Nov 23
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Katrina, papalit-palit ng lalaki!

Katrina, papalit-palit ng lalaki!

Author: Dondon Sermino

ITINANGGI ni Katrina Halili na ibinase sa tunay niyang pagkatao ang papel niya bilang Jasmine sa pelikulang One Night Only ng OctoArts Films.

Sa pelikula kasi, papalit-palit at patul nang patol sa kung sinu-sinong mayayamang lalake ang papel ni Katrina. Kumbaga, ginamit niya ang kanyang alindog para makuha ang mga gusto niyang makuha.

“Hindi naman ako ganun in real life. Ang layo naman!

“Never pa akong nagsabay ng lalake. Ang tagal ko ngang walang boyfriend, `di ba? Siguro, nagsasabay-sabay ang mga manliligaw ko, pero kapag may nagustuhan na ako, pinatitigil ko na `yung ibang manliligaw ko, para hindi na sila umasa,” sabi ni Katrina.

“Pero, bongga talaga ang role ko rito. May nangya­ring problema sa akin na hindi ko puwedeng i-reveal, kasi malalaman niyo na agad ang ending.

“Pero, sure ako na matatawa ang manonood sa akin, lalo na sa eksena namin ni Kuya Ricky Davao,” kuwento ni Katrina.

Enjoy nga si Katrina sa pagpapatawa. Pag-amin niya, napagod na rin siya sa kaiiyak sa harap ng kamera.

“Mahirap din `yung iyak nang iyak sa camera. Matutuyuan ka talaga ng luha.”

Sina Alessandra de Rossi, Jennylyn Mercado, Valerie Concepcion at Diana Zubiri ang mga kasama ni Katrina sa One Night Only.

At ipinagmamalaki niya na lahat sila ay nakasundo niya, at wala silang naging problema sa syuting.

“Okay silang katrabaho. Halos lahat sila nakatrabaho ko na. Parang reunion pa nga nga namin ito. Si Jennylyn, parang kapatid ko na. Ganun din sina Diana, Valerie at Alessandra, kaya masaya talaga.”

Ang One Night Only ay dinirek ni Jose Javier Reyes. Kasama rin sa pelikula sina Paolo Contis, Jon Avila, Joross Gamboa, at Manilyn Reynes.

Source: Abante