|
|
| Jake Cuenca is one of Bea Alonzo's choices as "Betty La Fea" leading man![]() Author: Rose Garcia Kahit may sakit ay hindi pa rin nahindian ni Jake Cuenca ang imbitasyon ng Entertainment Press Society (Enpress) sa Nominees' Night ng kanilang 5th Golden Screen Awards na ginanap kagabi, May 20, sa The Library sa Malate, Manila. Isa si Jake sa mga naimbitahang celebrity na mag-announce ng mga nominee sa ilang categories at mag-abot ng certificates. Saglit nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang young actor sa naturang event. Ayon kay Jake, pagkatapos ng kanyang teleserye na Palos at two-night concert ng kinabibilangan niyang Coverboys sa Music Museum, nakaplano na siyang gumawa muli ng isang show sa ABS-CBN. Pero ayaw muna niyang mag-elaborate tungkol sa bagay na ito lalo na't hindi pa naman daw nagsisimula. May naka-lineup din siyang movie sa Star Cinema at Viva Films. Gaya ng sisimulan niyang bagong show, mas gusto ni Jake na magkuwento tungkol dito kapag talagang siguradong-sigurado na gagawin na niya ang mga naturang proyekto. TEAM-UP WITH BEA. Halata namang nagliwanag ang mukha ni Jake nang hingan namin siya ng reaction sa pahayag ni Bea Alonzo na other than her perennial leading man John Lloyd Cruz, si Jake ang isa sa gustong makatambal ng young actress para sa pagbibidahan nitong Betty La Fea. "Of course, sobrang flattered ako," nakangiting sabi ni Jake. "I mean, yung mahanay lang yung pangalan ko sa mga nabanggit pa niya--like Gabby Concepcion, Aga Muhlach, Diether Ocampo--sa akin, parang, 'Wow, thank you.' Nakaka-flatter yung tiwala kung sakali." Dugtong ni Jake, kalabisan naman daw itanong pa sa kanya kung isa rin ba si Bea sa pinapangarap niyang maging leading lady. Bago pa man siya naging isang Kapamilya, isa na talaga si Bea sa wini-wish niyang makatrabaho. "Alam n'yo, kahit noon pa, isa na si Bea sa hinahangaan ko sa ABS-CBN, kahit yung first teleserye pa lang nila ni John Lloyd [Cruz]. Siyempre bilang artista, isang malaking opportunity yung makatrabaho ko rin yung iba't ibang lead actresses ng network," pahayag niya. Sa pagkakaalam ng PEP, may pelikula talagang pagsasamahan sina Bea at Jake sa Star Cinema na may pagka-suspense ang tema. Pero nang tanungin namin si Jake tungkol dito, sinabi ng young actor na posibleng may mga pagbabago pa raw at hindi pa niya masabi kung kailan sila magsisimula. Pero, siyempre, wish ng young actor na matuloy ito. Source: Philippine Entertainment Portal |