|
|
| Kim, umiiyak na lumayas sa preskon!![]() Author: Vinia Vivar Pinalakpakan ng press ang nakaaaliw na pilot episode ng My Girl sa preview at launching na ginanap last Thursday night sa Studio 1 ng ABS-CBN. Kinarir talaga nang husto ni Kim ang mga eksena, lalo na ang airport scene kung saa'y tatawa ka talaga nang husto sa bigay-todong pag-arte ng young actress. Pero after the preview, medyo nabahiran ng lungkot ang masayang atmosphere nang makita na lang ng lahat na umiiyak si Kim habang ini-interbyu. Tila ikinasama ng loob ng young actress ang sunud-sunod na tanong sa tunay na estado nila ni Gerald Anderson na parang hindi pinaniniwalaan ng reporters ang kanyang sagot. Feeling ni Kim, pinalalabas siyang sinungaling ng press. Pero say ng mga reporter na nag-interview, nililinaw lang nila ang mga sinasabi ni Kim dahil inconsistent ang mga sagot nito sa tuwing makakapanayam nila. Well, talaga lang sigurong may pagka-iyakin si Kim. Natatandaan namin, napaiyak din siya nang i-announce noon ng ABS-CBN na siya ang napiling gumanap sa My Girl. O, baka naman may problema lang ang young actress? Anyway, ang nakatutuwa ay ang reaksyon ni Gerald nang makitang umaalis si Kim matapos itong umiyak. Wala kasing kamalay-malay ang young actor sa nangyari sa ka-loveteam dahil nasa kabilang table ito't iniinterbyu rin. Nang makita ni Gerald na umaalis si Kim nang malungkot, halos mapilipit ang leeg niya sa pagsunod ng tingin sa leading lady. Kitang-kita sa mukha niya ang pagtataka at pag-aalala. Hindi na nakatiiis ang binata, tumayo na rin at sinundan si Kim. Hindi na nakabalik pa ang dalawa. Pero say ng taga-ABS-CBN na si Eric John Salut, may kukunan daw kasing plug or something sa dalawa kaya kinailangan nang umalis. * * * Bago ang iyakan, nakausap namin si Gerald at inamin niyang may 'something' naman sila ni Kim. "MU" raw siguro ang tawag sa relasyon nila ngayon, pero the kind na walang commitment o obligasyon. Wala pa raw talaga sila sa boyfriend-girlfriend kind of relationship dahil hindi naman sila nagdi-date at hindi 'yung tipong nakakapag-holding hands na. "Hindi naman po kasi ako nagmamadali. Ayaw kong sirain 'yung magandang friendship namin ngayon. Ganito na lang po muna siguro," aniya. Hindi rin worried si Gerald na baka maagaw ng ibang lalaki si Kim dahil sa ngayon, halos araw-araw niya itong makakasama since may project nga sila together. "Kaya araw-araw ko po siyang mababantayan. " Inurirat din kay Gerald ang kotseng ibinigay niya kay Kim at say niya, bayad na raw iyon. Ayaw nga lang niyang sabihin kung magkano. "Napaka-rude ko naman po kung sasabihin ko pa ang presyo. Basta po, matagal na matagal ko pong pinag-ipunan ang pinambili ko nu'n at sorry na lang po kung sinasabing second-hand lang dahil 'yun lang po ang kaya ng budget ko," say niyang nakangiti. Noon pa raw, alam niyang gustung-gusto ni Kim ang kotseng pink, dahil tuwing makakakita raw ang kapareha ng ganu'n, sinasabi nitong "ay ang ganda ng kotse, kulay pink. " Kaya raw nagkaroon siya ng idea na ito ang ibigay na gift sa 18th birthday ng dalaga. Naintindihan daw niya kung bakit gustong ipasoli ng ama ni Kim ang sasakyan, pero okay naman daw sila't kaharap pa nga ito nang ibigay niya ang kotse. Say pa ni Gerald, matatawag na niyang "My Girl" si Kim kapag ginamit na nito ang kotseng ibinigay niya. Actually, ginamit na nga ito ng dalaga nang i-test drive at nakasakay pa si Gerald. So, matatawag na niyang "My Girl" si Kim? "Oo naman. Pero hindi 'yung "My Girl" na she belongs to me," say niya. Ay ewan, ang gulo! Anyway, magsisimula na ang My Girl sa May 26, Monday. Kasama rin sa cast sina Enchong Dee, Niña Jose, Alex Gonzaga, Regine Angeles, Bing Loyzaga, Ronaldo Valdez, DJ Durano at K Brosas mula sa direksyon nina Erick Salud at Jerome Pobocan. Source: People's Tonight |