Mar 18
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Jiro, sinibak!

Author: Ian F. Farinas

HANGGANG ngayon pala'y hindi pa nagkukrus ang mga landas nina Zsa Zsa Padilla at Dingdong Dantes, ex-boyfriend ng panganay niyang si Karylle, mula nang maghiwalay ang dalawa.

Sa launching ng bago niyang two-CD album, Unchanging Love under Polyeast Records sa Discovery Suites kahapon ng tanghali, sinabi ni Zsa Zsa na ilang beses na niyang ipinagdasal ang magiging chance encounter nila ni Dingdong, na ngayo'y nali-link sa perennial TV partner na si Marian Rivera.

Aminado si Zsa Zsa na bilang ina, labis din siyang nasaktan nang mag-break sina Karylle at Dingdong at ang tangi niyang hiling ay "we have a good encounter. "

Malaking rebelasyon din ang ikinuwento niya na hanggang ngayon, may mga litrato pa si Dingdong sa kuwarto nila ni Dolphy at sa sala ng kanilang bahay.

Hindi raw siya sigurado kung aware si Karylle rito't kaya lang naroon pa ang mga iyon ay dahil super busy siya't walang oras asikasuhin ang pagtatanggal ng mga ito.

Katuwiran pa ni Zsa Zsa, hindi madali dahil "he's (Dingdong) been part of our family din for some time. "

Concern naman ang ipinakikita ni Dolphy sa pangyayari dahil kinukonsidera ang maaaring maramdaman ni Karylle tungkol sa mga litrato.

So far, ani Zsa Zsa, masuwerte siya sa tatlong anak na babae -- sina Karylle, Nicole at Zia. Mistulang blessing in disguise na rin daw ang nangyari dahil finally, na-realize ng mga tao kung gaano ka-gracious ang panganay niya sa harap ng matinding kontrobersiya't problema.

"People have come to know her grace. Si Karylle, she answers questions intelligently. I'm really lucky to have my three girls," sey pa niya.

Nang usisain naman tungkol sa isyung kinasasangkutan ng kaibigang si Dra. Vicki Belo, sinabi ni Zsa Zsa na wala siyang alam at nakikitsismis lang sa mga kaibigan.

Endorser si Zsa Zsa ng Belo Medical Group, pero ilang buwan din siyang nawala sa 'Pinas dahil sa Divas 4 Divas tour nila nina Kuh Ledesma, Pops Fernandez at Regine Velasquez sa Amerika.

Dahil sa iskandalo, masasabi ba niyang it's wiser to fall for an older man? Tanong ng isang showbiz writer.

Sagot ng singer, oo. Medyo bagay na nga raw sila ni Dolphy ngayong 81 na ito't siya nama'y 45 years old na. "Sa wakas, bumagay na," biro pa niya.

Sa ngayon, hindi na priority ng Divine Diva ang pagpapakasal sa Comedy King, tutal naman daw, ang pagsasama nila sa loob ng 20 taon ay "mas binding" sa kahit na ano pang kontrata.

Ongoing pa rin daw ang annulment case nila ng ex-hubby na si Dr. Modesto Tatlonghari, kaya hindi siya puwedeng mag-comment dito.

"If I talk, baka umabot pa ng seven years," babala niya.

Samantala, masaya si Zsa Zsa dahil after seven years, balik-recording ang beauty niya. Ang carrier single ng comeback CD niya'y ang remake ng Hanggang ni Wency Cornejo.

Sa Linggo ito nakatakdang i-launch sa ASAP '09 at kukunan ang music video ng Hanggang any day now sa ilalim ng direksyon ni Treb Monteras.

Title track ng two-CD special edition package ang kontrobersyal na Unchanging Love, ang adaptation ng isang Japanese song na nilapatan ng English lyrics ni Martin Nievera.

Ito ang kantang iniregalo ni Martin sa bagong kasal na sina Judy Ann Santos at Ryan Agoncillo, pero sinabing "kinopya" lang ng concert king sa Korean-Japanese pop star na si Jyongri (EMI Japan).

It turned out na kinumisyon pala ng Polyeast si Martin para sa English lyrics at 'yun nga, naisip niyang iregalo na rin kina Juday at Ryan.

Anyway, ang iba pang OPM remakes sa bagong CD ni Zsa Zsa ay Memories, Nais Ko, Muli, Nasasaktan, Changes, Ikaw Lang at Kung Alam Mo Lang. Tatlo naman ang original tracks, ang Iibigin Kita Muli, Kung at Pagmamahal na Walang Wakas.

* * *

SINIBAK na ang young actor na si Jiro Manio sa Tayong Dalawa at hindi na rin siya iri-represent bilang 'talent' ng Star Magic.

Sa in-e-mail na pahayag ng ABS-CBN corporate PR kagabi, narating daw ang desisyon matapos ang maraming pagkakataong ibinigay kay Jiro para itama ang ilang maling gawi at bumalik ang interes na gampanan ang role sa nasabing teleserye.

Nauna rito, nakausap daw si Jiro ng Star Magic kaugnay ng problemang pinagdaraanan. Nangako raw itong babalik sa trabaho.
Pero, hindi tinupad at patuloy na 'di sinipot ang taping.

"Mahusay na artista si Jiro at nakapanghihinayang ang kanyang pagkawala sa Tayong Dalawa, pero kailangang bigyan ng tamang leksyon ang ganitong 'unprofessional at irresponsible behavior,'" ayon pa sa e-mail.

Source: People's Tonight