Nov 24
HomeLoginBrowseNewsTV SchedulePreferenceHelp
 

Kim Chiu, nagniningning ang ganda! Jake at Aljur, nagpatalbugan ng katawan! Carla, malusog ang ibaba!

Kim Chiu, nagniningning ang ganda! Jake at Aljur, nagpatalbugan ng katawan! Carla, malusog ang ibaba!

Author: Rey Pumaloy

NAGMISTULANG fashion show ng Kapamilya ang katatapos lang na benefit show ng Bench para sa Ondoy victims, na ginanap last Sunday sa Mall Of Asia.

At kahit may mga Kapuso stars na rumampa, lamang na lamang ang Kapamilya stars sa gabing `yon.

Sa totoo lang, malalakas na tilian ang ibi­nigay ng audience sa mga stars ng Ta­yong Dalawa na sina Jake Cuenca, Coco Martin, Gerald Anderson at Kim Chiu. Parang sasabog nga ang MOA sa lakas ng tilian kina Ge­rald at Kim.

Kapansin-pansin din na lalong gumaganda si Kim ngayon. Mukhang tumaba siya ng konti, at bumagay talaga `yon sa kanya. Sabi nga ng mga katabi ko, mukhang beauty queen si Kim ngayon, dahil nagniningning ta­laga ang ganda niya sa stage, ha!

At kahit tatlong beses silang luma­bas para rumampa, hindi nagbabago ang lakas ng tilian ng mga tao sa kanila.

Pero siyempre, may mga tumili rin sa pagrampa nina Kris Bernal at Aljur Abrenica. At mas malakas nga lang ang tilian kay Aljur nu'ng luma­bas ito sa stage na topless, dahil ang ganda talaga ng katawan niya.

Pero, hindi rin nagpakabog si Jake Cuenca, na lumabas ding naka-topless, kaya matinding tilian din ang ibinigay sa kanya ng mga tao.

Nagulat naman ako sa pagrampa ni Carla Abellana, na rumampa na naka-shorts lang, dahil lumantad ang kanyang malalaking pata at binti.

Sana ay magawan ng paraan ang ibabang bahaging `yon ng katawan ni Carla, dahil malusog talaga `yon kung ikukumpara sa katawan niya.

Aliw na aliw naman ang mga tao sa pagrampa ni Elizabeth Ramsey.

Matitinding tili­an at palakpakan nga ang ibi­nigay kay Elizabeth na kuwelang-kuwela talaga.

Anyway, pinalakpakan at tinilian din si JC de Vera ng mga manonood.

Pero, nagulat talaga ako sa lakas ng tili­an kay Coco Martin.

Umani rin ng tilian sina AJ Dee at Ejay Falcon.

Nang lumabas naman si Dingdong Dantes sa stage, hindi siya masyadong napansin ng mga tao, kaya medyo wala pang reaksiyon sa simula. Pero, nu'ng lumantad na ang kanyang mukha, nakabibinging tilian na rin ang ibinigay sa kanya ng mga tao.

Nakita rin naming rumampa sina Regine Angeles, Tessa Prieto-Valdez, Paulo Avelino, Adrei Melendez-Yllana (anak nina Jomari Yllana at Aiko Melendez) at Ryan Yllana.

At tulad ng nakasanayan na, sina Ri­chard Gomez, kasama ang anak na si Juliana, at misis na si Lucy Torres ang panghuling rumampa.

Source: Abante