Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Janina San Miguel vs. Gretchen Barretto?

Janina San Miguel vs. Gretchen Barretto?

Author: Jun Nardo
Column: I Know Better!

KAPANSIN-PANSIN ang pagbabago ng hitsura ngayon ng dating Bb. Pilipinas-World na si Janina San Miguel.

Sa presscon ng 3rd season ng Celebrity Duets, nag-stand out talaga ang beauty niya. Palibhasa matangkad (5'11”), kaya lutang na lutang ang ganda.

Eh, bumanat pa ito ng English, at in fairness, tama ang grammar niya, ha!

May mga bulung-bulungan na biglang-yaman daw si Janina ngayon?

“Ay, hindi naman po! Makikita nila sa VTR na ginawa ko, na sumasakay ako ng jeep. Ang papa ko, jeepney driver. Maka-masa talaga para sa text votes! Ha! Ha! Ha” sagot ni Janina.

May mga tsismis din noon na natipuhan daw siya ni Tony Boy Cojuangco, ang partner ni Gretchen Barretto? Siya nga ba ang karibal ni Gretchen sa puso ni Tony Boy?

“Hindi po totoo 'yon!” maigting na pagtanggi ni Janina.

Paano ba nagsimula ang tsismis sa kanila ni Tony Boy?

“Siguro po, may reporter na nakakita nu'ng meeting namin. Siyempre, beauty queen at kadalasang nali-link sa mga beauty queens, mga ganoon po. Okey lang, basta wala kang ginagawang masama. Cool ka lang! Huwag kang matatakot!” paliwanag ni Janina.

Pero, totoo ba na binalak siyang bigyan ng solo TV show ni Tony Boy sa TV 5 noon?

“Hindi natuloy 'yon. Kasi, dapat 'yung kapatid ko, si Sandra Scheiffer, who is also my friend, sa Ms. Earth nga siya. Nag-meeting na kami noon, pero hindi nga na­tuloy!” sagot niya.

Pero, na-type-an ba talaga siya ng boss ng TV 5?

“Ah, talaga? Pero, hindi naman po galing sa kanya 'yan. Huwag na nating palakihin ang isyu!” paiwas na sagot ni Janina.

Teka, ngayong sumali siya sa Celebrity Duets, balak ba niyang talbugan ang singing career ni Gretchen?

“Ganoon po ba? Tsismis lang po 'yung sa amin ni Mr. Tony Boy. Ayoko pang magkaroon ng lovelife. Career muna.

“At saka, hindi ko ka­ya­ng talbugan si Gret­chen!” tugon ni Janina.

Naku, baka naman big­la siyang mag-back out sa CD3 na tulad ng ginawa niya noon sa Bb. Pilipinas?

“Nag-back out lang naman ako dahil sa health reasons,” sagot niya.

Dahil ba `yon sa mali-mali niyang English kaya niya tinalikuran ang kanyang korona?

“Ay, hindi, no! Ang galing-galing ko na ngang sumagot nga­yon! Health naman talaga ang reason. Napaka-asthmatic ko! Lahat na yata ng sakit, meron ako. Ngayon nga inuubo ako!

“Naka-recover na ako roon. Wala na sa akin 'yon. Go on with my life. Nag-aaral pa rin naman ako hanggang ngayon kaya marami pang mangyayari sa akin. Nanghinayang din ako pero it's my destiny. Hindi pa lang siguro binibigay ni God na maki­pag-compete ako!”

Anyway, sa October daw ay papasukin na rin ni Janina ang pag-arte.

“Enjoy ako sa lahat! Ha! Ha! Ha!”

Enjoy rin ba ang lovelife niya?

“Wala nga akong boyfriend! Ang laki-laki ko, 'di ba?”

May mga basketball players naman?

“Ayoko po ng mga basketball players kasi baka matalbugan nila ako! Ha! Ha! Ha!” tumatawang sagot niya.

Siyanga pala, bukod kay Janina ay kasali rin sa CD3 sina Jomari Yllana, Gina Alajar, fashion guru Maxie Cinco, fashion fotog Niccolo Cosme, model Akihiro Sato, boxing champ Nonito Donaire, Jr. at iba pa.
***

Aminado si Cesar Montano na kumakain siya ng sardinas. Lumaki raw siya sa Sta. Ana, kaya hindi puwedeng hindi siya kumakain ng sardines.
“Laking-sardinas ang Batang Maynila. Isa po sa kinalakihan natin 'yan!” sabi ni Cesar.

Ang Mega Sardines na ini-endorse niya ngayon ang plano niyang ipamigay sa Bohol sa November.

“Pati sa Pasko, mamimigay rin ako ng Mega Sardines. Kasama 'yon sa giveaways natin. Pero iklaro lang natin, na bago ako mag-endorso ng produkto, tsini-check ko muna ang produkto. Itong Mega, may Omega ito at sariwa ang isda na nahuhuli at nilalagay sa lata!

“Madaling mag-endorso ng produkto pero dapat ding malaman kung magaling ang produkto at kung ano ang naibibigay nito sa mga tao,” sabi na lang ni Cesar.

Source: Abante