|
|
| Jinggoy at Lorna, 'di talo sa halikan!![]() Author: Dondon Sermino WAKE up call sa lahat ng mga artistang humahawak ng mga sensitibong posisyon ngayon sa gobyerno ang tingin ni Sen. Jinggoy Estrada sa pagkakatalo ngayon ng maraming artistang tumakbo sa eleksiyon. Dapat daw ay matuto ang mga artistang nasa posisyon ngayon na magsilbi ng tama sa mga tao. "People are not dumb. Alam na nila kung sino ang dapat na iboto nila para manilbihan sa kanila," sabi pa ni Sen. Jinggoy. Naniniwala rin si Sen. Jinggoy na mali ang timing sa pagpasok sa pulitika ng mga artista ngayon, lalo na sina Richard Gomez at Cesar Montano. "Politics is about timing." Sa pananaw ni Sen. Jinggoy, mas maganda kung tumakbo muna sa mas mababang posisyon ang mga artista, na makapag-establish muna ng kanilang pangalan o maipakilala nila sa publiko na karapat-dapat sila, bago sila tumakbo sa mataas na puwesto. Siyanga pala, ang asawa ni Rudy Fernandez ang ka-loveteam ngayon ni Sen. Jinggoy sa pelikulang Katas ng Saudi. Aliw na aliw si Sen. Jinggoy sa pelikula nila ni Lorna, dahil parang naglalaro lang daw sila. 'Yun nga lang, sa unang eksena pa lang daw nila ni Lorna, naka-take 2 na siya. "Nabulol ako," sabi niya. Pero, hirit pa rin ni Sen. Jinggoy, parang walang thrill sa kanya ang pelikula nila ni Lorna. "Hindi kasi talo ang leading lady ko. Ha! Ha! Ha! Ha!" Katunayan, wala nga raw silang halikan ni Lorna. "Hindi ko ma-imagine. Para kasi kaming magkapatid. Araw-araw ko silang kasama. Baka kung may kissing scene kami, maka-take 20 kami dahil wala kaming gagawin kundi ang magtawanan nang magtawanan. "So, okey na nga na wala kaming kissing scene! "At least, safe na safe si Daboy. Ha! Ha! Ha! Ha!" tumatawang pahayag ni Sen. Jinggoy. Ang Katas ng Saudi ay kuwento ng isang OFW na pagbalik sa Pilipinas ay nakaranas ng kakaiba o iba't ibang eksena mula mismo sa kanyang mga kamag-anak. *** DUMALAW si Rudy Fernandez sa unang araw ng syuting ng pelikulang Katas ng Saudi, na pinagbibidahan nina Lorna Tolentino at Sen. Jinggoy Estrada. At kung titingnan mo si Daboy, parang wala siyang sakit. Bukod sa palagi siyang nakangiti, ganu`n pa rin naman ang dating ng katawan niya. Pero bago dumating si Daboy, naikuwento ni Lorna na katatapos lang nito ng chemotherapy noong Miyerkules. Kaya halos buong araw ng Huwebes (unang araw ng syuting nila ni Jinggoy), plakda ito sa kama at hinang-hina. Pero, sa pagdating ni Daboy noong Huwebes ng gabi, parang hindi ito nanggaling sa panghihina. Masaya nga itong nakipagkuwentuhan sa amin. Anyway, naikuwento rin ni Lorna na parang palaging naglilihi si Daboy ngayon. Mistula raw itong buntis, dahil kung ano-anong klaseng pagkain ang gustong-gusto nitong kainin, na kung minsan daw ay medyo imposible. Nariyan daw `yung humihiling ito na kumain ng puting maya-maya, at kung minsan ay sardinas na bangus, at `yung tinatawag nilang tibuk-tibok na parang kakanin/maha-blangka, na gawa sa purong gatas ng baka. Kuwento ni Lorna, pinaiinom daw kasi si Daboy ng gamot na nagpapabalik ng kanyang appetite. Normal na raw kasi na pagkatapos ng session sa chemotherapy ay nawawala ang panlasa ni Daboy, kaya kailangan nitong uminom ng naturang gamot na pampagana. Pero, ang ending nga, masyado itong napapalakas kumain. "Ang nakakatuwa, ang dami naming friends na palaging nagdadala ng pagkain. Like si Gretchen Barretto, kung ano-anong klase ng pagkain ang dinadala niya kay Daboy. "Tumatawag muna siya kung anong gustong pagkain ni Papa Daboy, and then, padadala agad niya. "Sina Annabelle Rama at Eddie Gutierrez din, nagpapadala ng pagkain. Halos araw-araw, may nagdadala ng food sa bahay para kay Daboy. "'Yung mommy ni Raymart Santiago, si Tita Cielito, nagbigay minsan ng sardines na bangus. Aba, nagustuhan niya `yung sardines na bangus, at palaging `yon ang kinakain. "Nakakahiya nga, dahil kapag nauubos na, tumatawag agad ako kay Tita Cielito. Nagpapadala naman agad. Ang sarap-sarap naman kasing gumawa ng sardines na bangus ni Tita Cielito," kuwento pa ni Lorna. Minsan naman daw ay nagpunta sa Pampanga si Mark Anthony Fernandez (anak ni Daboy kay Alma Moreno). Tumawag umano ito kay Daboy, at agad naman na nag-request si Daboy na dalhan siya ni Mark ng tibuk-tibok (kakanin). Bagama't medyo natagalan bago nakabalik ng Maynila si Mark, dinala pa rin nito ang masarap na tibuk-tibok sa bahay nila. Siyanga pala, masaya ang unang araw ng syuting ng Katas ng Saudi, dahil magkakapamilya nga ang turingan ng mga tao roon. Kasama rin sa Katas ng Saudi si Julian Estrada (anak nina Sen. Jinggoy at Precy), pati na sina Aaron Villaflor at Shaina Magdayao. Si Joey Reyes ang direktor ng Katas ng Saudi. Source: Abante |