|
|
| John Prats, maghuhubo na rin!![]() Author: Rey Pumaloy Desidido na si John Prats na magpaganda ng katawan. At kung sa susunod na taon daw ay seksi na siya, hinding-hindi raw siya magdadalawang isip na maghubo na rin. Sabi nga ni John, gusto niyang sundan ang mga yapak nina Piolo Pascual, Dingdong Dantes, Rafael Rosell at Jon Avila. Kaya nga, puspusan na raw ang ginagawa niyang pagpapapayat ngayon, bilang paghahanda sa pagbabagong image niya sa susunod na taon. Sa ngayon, seryoso si John sa kanyang south-beach diet. Sabi nga ni John, sana raw ay magkaroon ng epekto ito sa kanyang pagpapapayat. Kuwento kasi ni John, sinubukan na niya noon ang lahat ng mga diet programs, pero raw hindi 'yon umepekto sa kanya. Ang kapatid daw niyang si Camille ang nagsabi sa kanya na mag-south beach diet. At sa tingin ni John, paunti-unti ay nababawasan na ang kanyang timbang. Aminado si John na mahirap ang mag-diet. Sa simula raw ay palaging mainit ang kanyang ulo. Well, sabi nga ni John, gagawin niya ang lahat ng puwedeng gawin, basta sumeksi lang ang katawan niya. Siguradong matutuwa ang mga bading sa mga gustong gawin ni John sa susunod na taon. Isa kasi sa mga plano niya ay rumampa sa Bench fashion show, na siyempre ay briefs lang ang suot. At kung mas mabibigyan daw siya ng lakas ng loob, plano niyang gayahin si Wendell Ramos sa Bench fashion show noon, na nagsuot ng t-back at nagpakita nga ng puwet sa harap ng maraming manonood sa loob ng Araneta coliseum. Ipagdasal daw ng mga bading na mas tumapang pa ang kanyang kalooban, dahil pag nangyari `yon ay gagawin daw talaga niya `yon. Siyempre, kasama rin sa mga plano ni John na mag-endorse rin ng underwear. Gusto niyang makita ang sarili niya sa mga billboards na naka-briefs lang. Nakakaramdam daw siya ng inggit kapag nakikita niya ang billboards nina Dingdong Dantes at Diether Ocampo. Teka, bakit nga ba biglang-bigla ay parang nag-iba ang mga plano ni John sa buhay? “One time kasi, binanggit ko kay Tito Ben (Chan) 'yung tungkol sa pagpapa-sexy ko. Pero, natawa lang siya. “Na-challenge ako sa naging reaksyon niya. Hindi ako nagtampo o nainsulto, kundi na-challenge talaga ako. I'm challenging myself next year. “Pero siyempre, gusto ko ring matulad kina Piolo at Dingdong. Inspirasyon ko sila. “Kapag nakikita ko sina Dingdong, Sam at Piolo sa mga billboard nila, sinasabi ko sa sarili ko na kaya ko rin `yon,” kuwento ni John. Maging ang daddy raw ni John ay suportado ang plano niyang pagpapa-sexy. Ang daddy raw niya mismo ang nagsabi na i-reinvent ang sarili para mag-mature na siya. “May nagtanong sa akin noon na kung kaya ko raw bang magsuot ng pants na low waist sa pictorial, at magpasilip ng konting hair. Sabi ko, bakit hindi? “Kaya nga, kapag na-achieve ko na `yung katawan na gusto ko, tatawagan ko agad si Tito Ben, at sasabihin ko sa kanya na ipa-pictorial niya ako agad. “Ang gusto ko kasi, sa kanya mauna ang pagpapa-sexy ko. Ang gusto ko sa kanya mangyari ang launching ko. “Hindi naman sa napipikon ako. Pero, kapag may fashion show kasi ang Bench noon, palagi nila akong tinutukso na ang dapat ko raw maging partner sa pagrampa ay si Juliana, 'yung anak nina Richard Gomez at Lucy Torres, kasi parehas daw kami ng height. Ha! Ha! Ha! Ha! “So, gusto ko talagang maiba ang tingin sa akin ng mga tao,” patuloy na pahayag ni John. Anyway, bago ang pagpapaseksi ni John, panoorin daw muna siya sa isang wholesome na movie, ang Oh My Girl, kasama sina Ogie Alcasid at Judy Ann Santos, mula sa Regal Films. Source: Abante |