magka-loveteam. Sa Palos nga, hindi na sila ang magkatambal at si Bangs Garcia na ang makakapareha ng actor. Nauna nang pumirma ng movie contract sa Regal Entertainment si Jake at sa una niyang project, mga Kapuso stars ang makakasama. Hintayin na lang natin kung sino sila. * * * Ilang araw nang nakabalik ng bansa si LJ Reyes mula sa pagbisita sa ina at kapatid sa New York, pero obviously, umiiwas ito sa press at hanggang ngayon ay wala pang nakakapag-interview. Hindi siya mahingan ng comment sa non-showbiz girl na kasama ng ex-boyfriend niyang si Alfred Vargas sa awards night ng Metro Manila Film Festival. Balik agad sa pag-aaral sa De La Salle University si LJ at sa taping ng Zaido at wala na rin yatang pakialam sinumang babae ang irampa ng dating nobyo. Pero, sabi ng actor, binati niya sa text ang actress noong Pasko, na tapat sa 20th birthday nito. "Joanne" lang ang pakilala ni Alfred sa magandang dalaga at sinadyang hindi ipaalam ang apelyido nito. Pero, pasasaan ba't malalaman din ng press kung sino ang dalagang ito na tiyak isasama pa ng actor sa ibang showbiz happening. Inaabangan naman kung kailan lalabas ang bagong manliligaw ni LJ na sobrang sikreto ang identity. May nagsulat na tungkol sa kanya, pero maliban sa maimpluwensya raw ang pamilyang pinanggalingan nito, wala nang ibang detalyeng alam tungkol sa binata. Source: People's Tonight |