Karylle admits she and Jericho Rosales talk about their love problems Author: Bernie Franco Inamin ni Karylle sa Showbiz News Ngayon noong Lunes (Abril 6) na sa kanyang bagong album na Time For Letting Go ay may kasamang kanta na isinulat nila ng ex-boyfriend na si Dingdong Dantes noong sila pa. Ironically ang pamagat ng kanta ay " Wala Na Ba Ang Lahat" na tila bagay na bagay ngayon sa kanilang sitwasyon nang matapos ang kanilang relasyon na tatlong taon din ang itinagal. " Nung time na sinulat namin, alam mo naman ang mga Pilipino, gusto natin ng heartbreak songs. ' Yun lang talaga 'yon. Nagkataon lang," paliwanag ni Karylle tungkol sa pagkakasulat ng kanta. Ikinuwento pa niya na bago niya ibinilang ang kanta sa kanyang album ay ipinagpaalam muna niya ito kay Dingdong na pumayag naman. Kamakailan din ay inimbitahan ng singer-actress ang kanyang dating kasintahan sa kanyang birthday party noong March 22, subalit hindi umano nakarating ang aktor. Paliwanag ni Karylle, hindi naman niya inasahang darating pa si Dingdong subalit inimbita pa rin niya dahil naging parte rin naman siya ng buhay nito. Sa kasalukuyan ay inili-link ang pangalan ng anak ni ZsaZsa Padilla kay Jericho Rosales na kanyang leading man sa isang upcoming project sa ABS-CBN. Sa katunayan nga ay malaki ang naitulong ni Echo sa dalaga sa kanyang pagmu-move on from her breakup. "Actually marami siyang nalalamang mga bagay-bagay about these things. Minsan nag-uusap kami about it. Maganda rin kasi to hear a guy's point of view about breakup kasi syempre iba rin naman 'yun," paliwanag ni Karylle. Nilinaw niya na wala pa naman intensyong ibinibigay ang aktor na manliligaw ito sa kanya. Sa kabilang banda, itinanggi ni Echo na madalas niyang dalawin ang dalaga sa kanyang make-up room. " Andu'n ako kasi may rehearsals talaga kami. Nagkataon lang na nandu'n ako palagi sa make-up test kasi involved ako dun sa show," paliwanag ng aktor. Natutuwa umano siya sa tinuran ni Karylle na nakatulong siya sa dalaga sa proseso ng lampasan ang naging problema sa puso. "That's nice. At least we inspire each other. Ako rin, eh marami rin akong natutunan sa kanya when it comes to matters of the heart. She shares a lot of good things na importante talaga. That's good at least may nagagawa akong maganda. We're really good friends," paliwanag ni Echo. Nilinaw rin niya sa SNN na hindi niya nililigawan si Karylle. Source: ABS-CBN Interactive |