Nov 22
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Karylle at Dingdong, madalas magbanggaan!

Karylle at Dingdong, madalas magbanggaan!

Author: Jojo Gabinete

NAPAPANGITI at napapailing si Karylle habang ikinukuwento nito kahapon na palagi silang nagkikita ng kanyang ex-boyfriend na si Dingdong Dantes mula nang maghiwalay sila.

“By accident, lagi kaming nagkakabanggaan. Casual naman kami pero weird lang dahil lahat ng tao, nakatingin sa amin,” ang sabi ni Karylle sa press interview na ipinang-imbita ni Wilson Lee Flores, ang editor-in-chief ng S Magazine.

Nang kumanta siya ng Philippine National Anthem sa laban ni Manny Pacquiao sa Las Vegas noong December 2008, tatlong beses na nagkita sina Karylle at Dingdong.

Ikinuwento rin ni Karylle na may insidente na nakikita niya sa kalye ang sasakyan ni Dingdong ng alas-tres ng madaling -araw.

Hindi alam ni Karylle ang gustong ipahiwatig ng madalas na chance encounter nila ni Dingdong. Napangiti uli siya nang sabihin namin na talagang nananadya ang kapalaran. Kung sino ang tao na ating iniiwasan, sila ang palagi nating nakikita.

Hindi pa handa si Karylle na makipagrelasyon uli.

“Rest” muna raw ang kanyang puso, kahit may mga young businessman na nagpapahiwatig ng panliligaw.

Ang pagtiwalaan ang Diyos ang aral na natutunan ni Karylle nang maghiwalay sila ni Dingdong. Lalo raw siyang naging madasalin.

Tanggap din ni Karylle na matatagalan bago matigil ang pagtatanong sa kanya ng mga tao tungkol sa kanyang ex-boyfriend.

“Parang patay 'yan. Paulit-ulit na ikinukuwento kung paano sila namatay.

Sa tuwing may nakikiramay, paulit-ulit ang kuwento kung paano namatay,” ani Karylle.

Ikinumpara ni Karylle ang sitwasyon niya sa eksena ni Eric Quizon sa Crying Ladies. Paulit-ulit na nagkuwento ang karakter ni Eric sa mga nakikiramay tungkol sa ikinamatay ng kanyang kamag-anak.

Naging therapy ni Karylle ang pagtatrabaho para maka-recover siya sa malungkot na split-up nila ni Dingdong. Nag-umpisa na siya ng taping para sa TV remake ng Maruja, kasama siya sa cast ng Ikaw Pa Lamang at malapit nang i-release ang kanyang bagong album under Polyeast EMI.

A Time for Letting Go ang title ng record album ni Karylle at I'll Never Get Over You ang pamagat ng carrier single. Nilinaw ni Karylle na walang kinalaman sa love story nila ni Dingdong ang pamagat ng album at carrier single.

Source: Abante