|
|
| Korina, nagpatutsada kay Sen. Kiko?![]() Author: Dondon Sermino NAGLABAS ng sama ng loob si Korina Sanchez laban sa mga taong naninira sa mapapangasawang si Sen. Mar Roxas, matapos magbigay-daan kay Sen. Noynoy Aquino sa pagtakbo bilang presidente ng bansa. Umiyak pa nga ang TV host sa programa nila ni Ted Failon kahapon, habang ipinapahayag ang damdamin lalo na sa Inquirer columnist na si Conrado de Quiros. “Nasaktan ako hindi dahil nag-give way si Mar kay Noynoy kundi sa mga taong nagdududa sa sinseridad at kakayahan ni Mar na tumakbo bilang leader ng ating bansa. Disenteng tao si Mar at may pananalig sa Diyos. He does what is true to his heart. “Nagagalit lang ako kay Conrado de Quiros sa sinulat niya. Hindi atat na atat sa power ang mapapangasawa ko. Ano ngayon ang masasabi niya sa ginawa ni Mar?” patutsada ni Korina sa radio program nila ni Ted sa DZMM kahapon. Sinabi rin ni Korina na may nagsusumbong sa kanya na maging si Sen. Kiko Pangilinan daw ay tinitira rin si Sen. Mar. “I didn't believe those rumors tungkol sa diumano ay sinasabi ni Sen. Kiko. May utang na loob siya sa amin ni Mar kaya hindi ko pinaniwalaan 'yung mga sumbong sa akin. In fact, I defended him sa paninira sa kanya. “It was me who got him sa Hoy Gising nu'ng nakita ko siya sa UP. Binigyan din siya ng tulong ni Mar nu'ng kumandidato ito. Ang bait-bait ni Mega (Sharon Cuneta). Hindi naman siguro siya kukuha ng asawang pangit ang ugali. Bukod diyan, close ako sa Pangilinan family. Dati kong manager ang sister niyang si Angeli,” sambit pa ni Korina. Tungkol naman sa pagbaba ni Mar sa pagka-bise presidente, ayon kay Korina, magdedesisyon si Mar na galing sa puso niya. Pero sinigurado niyang despite sa pag-atras ni Sen. Mar sa presidential race, tuloy pa rin ang kasal nila. “At least, nabawasan na ang listahan ng mga iimbitahin namin dahil sa nangyari! Ha! Ha! Ha!” natatawang bulalas ni Korina. Nakausap din naman ni Ted si Conrado de Quiros na ipinagkibit-balikat lang ang hiling ni Korina na magbigay siya ng apology. “Batu-bato sa langit, tamaan ay huwag magalit sa sinusulat ko!” katwiran ni Quiros. At sa parte naman ni Sen. Kiko, itinanggi niya ang mga tsismis na binabanatan din niya si Sen. Roxas at nagsabi pa siya na handa siyang umatras sa pagtakbo bilang vice president kung ito ang posisyong tatakbuhin ni Sen. Mar. Source: Abante |