Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

John Lloyd Cruz excited to work again with Sarah Geronimo

Author: Nora Calderon


Dream pala talaga ng young dramatic actor na si John Lloyd Cruz na muling makatambal ang Popstar Diva na si Sarah Geronimo. Ito ang dahilan kaya na-excite si John Lloyd nang kausapin siya ng managing director ng Star Cinema na si Ms. Malou Santos at sinabing siya na raw ang makakatambal ni Sarah sa launching movie ng young actress-singer na Dear Heart, a co-production of Star Cinema and Viva Films.

Ang Dear Heart ay halaw sa launching movie ni Sharon Cuneta noong 1980, kung saan nakatambal niya si Gabby Concepcion. At gaya ng alam na ng lahat, nauwi sa kasalan at hiwalayan ang pagsasama nina Sharon at Gabby—na mga magulang ni KC Concepcion.

Unang nagkatambal sina John Lloyd at Sarah sa "Kuwintas" episode ng Maalalaa Mo Kaya (MMK) last year. Ayon sa young actor, hindi sila nagkaroon ng chance na maging magkaibigan ni Sarah that time dahil naging madalian ang taping nila ng MMK. Naka-schedule na kasing umalis noon si Sarah para sa one-month US concert tour ng The Other Side of Sarah at katatapos din lang ng teleserye ng dalaga na Bituing Walang Ningning.

Ngayon daw, kahit magkasama rin sila sa ASAP '07 ay hindi pa rin sila gaanong nagkakausap ng kanyang future leading lady. Hanggang "hi" and "hello" lang daw sila. Sa kabila nito, gusto pa rin ni John Lloyd na makatrabaho ulit si Sarah.

"Masayahin siya, parang ang gaan-gaan ng loob ko sa kanya," sabi ni John Lloyd tungkol kay Sarah.

"Kaya lang, ayoko pa ring isipin na tuloy na kami. Kasi kung minsan, kahit nagsimula na kayong mag-shooting, napapalitan pa rin [ang casting]. Kung hindi matuloy na magtambal kami ni Sarah, siguro may dahilan—for the better. Sakali man na hindi kami matuloy ni Sarah sa movie, may chance pa rin kaming magkatambal ulit," positibong pahayag ng multi-awarded young actor.

Ngayong tapos na ang Bituing Walang Ningning ni Sarah at malapit na ring matapos ang Maging Sino Ka Man ni John Lloyd, hindi kaya pwedeng silang dalawa naman ang pagtambalin sa susunod nilang teleserye?

"Ang alam ko, may bago akong project pagkatapos ng Maging Sino Ka Man. Pero fantaserye yun, yung Taong Lobo yata. Si Anne Curtis daw ang makakasama ko. Paghihiwalayin daw muna ang love team namin ni Bea [Alonzo] dahil pang-apat na namin ang Maging Sino Ka Man," sabi ni John Lloyd.

Kung si John Lloyd ay itatambal kay Anne, si Bea naman ay balitang si Zanjoe Marudo ang makakatambal sa susunod nitong teleserye sa ABS-CBN. Unang nagkasama sa isang teleserye sina John Lloyd at Bea sa Kay Tagal Kang Hinintay. Sinundan ito ng It Might Be You at Ikaw Ang Lahat Sa Akin.

Speaking of Bea, napakatamis ng ngiti ni John Lloyd nang tanungin siya tungkol sa kissing scenes nila sa Maging Sino Ka Man. Kinikilig ba siya dahil siya ang unang nakahalik kay Bea?

"Hindi naman, natawa lang ako kanina. Naisip ko lang na parang kailan lang, nasubaybayan ko ang paglaki ni Bea sa showbiz. Fourteen pa lang kasi siya nang pumasok sa showbiz. Hindi ko alam kung ako talaga ang first kiss niya. Baka kasi may young love, sweet love siya bago pumasok ng showbiz. Pero on screen, ako ang first kiss niya," nakangiti pa ring pahayag ni John Lloyd.

Samantala, inalam namin kay John Lloyd kung ano na ang nangyari sa napabalitang pelikulang pagsasamahan sana nila ng Star For All Seasons at Lipa City Mayor Vilma Santos sa Star Cinema.

"Wala nang sinasabi sa akin. Pero may isa pa raw akong gagawing movie, hindi ko alam kung may title na. Kami raw ni Angelica Panganiban ang magtatambal. May kasama raw kaming isang senior star, hindi pa lang sinasabi kung sino," sabi niya.

Ibinalita rin ni John Lloyd na baka ma-postpone ang show nila ni Bea sa United States sa March dahil extended hanggang first week of April ang Maging Sino Ka Man.

"Baka sa Holy Week na kami matuloy ang shows namin sa New York, Chicago, Washington, Las Vegas, at San Francisco. Baka mabisita ko na rin ang mga kapatid ko sa New York dahil almost a year na rin ang huli kong bakasyon sa kanila. Nagkasunud-sunod kasi ang trabaho ko," nakangiting pahayag ni John Lloyd bilang pangwakas.

Source: Philippine Entertainment Portal