| | Jewel, mahiwaga na naman KRIS, NAGSELOSAuthor: Abu Tilamzik TULUY-TULOY na sana ang ganda ng career ni Jewel Mishce pagkatapos ng Dear Friend dahil maayos ang plano ng GMA Artist Center sa kanya. Pero medyo nahihiwagaan na naman ngayon ang lahat dahil sa biglaang pagtanggi niya ng indie movie na Bente kung saan makakasama sana niya sina Richard Gomez at Sen. Jinggoy Estrada. Nandu'n na pala sa location si Jewel pero bigla siyang umatras at sinabing hindi pala niya kayang gawin ang role. Nagtataka ang mga taga-GMAAC dahil nabasa ni Jewel ang script at aware itong medyo mapangahas ang role, pero hindi maghuhubad at dadayain ang kissing scene nito sa ka-partner na si Aldred Gatchalian. Akala raw kasi ni Jewel, si JC Tiuseco ang ka-partner niya, pero biglang napalitan ito ni Aldred dahil hindi pumuwede ang Pinoy Sole Survivor. Nanghihinayang ang mga taga-GMAAC sa project na ito dahil maganda ang role at ibang challenge na naman ito sa young actress. Bakit biglang nagbago ang isip ni Jewel at umatras siya? Ang tanong tuloy ng mga taong nagha-handle kay Jewel, may nakikialam ba sa mga project na iniaalok sa kanya? Sobrang seloso ba itong taong malapit kay Jewel at kailangan niyang sundin kung anong project ang pwede lang niyang tanggapin? Sayang dahil unti-unting naaayos ng GMAAC na maibalik ang dating sigla ng career niya. Sana, makapag-isip nang mabuti si Jewel kung sino ang dapat niyang pakinggan at sundin para sa ikagaganda ng kanyang career. *** Kabilang sina Aljur Abrenica at Kris Bernal sa pinakamainit na talents ngayon ng GMA 7. Consistent na mataas ang sinenobela nilang Dapat Ka Bang Mahalin? at kahit sa out of town shows ay hinihingi sila ng mga producer. Nu'ng nag-taping ang Master Showman sa Pangasinan para sa Bangus Festival nung nakaraang linggo, isa si Kris sa tinilian nang husto. Hinahanap sa kanya si Aljur na hindi nakasali roon. Tinalbugan ni Kris ang ibang sikat na Kapuso talents na kasabay niyang nag-guest doon. Kaya naka-concentrate na ngayon ang dalawa sa kanilang loveteam at may malaking project daw ang GMA 7 na nakalaan para sa kanila pagkatapos nitong Dapat Ka Bang Mahalin?. Nagkadebelopan na nga yata silang dalawa, kaya nagkakaroon na ng selosan. Inamin ni Kris na nagselos siya nang napabalitang may ibang girl daw na ka-date si Aljur sa Puerto Galera nung Semana Santa. Nagpaliwanag ang young actor na ang girl na iyun ay ka-date ng kaibigan niya. Siya lang daw kasi ang nakilala sa grupo kaya ang buong akala ng mga nakakita, ka-date niya ito. Nangako raw ang young actor na wala siyang ibang pwedeng i-date kundi si Kris lang. *** Nandu'n kami sa story conference ng Dukot nu'ng Lunes nang maglitanya si Snooky nang pagkahaba-haba sa tanong kung nagkaroon ba siya ng kakilala na naging desaparecido. Pagkahaba-haba ng sagot ni Snooky na walang saysay at walang konek sa tanong. Kaya pinatigil na ito ni Gina Alajar dahil nahalatang nairita na ang lahat sa paikut-ikot niyang sagot. Halata namang biro iyung comment ni Gina na sana, hindi na ito mali-late kaya nakapagtataka kung bakit doon pa napikon si Snooky. Sabi ni Gina, kung nasaktan si Snooky dahil pinatigil na siya sa pagsasalita, maintindihan pa niya. Pero doon sa komento niya tungkol sa pagdating ng late, iyun ay biro kaya nag-sorry na lang si Gina kung nasaktan ito. Sana, hindi na ito pinalaki ni Snooky dahil wala talagang isyu at hindi na kailangang pansinin. Source: Abante Tonite |
|